Return to site

WIKANG FILIPINO: WIKANG LAHING MATATAPANG

ni: CRISANTO N. BURABOD

· Volume V Issue I

Bikolano, Ilocano, Pampangeno, Batangueno,

Ilonggo, Bisaya, Chavacano’t Cebuano

iba’t-ibang lenggwahe’t diyalekto

Subalit, bakit nagkakaintindihan tayo?

 

Tila bang pinagbibigkis ng kung ano

At nagkakaunawaan pa rin tayo

Pinag-iisa’t pinagkakasundo

Ng iisang salita, ang Wikang Filipino

 

Pinagsikapang makamit ng matagal,

kalayaang, maging buhay ay isinugal

mga ninunong nakipagbuno, nahapo’t napagal ang katawan

kasarinlan, sa wakas, nakamtan ng bayan

 

Ito’y nagbunsod sa pag-usbong ng Wikang Filipino

Na tatatak sa isipan ng buong mundo

Pagkakakilanlan ng lahing ito

Lahi ng matatapang, buhay inalay para sa kalayaan

 

Wikang Filipino, sariling atin ito,

may kakayahang pagbuklurin tayo

mayamang kultura, pinaiigting nito

bukod-tangi, pina-uunlad pa.

 

Wikang Filipino, turing ay simbolo

Ng ating kasaysayan, pagdurusa’t tagumpay

Dugo at buhay na ipinalit dito

Hindi matatawaran ninuman

 

Ang wikang ito ay daan

Sa pagpasa ng mayamang kultura

Upang sa mga henerasyong papalit

Sa damdami’t isipan, manatiling buhay at di mawaglit

 

Mapadpad man sa ibang lupain

Filipinong wika kapag sambitin

Banyaga’y sa iyo’y mapapatingin

Dahil nga bukod - tangi, ika’y mapapansin

 

Wikang Filipino, sa ating kultura’y sumasalamin

Taas-noo’t ‘di ikahihiyang gamitin

Bagkus ipangangalandakan pa’t

Mas lalong pagyayamanin.