Return to site

WIKANG FILIPINO, SAGISAG NG MAYAMANG NAKARAAN

ni: GIAN CARLO PAMPOSA

Sa bawat letra at mga salita,

Laman ay kasaysayang di mawawala.

Nakatatak sa isipan ng bawat isa,

Tanging yaman nating dala.

Wika'y salamin ng ugaling maganda,

Paggalang at dangal sa bawat isa.

Sa simpleng "po" at "opo" lang sa matatanda,

Mabuting asal ay naipapakita.

Sa mga bayani'y wika'y sandata,

Ginamit upang tayo ay mapalaya.

Nang maipasa sa kabataan ang apoy ng salita,

Upang di mawala ang lahing dakila.

Kaya tuwing agosto ay ginugunita,

Kaisa tayo't buong bansa.

Tagisan ng iba't ibang sining at akda,

Tunay na makulay ang ating wika.

Panitikan, awit, at mga tula,

Salamin ng diwa ng isang makata.

Mga alamat at kwento na kay ganda,

Buhay sa imahinasyon ng bawat isa.

Sa wikang ito tayo'y malaya,

Tinig ng bawat isa'y inuunawa.

Kahit dayalekto man ay magkakaiba,

Sa wikang filipino ay nagkakaisa.

Panahon man ay lumipas at magbago,

Ating wika'y yaman na di maglalaho.

Nagsisilbing pagkakakilanlan sa mundo,

Sagisag ng ating pagiging isang pilipino.