“Malapit na ang kaarawan ni Ava, ano ba ang maaari nating ibigay sa kaniyang regalo?” tanong ni Maya sa kaniyang matalik na mga kaibigan habang kumakain ng halo-halo sa tindahan ni Aling Nena.
Pinag-uusapan ng makakaibigang sina Angela, Maria, Jessa, Fely, at Maya ang papalapit na kaarawan ng isa pa nilang kaibigang si Ava, na isang aspiring baker at malapit ng magdiwang ng kaniyang kaarawan. Nais nila itong gawing sobrang espesyal.
Dahil mahilig mag-bake ng cake si Ava, ang kanilang ideya ay magregalo ng iba’t ibang gamit para dito. Subalit napagtanto nila na halos kompleto na pala si Ava sa mga kagamitang pang-bake.
“Bakit di na lang natin siya bigyan ng party?” tanong ni Angela sa grupo.
Si Angela ang may master plan para sa gagawing sorpresa. Inatasan niya rin ang bawat isa ng kani-kaniyang gawain. Si Maria ang gagawa ng mga banderitas para sa dekorasyon, sina Jessa at Maya naman ang bahala sa pagkausap sa mga magulang ni Ava, samantalang si Fely ang bahalang libangin si Ava habang inihahanda nila ang party.
“At siyempre ang highlight ng ating sopresa ay ang baking station. Dahil mahilig si Ava mag-bake, tayo mismo ang gagawa ng kaniyang cake sa mismong kaarawan niya! Ano sa tingin ninyo? Maganda ba ang ideya ko?” pagmamayabang ni Angela na siyang-siya.
“Perfect!” sabay-sabay na sigaw nina Fely, Maria, Maya at Jessa. Kitang-kita ang ningning sa mga mata ng lima at tila nakikita na nila ang magaganap sa kaarawan ni Ava.
Dumating ang araw na pinakahihintay ng lahat. Binago ni Maria ang anyo ng kanilang bakuran at naging lugar ito na kamangha-mangha. Sa tulong ng ilang kapitbahay at malalapit sa pamilya nila Ava ay nakagawa sila ng mga makukulay na banderitas gamit ang mga lumang papel. May maliliit na ilaw na parang munting alitaptap ang nakasabit sa gilid ng bahay na nagbibigay ng masiglang ilaw sa kulay rosas na lobo sa paligid. Ang mabangong bulaklak na ginawang centerpiece sa ibabaw ng lamesa ay napapaligiran ng mga nakabalot na regalo. Naroon na rin ang ilan pang kaibigan at kapamilya ni Ava na nagkukuwentuhang may tawanan.
“Ano kaya ang magiging reaksyon ni Ava sa sorpresa natin sa kaniya?” sabik niyang tanong kay Maya.
Samantala sa isang grocery store, nililibang nina Fely at Manay Pina si Ava sa pamimili.
“Oh anak, kunin ninyo na ni Fely ang mga nakalista dito ha. Medyo marami ang tao ngayon kaya pagkatapos ay pumila na kayo para magbayad habang nangunguha naman ako ng iba pang bilihin,” saad ni Manay Pina sabay abot ng listahan kay Ava.
“Opo, Ma,” saad ni Ava at sabay hila kay Fely.
Tiningnan ni Ava ang listahan at ang nasa kart. “Harina, asukal, gatas, itlog, baking powder---” natigilan si Ava at tila napaisip.
“Hala, lagot!” sigaw ni Fely sa isip niya. Mabilis niyang kunwari ay kinuha ang listahan kay Ava. “Mukhang kumpleto naman lahat. ‘Asan na kaya si Auntie Pina? Kanina pa tayo nakapila dito. Hanapin ko lang siya ha,” sabay layo ni Fely na medyo kinabahan.
Habang naghihintay sa bahay ay inaayos naman nina Jessa at Maya ang baking station. Siniguro nilang sa lamesa na ang mixing bowl, wooden spoon, at rubber scraper. Nandoon na rin ang measuring cup, measuring spoon, cooling rack, at electric mixer. Nalagyan na rin ng parchment paper ang round pan.
“At siyempre kumpleto na din ang ating mga apron at hairnet,” sabi ni Maria.
Dumating na nga si Ava.
“Maligayang kaarawan, Ava!” sabay-sabay nilang bati. Kitang-kita sa mata nito ang pagkasorpresa.
“Maraming salamat sa inyong lima. Nag-abala pa talaga kayo,” halos maluha-luha sa galak na saad ni Ava sabay yakap sa mga kaibigan.
“Masaya kami na mabigyan ka kahit simpleng selebrasyon. Sana ay nagustuhan mo ang aming sorpresa,” sabi ni Maria habang hawak ang kamay ni Ava.
“Aba, oo naman. Napakaganda ng ginawa ninyong ayos sa lugar,” tugon ni Ava. Agad niyang napansin ang mga gamit sa pag-bake. “Bakit nakalabas ang mga ‘yan?” turo nya ng nguso sa mga gamit sa lamesa.
“Surprise!” sabay-sabay na sigaw ng lima.
“Ito ang highlight ng party mo. Gagawa kami ng birthday cake mo ngayon mismo,” sabik na sabi ni Angela. Masayang-masaya si Ava.
Bago magsimula ay naghugas muna ng kamay ang anim at nagsuot ng apron at hairnet. Sabik ang lahat sa gagawing cake.
Hindi alam nina Angela, Jessa, Maria, Maya, at Fely na bawat isa sa kanila ay may sariling ideya kung ano ang magbibigay ng tunay na kasiyahan kay Ava sa pagdiriwang ng kaniyang kaarawan. Lumitaw ang hidwaan nang simulan na nilang palamutian ang cake dahil sa pagkakaiba ng kanilang kreatibong pananaw.
Si Angela, dahil sa kaniyang maingat na ugali, ay gustong maging perpekto ang cake. Nais naman ni Maria na ito ay maraming kulay. Ang gusto naman ni Fely ay klasik at elegante ito, nais ni Jessa na puro pink ito, samantalang ang ideya ni Maya ay simplehan lamang ang cake.
Ang dating masayang pagtutulungan ay naging labanan ng ideya. Ipinipilit pa rin ni Angela na maging perpekto ang cake. “Dapat ang cake ay maging perfect, isang obra!”
Medyo tumindi ang tensiyon habang nagtatalo sila sa pagpili ng kulay at pangkalahatang estetika ng cake. Kung kaya’t mahinahong sinabi ni Ava, “Hindi naman kelangan na maging sobrang ganda ng cake, ang importante ay ang pagmamahal natin habang binubuo ito.”
“Pagsamahin natin ang mga ideya at gawin natin ang cake na simbolo ng ating pagkakaibigan,” dagdag ni Ava.
Habang nagpapatuloy sila sa paggawa ng cake, nagkaroon sila ng bagong damdaming pagkakaisa. Napagtanto nila, na tulad ng iba't ibang sangkap ng cake, ang kanilang mga indibidwal na lakas at pananaw ay bumuo sa tamis ng kanilang pagkakaibigan.
Sa wakas, ang hidwaan ay naging daan sa mas malalim na pang-unawa at pagpapahalaga sa isa't isa ng magkakaibigan. Ang pagdiriwang, bagama’t sa una'y nabalot ng konting hindi pagkakaunawaan, sa huli nama’y naging patunay sa katatagan ng kanilang samahan at sa mahika na nangyayari kapag ang magkakaibigan ay may respeto sa pagkakaiba ng isa't isa.
“Hindi ko inaasahan na migiging ganito kaganda ang sorpresang ito para sa akin. Salamat talaga sa inyo!” masayang sabi ni Ava.
“Oo naman, gusto lang naming ipakita at iparamdam sa iyo na espesyal kang kaibigan,” saad ni Fely.
At sa ilalim ng kislap ng mga bituin, ang kuwento ng dalisay na pagkakaibigan ay nagpatuloy nang may galak at init na mananatili sa buhay ng bawat isa.