Return to site

WIKANG FILIPINO, WIKANG MAHARLIKA

ni: LOUIE C. PAGADOR

Ang wikang Filipino, wikang pinagmulan ng salinlahi

Isinilang sa silanganin at mula sa maharlikang lahi

Binigkis ang mga Pilipino mula Batanes hanggang Jolo

At saanmang dako naroroon ang isang Pilipino.

Pinagdaanan ng wikang Filipino’y kailaman di mawari

Sinubok ng tadhana at kung anu-ano pang pangyayari.

Ngunit hindi nagpatinag, hindi kailanma’y nagpaapi

Sapagkat dugong maharlika’y siyang nagpangyari.

Ang wikang Filipino ay sinalambit at namutawi

Mula sa bibig nina Rizal, Bonifacio, Quezon, at mga bayani

Anumang tribo, katutubo, at mga iba’t-ibang grupo

Kinilala, ipinagmalaki, at ipinagbunyi ang wikang Filipino.

Noon, ngayon, at magpahanggang sa dulo ng panahon

Wikang Filipino ay kailanma’y yayabong at aahon

Anumang pagsubok, pagyurak, o di kaya ay pakikibaka.

Ang wikang Filipino ay iinog sa panahong walang takda.