Return to site

D.R.A.M.A.: DULANG ROMANSANG AAKMA SA MAKABAGONG AKDANG-PAMPANITIKAN

ni: LYLE MARIO P. LAYNESA

“Bakit hindi sa ahas ni Mark Antony nagpatuklaw si Cleopatra? Ang dulang ito’y talaga namang nakakaintriga!” wika ng magandang babaeng nagngangalang Lyrio Lynx sabay tiklop ng iskrip ng dula. Nasa kapeterya siya ng mga oras na iyon para sa isang masarap na tanghalian kasama ang dalawang tagapagmana ng Pamilya Cerezo-Vasquez.

“Ano pa nga ba?” sagot ni Anneli. "Ito ay isinulat ng aming yumaong lola, na si Cleo Cerezo, ang pinakabatang dramaturgo ng Pamilya Cerezo. Ayon sa kanyang malikot na imahinasyon: si Mark Antony ay may alagang ahas (asp) at pinili ni Cleopatra na huwag itong gamitin upang kitilin ang kanyang buhay. Iyon ang misteryo! Bueno, kathang-isip lamang niya ang lahat ng iyan. Sa susunod na buwan na ang ika-50 anibersaryo ng kanyang kamatayan kaya inutusan kami ni Lola Saling na pumili ng gaganap sa papel na Cleopatra bilang pagpupugay sa kanyang dula na hindi naitanghal sa entablado sa sa loob ng limampung taon.”

“Marahil ngayon na ang tamang oras para ihayag na ikaw, Lyrio, ang perpektong aktres na gaganap sa papel ni Cleopatra!” dagdag ni Tatjana, ang nakababatang kapatid ni Anneli.

“Niloloko n’yo ako!” gulat na sagot ni Lyrio. “Bakit ako?”

“Kaibigan, isa ka sa pinakamagaling na aktres na walang katumbas na ganda ng dugong Pilipino-Estonian. Magiging walang kahirap-hirap pa sa iyo na gampanan ang nasabing papel lalo pa't ang mapipiling artista ay kailangang magbihis tulad ng dyosang si Aphrodite sa entablado. Idagdag pa natin na isa ka sa pinakamaningning na bituin ng TWINKLE ngayon!”

“Bakit kasi hindi na lang ‘yung Senakulo uli ang ibinigay sa atin? Ako naman ang pinakaunang napiling gumanap bilang si Maria Magdalena noong Semana Santa.”

“Naibigay na kasi sa News and Research Team ang Komedya: Moro-Moro at Senakulo. Sa Entertainment Group itinalaga ang Karagatan, Duplo, at Huego de Prenda para sa pagsasadula ng pagbababang-luksang ihahandog sa Pamilya Cerezo; habang naibigay na rin sa Educational Group ang Panunuluyan, Karilyo, at Pangangaluluwa; samantalang pinili ni Lola Saling ang Awit at Korido at Trahedya, para sa Drama Group bilang pagpupugay kay Lola Cleo para sa tatlong araw na Pistang Dulaan ng istasyon. Paborito rin niya ang Ibong Adarna.”

“Ayos lang iyan! Hindi ba bumida ka na rin sa dulang panlansangan noong isang taon bilang si Reyna Elena sa Tibag?”

“Sige na nga!”

"Sa kabilang banda, sino ang gaganap na Mark Antony, Kapatid?" masayang tanong ni Tatjana.

“Ay-ay-ay! May Adonis na nakaupo sa alas diyes!” sabi ni Anneli.

Lumingon ang dalawang nakababatang babae sa direksyong binanggit ni Anneli.

“Sino siya?” tanong ni Tatjana na may kasamang matamis na ngiti.

"Naniniwala akong siya ang pinakabagong travel host ng istasyon,” tugon ni Lyrio. “Nakita kong personal siyang kinapanayam ng lola ninyo sa loob ng opisina niya kaninang umaga.”

“Mukha siyang misteryoso,” dagdag ni Anneli, “at parang may pagkaiskandaloso! Tingnan ninyo ang mga gasgas sa pisngi. Isa ba siyang butangero?”

“Siya ang nagligtas sa buhay ng Lola Saling ninyo sa kamay ng magnanakaw kanina ayon sa kuwento ng kanyang kalihim kaya nagasgasan siya sa pisngi. Parang may-alam siya sa martial arts. Nagpakilala siya sa pangalang Ajax kanina. Siya umano ang gumagalang dyakal (jackal) ng lungsod.”

“Ah! Mukhang marami ka nang alam tungkol sa kanya. Gusto mo ba siya, Lyrio?” nang-iintrigang tanong ni Anneli.

“Ako? Magpapatuka na lang ako sa ahas kaysa makipagmabutihan sa lalaking iyan, ano?”

"Aba! Patulan na!” bulalas ni Tatjana. “Cleopatra, ikaw ba iyan? Baka siya ang muling pagkakatawang-tao ni Mark Antony. Ayaw mo bang magpatuklaw sa kanyang alagang ahas na nakapaloob sa iskrip?”

“Apir!” Sabay tawa ng magkapatid.

“Tumigil nga kayo!” naiinis na wika niya. “Puwede ba akong kumain nang walang naririnig na nakakadiri? Salamat!” Sumulyap siya kay Ajax sa pangalawang pagkakataon.

Parang narinig nito ang sigaw niya. Sa halip ay nginitian siya ni Ajax. Tumayo ang binata at naglakad papalapit sa kinaroroonan nila. Kinabahan tuloy siya.

“Magandang umaga mga magagandang dilag! Sana’y hindi ko naaabala ang inyong tanghalian. Nais kong ipakilala ang aking sarili sa mga tagapagmana ng Cerezo-Vasquez. Ako si Ajax!” isang pilyong ngiti ang ipinakita nito. Sumibol sa magkabilang pisngi ng binata ang kambal na biloy.

“Walang problema!” sagot ni Tatjana, “saluhan mo na kami rito, pinsan!"

“Pinsan?” Natulala si Lyrio.

"Ako nga pala ang itim na tupa – ang ibig kong sabihi’y ang gumagalang dyakal (jackal) ng pamilya. Maaari ko bang malamang ang pangalan ng magandang dilag na kasama ninyo, mga pinsan?"

“Ako si Lyrio Lynx.” Tumayo siya at nakipagkamay kay Ajax.

“Naku! Marami na akong naririnig tungkol sa iyo! Kasing ganda ng liryo, kasing delikado ng linse (lynx).”

“Mismo!” tugon niya habang nakikipagkamay kay Ajax. Bagay na ikinatuwa intrigerang magkapatid. Inirapan niya ang dalawa habang masayang nakikipagkilala kay Ajax.

Tama sila dahil ako si Lyrio Lynx! Isang 25 taong gulang na Fil-Estonian interior designer na piniling umalis sa aking bansa para maging artista ng TWINKLE (Talented Works In a Noble Kind of Live Entertainment) sa Pilipinas. Ang totoo’y isa akong purong Pilipino limampung-taon na ang nakararaan. Malaki ang paniniwala kong ako ang reinkarnasyon ni Cleo Cerezo, isang 15-anyos na dramaturgo na misteryosong namatay sa Naga City noong 1974. Sa pagkakaalala ko’y nagpunta na kami sa lungsod na iyon noong 2002. Tatlong taong gulang ako noon. Umiiyak ako nang dinala ako ng aking nanay na si Rosario sa Bikoliana section ng silid-aklatan ng isang pamantasan habang nakatitig ako sa isang lumang litrato ni Cleo na nakasabit sa dingding.

“Ema, see olen mina. Mina olen tema (Mama, siya ako. Ako siya)!” ang hikbi ko.

Noon pa lang ay alam ko nang ako si Cleo! Noong anim na taong gulang ako ay naging abala ako sa aking nakaraan. Alam kong may nakatago – tungkol sa pagkamatay ng dati kong pagkatao. Pero siyempre, hindi gagana ang plano ko kung hindi ko susubukang lumapit sa mga bagong may-ari ng mga ari-arian ng Cerezo-Vasquez:

Rosalina Cerezo-Vasquez, 68 taong gulang, ang aking dating pinsan, at ang matriarka ng pamilya; Joaquin Vasquez, 71 taong gulang, ang kanyang asawa. Dating kolumnista ng imprintahang Eight Parakeets, retiradong CEO ng TWINKLE, at ang tagapayo sa nasabing imprintahan. Mayroon silang dalawang anak na lalaki: ang kanilang panganay ay kasalukuyang nasa Estados Unidos para sa kanyang doctorate degree sa pagnenegosyo. Samantalang ang kanilang bunsong anak, ang ama ni Ajax ay pumanaw na limang taon na ang nakararaan. Ang mag-asawa ay kasalukuyang nakatira kasama ang kanilang dalawang magagandang apong sina Anneli at Tatjana. At ngayon, kakarating lang ng hindi inaasahang lalaki na nakaupo sa tabi ko. Wala akong masyadong impormasyon tungkol sa kanya sa ngayon. Malamang ay interesado siya sa akin! Kailangan kong mapalapit sa kanya. Kung itinuring niya ang kanyang sarili na parang itim na tupa ng kanilang pamilya, ay susubukan kong maging dakilang kakampi niya.

“Kumusta, Ajax!” pagbati ni Lyrio sa binatang kasalukuyang abala sa kusina ng Mansyon Cerezo. Naroon siya para baguhin ang ayos ng buong kabahayan. “Hmmm. Mukhang mas masarap ka pa sa iyong niluluto!”

“Oh, talaga?” Pinamulhan ng pisngi si Ajax.

“Nagbibiro lang ako!” Tumawa siya. “Ang ibig kong sabihi’y mukhang masarap ang luto mo! Hindi mo nabanggit sa akin na magaling ka pagdating sa kusina.”

“Oo. Mahilig akong magluto ng coq au vin, paborito ito ng lola. Gusto mo bang tikman?”

“Oo naman.” sagot niya.

Kumuha ng kutsara si Ajax at sinubuan si Lyrio ng masarap na coq au vin. Nabigla siya nang mapaso ang kanyang dila habang sinusubuan ni Ajax. Natuluan tuloy ng sarsa ang damit ng binata.

Humingi siya siya ng paumanhin sa nangyari. Hinawakan niya sa dibdib si Ajax upang tanggalin ang matsa sa damit ng macho.

“Huwag kang mag-alala, matsa lang iyan.” Naghubad ng damit pang-itaas si Ajax.

Nabigla si Lyrio at ngumisi ng mahinhin nang masilayan ang mabuhok na dibdib at tiyan ni Ajax.

Sinipat ni Ajax ang sarili. "Ngayon ka lang ba nakakita ng lalaking mabuhok ang katawan?”

“Bueno, nakakakiliti kasi sa buhok mong iyan.” Ngumisi siya. Hindi niya mapigilan ang sariling kiligin habang binibiro si Ajax. Hindi katulad ng kanyang nobyong si Nestor Aravena na guwapo, malakas ang dating, at malaking mama, ngunit matigas ang ulo. Samantalang si Ajax ay seryoso ngunit sanay biruin. Iniisip tuloy niya kung ano an magiging reaksyon ng nobya nito kun sakaling mahuli silang nagtatawanan sa loob ng kusinang iyon? Samantalang alam kaagad niya ang reaksyon ni Nestor sa tuwing ikinukuwento niya si Ajax sa nobyo: Baka naman nagugustuhan mo na si Ajax? Nagkakaibigan na kayo? Eh di maghiwalay na tayo! Palagi na lang napupunta sa kanya ang usapan! Doon ka na sa Ajax mo! Adios! An mga litaniya ni Nestor na naglalaro sa memorya niya. Hindi tuloy niya napansin kaagad na may tinatanong na pala sa kanya si Ajax.

“Ano pa ba ang ibang nakakakiliti sa paninginan mo?" nakangising tanong ni Ajax habang nakapamaywang at tanging karsonsilyo na lamang ang suot.

“Pilyong ito!” Kinurot niya sa tagiliran ang lalaking kaharap.

“Ang sarap ng amoy!” wika ng paparating na boses ng matandang babae. “Alam ko kung sino ang umuukopa ng aking kusina!”

“Kumusta, Lola!” Sabay halik ni Ajax kay Rosalina.

“Magandang tanghali, Manay Saling!” pagbati ni Lyrio.“Oh!” Napatakip siya ng bibig. “Pasensiya na! Nakasanayan kong tawagin kang ganyan sa opisina. Naniniwala ako na mas pipiliin ninyong huwag kang tawagin sa ganyan sa loob ng iyong mansyon.”

“Ayos lang, mahal ko! Sa edad kong ito ay maganda sa pandinig ang tawagin akong ganyan!” nakangiting tugon ni Rosalina. “Dios mio, Ajax! Ipinapakita mo ang katawan mo sa dalagang kaharap mo!”

“Pasensya na, Lola." Nagmadaling kinuha ni Ajax ang delantar at isinuot iyon.

“Hmmm! Alam kong coq au vin ito. Ngayon, Ajax, sabihin mo sa akin kung ano ang gusto mo?"

“Kilalang-kilala mo talaga ako, Lola. Gusto ko sanang humingi ng pabor sa iyo kung hindi naman hadlang – nais ko sanang magboluntaryong gampanan an papel ni Mark Antony sa dula ni Lola Cleo.”

"Ano?" tanong ni Lyrio. Ngunit sa loob-loob niya ay hindi na siya nagtaka sapagkat ginagamit niya ang kanyang kagandahan upang mapalapit kay Ajax batay na rin sa inaasahan niya. Ngunit kailangan pa rin niyang magpanggap na nagulat.

"Seryoso? Ang buong akala ko’y hindi ka interesado sa pag-arte. Naalala ko pa noon na humantong lang sa espesyal na papel ang ginampanan mo nang una kang ipinakilala sa telebisyon dahil ayaw mong magbida sa isang dula.”

"Naalala ko rin iyan! Alam kong marami tayong magagaling na aktor sa TWINKLE, subalit, napagtanto kong tama si Lolo. Kailangan kong aralin ang lahat upang maging handa sa pagpapatakbo ng ating mga negosyo sa darating na panahon. Hindi rin maitatanggi na nagsanay ako ng pag-arte sa ilalim ng pamamahala ni Rosalina Vasquez, ang pinakamagaling na tagapamahala ng mga bituin sa buong bansa.”

“Sige, pag-usapan natin iyan habang kumakain ng masarap na tanghalian. Saluhan mo kami, Lyrio.” Inutusan ni Rosalina ang mga katulong na ihanda ang hapag-kainan.

Nanatili si Lyrio sa mansyong iyon hanggang maghapon. Habang umiinom ng tsaa sa bulwagan ay pumasok sa eksena ang isang matandang babaeng nagsisisigaw. Nagulat si Lyrio nang makilala ang taong iyon. Buhay pa ang kanyang yaya!

“Nararamdaman ko ang kanyang presensya! Naririto si Cleo! Maghanda kayo sa inyong kaparusahan!”

“Galina, tama na!” saway ni Rosalina. Inutusan ng ginang ang isang katulong na dalhin sa loob ng silid ang matandang babae.

“Maniwala ka, Rosalina! Naririto na siya! Nakita ko siya nang gamitin ko ang Tarot na ito!” Ipinakita ng matandang babae ang Baraha kan Paghatol.

Nagtaka si Lyrio. Bakit itinatago ng mga Vasquez ang kanyang yaya sa loob ng maraming taon?

“Huwag mo siyang pansinin, Lyrio,” wika ni Ajax. “Si Galina ay nakararanas ng sundowning. Palagi siyang umaalialigid sa buong mansyon tuwing alas sais ng gabi.”

“Galina!” biglang sambit ni Lyrio. Nilapitan niya ang matandang babae. “Maaari ba kitang samahan sa loob ng iyong silid?”

“Ikaw!” hinipo ni Galina ang pisngi ni Lyrio. “Parang ikaw si Cleo!”

"Marahil ako nga si Cleo.” Ngumiti siya. Pag-usapan natin siya mamaya, ha?” Sinamahan niya si Galina patungo sa silid ng mga katulong at nanatili sa tabi ng matandang babae hanggang sa makatulog ito.

Nagtataka ako kung bakit itinatago nila ang aking yaya? Maaaring may inililihim sila. May kinalaman kaya ito sa tunay na dahilan ng kamatayan ko noon?” bulong sa isip niya. Lalabas na sana siya ng silid na iyon nang pigilan ng inaakalang natutulog na si Galina ang kanyang kamay.

“Cleo, kung pinahahalagahan mo ang iyong buhay ay lumayo ka kay Joaquin! Nakita ko siyang may dalang ahas upang masabotahe ang iyong dula!”

Lumabas kaagad siya ng kuwartong iyon – iniwang mag-isa si Galina. Nagmuni-muni habang naglalakad-lakad sa mahabang pasilyo hanggang sa marinig na may humihikbi sa isang kuwartong nadaanan niya. Tinig iyon ni Rosalina na nagmumula sa silid-aklatan.

“Alam kong totoo iyon! Isang psychic si Galina! Paano kung gumagala ang kaluluwa ni Cleo upang paghigantihan tayo?”

“Tumigil ka na, Rosalina! Limampung taon na siyang patay! Kung magbabalik man siya’y gagawa uli ako ng paraan upang itaboy siya! Tayo ang nagmamay-ari ng mga dati niyang ari-arian ngayon! Kinitil niya ang sarili niyang buhay dahil sa depresyon!

“Paano mo nasasabi iyan? Alam mo ang katotohanan. Ang taong nakararanas ng depresyon ay hindi magpapakamatay dahil wala siyang lakas upang gawin iyon. Tinakot mo siya kapalit ng buhay ni Antonino!”

Napanganga si Lyrio sa mga narinig na sagutan ng mag-asawa sa loob ng silid-aklatan.

Nakilala ni Lyrio si Antonino Venido nang bumisita ang aktor sa TWINKLE.

“Kumusta, Senyor Venido! Nagagalak akong makadaupang-palad ang isang tanyag na aktor noong dekada 70! Ako po si Lyrio Lynx, ang aktres na gagampanan ang papel ni Cleopatra. Narito ako upang makahingi ng magandang payo mula sa isang mahusay na dating aktor ng TWINKLE.”

“Kilala kita, hija!” tugon ng ginoo. “Mahusay kang artista. Iniidolo ka ng mga apo ko!”

“Salamat, Senyor Venido!” nakangiting tugon niya. “Puwede ba akong magtanong ng ilang mahahalagang bagay?”

“Sige lang.” Sabay tango ni Antonino.

“Paano namatay si Cleo sa gabi bago ang pagtatanghal?”

“Ayon sa mga naiulat peryodiko ay balisa siya kaya gumamit ng lason.” payak na sagot ng ginoo.

“Ngunit paano siya nakagamit ng tunay na ahas kung ang lahat ng props ay peke lamang? Sino ang nagbigay ng ahas na iyon?”

“Antonino, kumusta!” pagbati ng lalaki sa likuran ni Lyrio – si Joaquin Vasquez. “Nagagalak akong makita kang muli rito!”

“Magandang gabi, kumpadre!” masayang nakipagkamay si Antonino kay Joaquin. “Kumusta?”

“Mabuti naman! Malakas pa! Oh Lyrio, naghihintay sa iyo si Ajax sa kapeterya!”

“Opo. Maiwan ko na po muna kayo, mga Senyor.” Lumabas siya ng kuwartong-bihisan matapos magpaalam sa dalawang ginoo.

Alam kong nagsisiyasat si Lyrio, bulong sa isip ni Joaquin. Ngunit hindi ko alam ang dahilan Maaaring isa siyang espiya ngunit kanino siya nagtatrabaho? Namataan ko siya sa CCTV na palihim na nakikinig sa usapan namin ni Rosalina. Sino ka ba talaga, Lyrio Lynx? Ito ang naglalaro sa isipan ni Joaquin hanggang sa makita ng ginoo na magkasamang nagkakape sina Lyrio at Ajax sa kapeterya ng kompanya.

“Narito rin pala sila,” sambit ni Rosalina. “Tara, magkape rin tayo!”

“He is a handsome, hot, hairy, hunk with a huge hard horn (si Ajax) that will hurt a honeypot (ang espiya)!”

“Anong ibig mong sabihin?” nahihiwagaang tanong ni Rosalina sa asawa niya.

“Nalalangsahan ako sa Lyrio Lynx na iyan! Tila ba isa siyang espiyang sinugo ng isa sa mga kaaway natin sa negosyo. Ngunit hindi ko hahayaang may gawin siya laban sa atin. Anuman ang binabalak niya ay kakailanganin ko siyang hulihin at ibabala ko si Ajax laban sa kanya!”

“Pero Joaquin! Mabait, matulungin, at malambing na bata si Lyrio!”

“Hindi ako naging si Joaquin Vasquez nang walang dahilan. Aalisin ko ang sinumang nagbabanta sa ating pamilya dahil ako ay isang makapangyarihang tao!”

Dumating sa gabi ng pagtatanghal ang mga magulang ni Lyrio mula sa Estonia: sina Dr. Aleksei Lynx na isang psychiatrist at si Rosario Pinto-Lynx, na isang nars.

“Ema, Isa (Mama, Papa)! Nagagalak akong nakarating kayo rito. Isang malaking karangalang maging bahagi ako ng sarili kong dula!”

“Nagagalak akong marinig mula sa iyo iyan, anak ko!” tugon ni Rosario saka bumaling sa asawa. “ Aleksei, mahal, magsalita ka naman.”

“Isa, itigil mo na ang pag-iisip na isa pa rin ako sa mga pasyente mo sa pag-iisip. Napatotohanan ko na – na ako ang reinkarnasyon ni Cleo. Ang mahalaga’y naisasakatuparan ko na ang aking misyon. Minu nimi on Lyrio Lynx. Nii kena kui liilia, sama ohtlik kui ilves (Ako si Lyrio Lynx, maganda tulad ng liryo, delikado tulad ng linse)!”

“Mine edasi (Magpatuloy ka), mahal kong anak.” Hinalikan siya ni Aleksei sa noo.

“Salamat, Isa!” sabay yakap sa ama. Siya ay parating mahigpit na doktor na nagsusuot ng hindi mabasang mukha. Subalit mabait siya at suportado ako. Mahal ko ang aking ama. “Mahal ko kayong dalawa, Ema, Isa!”

Habang nasa entablado para sa huling eksena – ang pagpapatuklaw sa ahas ay napansin ni Lyrio na totoong ahas ang ibinigay sa kanya ng ekstrang gumaganap na alipin niya. Dali-dali niyang itinapon palayo ang ahas sa pag-aakalang makamandag iyon. Nagulantang ang lahat ng mga manonood. Nagsigawan! Nagsitayuan!

“Ikaw!” Idinuru-duro niya si Joaquin. Bumaba siya sa entablado upang harapin si Joaquin na nakapuwesto sa pangunahing upuan ng mga manonood. “Lahat ng ito pinlano mo! Nais mo akong ipatuklaw sa ahas katulad ng ginawa mo kay Cleo noon!”

“Wala akong alam sa sinasabi mo!” sagot ni Joaquin.

“Huwag ka nang magmaang-maangan pa! Ako ang reinkarnasyon ni Cleo. Kilala kita noon pa man! Ipinahamak mo ako noon, ngunit hindi ako papayag na gawin mo muli ngayon!”

“Tama na, Lyrio!” Saway ng kanyang ama. “Kinakikitaan kang muli ng mga senyales ng delusion of grandeur na nagiging dahilan upang papaniwalain mo ang sarili mong ikaw si Cleo Cerezo!”

“Ngunit nagsasabi ako ng totoo, Isa!” naguguluhang tugon ni Lyrio. “Ako si Cleo! Alam mo ang lahat. Naniniwala ka sa akin, hindi ba?”

“Utang na loob, Lyrio itigil mo na ito!” si Rosario na ang nakikiusap sa kanya habang humahagulgol.

“Mga nars, kunin n’yo na siya!” ang utos ni Aleksei. “Dalhin na natin siya sa ospital!”

“Huwag mong gawin sa akin ito, Isa! Ema!” ang sigaw niya habang nagpupumiglas sa dalawang nars na pumipigil sa pagwawala niya.

Ikinulong si Lyrio sa institusyon sa pag-iisip. Pumuslit si Joaquin doon habang suot ng dalaga ang restraint jacket.

“Sabihin na nating ikaw nga ang reinkarnasyon ni Cleo, ngunit hindi ko pahihintulutang sirain mo ang mga plano ko. Hawak ko ang buhay mo!”

Iminulat niya ang kanyang mga mata at naaninag ang mukha ni Joaquin sa harapan niya.

“Nababaliw ka na!”

“Oo, nababaliw na nga ako nang dahil sa iyo!” Ikaw, ang pinakaboritong bipolar na apo ng mga Cerezo! Ang pinakamaganda, pinakamatalino, at ang pinakakapuri-puri sa paningin ng mga lolo’t lola mo! Ang aking asawa’y walang pakialam sa hatian ng mana ngunit kontra ako sa huling testamento! Lahat ng ito ay binalak ko upang mapasaakin ang lahat! Pinilit kong magpatuklaw sa ahas si Cleo Cerezo kapalit ng buhay ni Antonino Venido. Pinaghandaan ko ang pagbabalik mo kaya inalagaan ko si Galina upang maging psychic ko. Ipinain ko si Ajax upang paibigin ka at hulihin ka sa akto! Isang tagumpay sa akin na patahimikin ka sa pangalawang pagkakataon!” Dinampot ni Joaquin ang hiringgilyang may lamang pampakalma na nakapatong sa ibabaw ng mesa.

“Napakasama mo talaga!” sigaw niya. “Saklolo! Tulungan ninyo ako!” Kahit anong galaw niya’y hindi niya makalagan ang sarili sapagkat mahigpit ang restraint jacket sa katawan niya.

“Sisiguraduhin kong dadalhin mo ang lahat ng iyong nalalaman sa kabilang buhay na nakahanda na para sa iyo!”

“Utang na loob, huwag!” ang pagmamakaawa niya.

Ituturok na sana ni Joaquin ang hiringgilya sa kanya nang may sumigaw.

“Itigil mo na ito, Lolo!” sigaw ng pamilyar na boses nanggagaling sa likuran nina Lyrio at Joaquin.

Lumingon si Joaquin sa pinanggalingan ng boses na iyon – si Ajax! Nakatayo ito sa loob ng paliguan kasama sina Aleksei, Rosario, at ang dalawang lalaking nars.

“Bistado na ang mga modus mo!”

“Judas ka, Ajax! Hindi ko lubos akalain na tatraydurin ako ng sarili kong kadugo!”

“Ang totoo’y may sakit ka Lolo! Kailangan mo ng doktor! Kailangan nang wakasan ang iyong mga delusyon! Inilagay mo ang hustisya sa mga kamay mo! Pagsisisihan mong lahat iyan!”

Nakakuha si Lyrio ng tiyempo na sipain sa likuran si Joaquin. Napasubsob ang ginoo sa dalawang lalaking nars. Mahigpit itong pinigilan ng dalawa nang akmang sasaksakin na ng hiringgilya si Lyrio.

“Bitawan n’yo ako!” sigaw ng nagpupumiglas na si Joaquin.

“Mabait na tao si Joaquin, ngunit malaki ang ipinagbago niya nang mabasa niya ang huling testamento ng aming lolo,” ang kumpisal ni Rosalina. “Mahal na mahal ng aming lolo’t lola si Cleo sapagkat espesyal siya, matalino, at mas karapat-dapat magpatakbo ng negosyo. Nasa kanya na ang lahat samantalang hindi ako prayoridad. Naging sakim si Joaquin nang marinig niyang 70% ng mga ari-arian ang mamanahin ni Cleo. Dahil doon ay ninakaw niya ang huling testamento ngunit hindi ako sang-ayon sa ginawa niya. Hanggang sa mahuli kami ni Cleo habang pinag-aagawan ang testamentong iyon sa loob ng opisina sa gabi ng pagtatanghal. Nakiusap ako kay Cleo na huwag ipagbigay-alam kay Lolo ang kanyang nakita. Nangako siya na hindi ito sasabihin, ngunit dinukot ni Joaquin si Antonino. Pinasok niya si Cleo sa kuwartong-bihisan. Pinangunahan niya ang pinsan ko na magpakatiwakal gamit ang makamandag na ahas kapalit ng kalayaan ni Antonino. Labis niyang minahal si Antonino kaya pumayag siya. Hinayaan niya ang kanyang sariling tuklawin ng makamandag na ahas! Hu! Hu! Hu!”

Nagkatinginan sina Lyrio at Ajax sa isa’t-isa.

“Nalutas na ang misteryo,” panimula ni Ajax. “Maaari na tayong bumalik sa kanya-kanya nating buhay.”

“Inaako ko ang lahat ng kasalanan ko, Ajax. Kung iniisip mong ginamit lang kita ay hindi iyon totoo. Ang totoo’y nahuhulog na ang loob ko sa iyo ngunit may kanya-kanya na tayong buhay. May naghihintay na sa iyo sa labas habang kanina pa tawag nang tawag ang mahal ko sa kabilang linya ng telepono.”

“Shhhh.” Dumampi sa mga labi ni Lyrio ang daliri ni Ajax. “Hayaan na muna natin sila. Magiging asawa natin sila sa mahabang panahon, ngunit nais ko munang makasama kita na tayong dalawa lamang – ikaw bilang si Cleopatra at ako naman si Mark Antony. Bigyan natin ng maligayang wakas ang kanilang kasaysayan,” anas ni Ajax.

“Ngunit maraming nakakakita sa atin dito.”

Ngumisi si Ajax na may halong kapilyuhan. Hinawakan ang kurtina at pagkatapos ay isinara!

Isang masigabong palakpakan ang sumalubong sa mga nagsiganap sa kanilang dula.

“Tunay ngang mayaman pa rin ang kultura ng dulaang Pilipino!” wika ng isang ginang.

“Siyang tunay!” tugon ng kanyang kumare. “Ang nalikom na halaga sa tatlong araw na pista ng mga dula ay ipangkakawanggawa sa mga taong sinalanta ng mga bagyo sa Bicolandia.”

“Magandang ideya iyan!”