I.
Wikang Filipino ay yamang totoo,
Gabay ng bayan sa mga pagbabago.
Salamin ng lahi’t dunong ng ninuno,
Kasaysayang buháy sa isip at puso.
II.
Sa aming Bukidnon, sa tuktok ng bundok,
Namamayani ang gawaing marubdob.
Belasyon sa patay, masaya ang lamay,
May betor sa luwa, parusa ang taglay.
III.
Buwan ng Agosto, anihan ng palay,
Kami’y manguyang, luluto at mag-alay.
Ritwal ay gawin, sasayaw ang babaylan,
Biyayang natanggap ay pasalamatan.
IV.
Sa pamalayi, may tipan ang pangako,
Busilak at wagas ang pagkakasundo.
Pag-iisang dibdib, dadaan sa himpit,
Layon ay tahimik, sa wikang marikit.
V.
Tuwing okasyon, pinagdiwang ang punsyon,
Kaibiga’t kamag-anak ang naroon.
Ang salita nami’y linigbok ang himig,
Musika ang hatid sa mga taong bukid.
VI.
Kaya’t ating wika ay dapat ingatan,
Saka ang gawa at tradisyong minahal.
Pag nawala ito, kay lungkot ng lahi,
Kulturang marilag, saan mapipili?