Wikang Filipino naghatid sa akin ng pang-unawa
Kultura, tradisyon at paniniwala
Nasilayan ko ang kanilang halaga
Karunungan ko’y lalong sumigla
Ang wika’y tulay ng bansang buo at may talino,
Nag-uugnay sa puso ng sambayanang Pilipino.
Taglay ang diwang may pagkakabuklod,
Sa hirap at ginhawa’y sama-samang sumusugod.
Taglay ng wika ang pagmamahal,
Sumisibol ang diwang tunay na dangal.
Wikang Filipino—tungo sa matibay na bansa,
Sa pagkakaisa’t bayang tunay na pinagpala.
Wikang Filipino ang siyang nagbubuklod sa atin
Upang makamit ang ating mithiin
Kaakibat ang mayamang kultura na palaging alalahanin
Saan man makarating, tayo ay titingalain
Sa bawat hibla ng wikang mahal,
Taglay ang pagmamalasakit at kagandahang-asal
Sa bawat salitang ating isinasalaysay,
Apoy ng bayanihan ang tinataglay,
Sa oras ng sigwa, palaging may handang tumulong,
Kapag may suliranin, may bayang susulong.
Sa wikang iisa, tayo'y nagkakaisa—
Sa salita'y may pagkalinga't pag-asa.
Bayanihan sa harap ng unos, tayo’y nagtutulungan,
May kamay na umaalalay, may pusong lumalaban.
Sa wikang Filipino, gintong palad ay binibigkas,
Pagmamalasakit sa kapwa’y wagas.
Sa bawat titik ng ating wikang sinasalita
Katapangan, kasaysayan, kultura’y buhay at dakila.
Sa bayanihan sa wika’y may pag-asa,
Matibay na bansa—sama-samang nililikha!