Return to site

TINIG NG BAYAN, TULAY NG PAGKAKAISA

ni: MONISA P. MABA, PhD

Sa bawat bigkas ng ating wika,

Sumisibol ang dangal ng bansa.

Kulturang likas, ating sinasalamin,

Sa wikang sarili, tayo’y may dangal na angkin.

Sa harap ng unos, sabay ang hakbang,

Kapit-bisig kahit magkakaibang landas.

Wika ang gabay sa pagkakaunawaan,

Tulay ng puso’t diwa ng sambayanan.

Bayanihan ay di lang pagtulong,

Ito'y pagyakap sa isang layon.

Pagkakaisa sa isip at gawa,

Alay sa bayan nating mahal na sinta.

Sa paaralan man o sa tahanan,

Ang wika'y pundasyon ng kasaysayan.

Ito’y liwanag sa bawat Pilipino,

Na nagtutulay sa lumang mundo at bago.

Maraming tinig, iisang diwa,

Maraming kulay, iisang ganda.

Wika ang sinulid ng ating pagkakabuo,

Bawat hibla'y lakas ng pagkatao.

Panahon man ay magbago,

Ang diwa ng wika'y di maglalaho.

Ito ang ating pagkakakilanlan,

Sandigan ng pagkakaisang matibay at tunay.

Wika ay dangal, wika ay buhay,

Sa kanya’t sa bayan, tayo’y tunay.

Magkaisa, maglingkod nang may malasakit,

Dala’y tinig ng pag-asa’t pag-ibig.

Sa "Bayanihan sa Wika" tayo'y tumindig,

Bawat salita'y sagisag ng pag-ibig.

Sama-sama, hawak-kamay sa pagkatha,

Tungo sa matibay na pambansang pagkakaisa.