Sa isang barangay sa Antipolo, mayroong isang dalaga na punong-puno ng pangarap. Siya ay si Cloudine, Udin kung tawagin ng kanyang pamilya t mga kakilala, 17 taon gulang at nasa 11 - baitang sa Mataas na Paaralan ng Antipolo. Anak siya ng mag-asawang Mang Simeon at Aling Iska. Panganay sa tatlong magkakapatid.
“Pasko na naman o kay tulin ng araw, Paskong nagdaan tila ba kung kailan lang” masayang pag-awit ng mga choir ng simbahan sa Antipolo.
“Udin, Udin!” sigaw ng isang lalaki
“Itay, maligayang pasko po!” tugon ni Udin sabay akap sa kanyang ama.
“ Ano ba ang tinitingnan mo dyan?, kanina pa kita tinawag ay hindi ka lumilingon, ang dami pa naman ng tao at ang lakas ng tugtog.” tanong ng kanyang ama.
“Tinitingnan ko po yung ulap, kay ganda, parang humahalik sya sa bilog na bilog na buwan!” masayang sagot ni Udin.
“Oo nga anak, tamang tama sa isang masayang pasko, natapos mo na ang siyam na simbang gabi. Ano ba ang iyong hiling ngayong pasko?” tanong ng kanyang ama.
“Gabayan lang po tayo ng ating Panginoon itay, sapat na po yun!” muling umakap si Udin sa kanyang ama.
“Abay nadyan pala kayo, kanina pa naming kayo hinahanap, nakabili na kami ng suman na ating isasama sa pagsasaluhan sa noche Buena.” sabi ni Aling Iska kasama ang dalawang kapatid ni Udin.
“Ayan may suman na, kumpleto na ating pangnoche buena!” takam na takam na sabi ni Udin.
Sabay sabay silang umuwi sa kanilang tahanan. Tumulong si Udin sa kanyang ina sa paghahain ng kanilang pagsasaluhan para sa noche buena. Masaya si Udin habang tinitignan ang kanilang hapagkainan, puno ng pagkain ang kanilang lamesa.
Pagkatapos kumain ay ibinigay ng kanilang ina at ama ang mga regalo. Isang bag ang natanggap ni Grace, ang sumunod kay Udin na nasa ikawalong baitang, trak trakan naman ang kay Junior na nasa ikatatlong-baitang at magandang blusa ang natanggap ni Udin na may larawan ng ulap sa harapan. Sobrang saya ng magkakapatid sa ibinigay na regalo ng kanilang mga magulang.
“Simeon, huwag mo nang tanggapin yang ipinapagawa ni Mareng Tali, kakatapos lang ng pasko, magpahinga muna tayo.” sabi ng ina ni Udin si Aling Iska.
“Iska, naubos ang aking sweldo sa pang-aguinaldo kahapon. Kailangan kong magsideline para meron taong pangbagong taon.” tugon ni Mang Simeon.
Si Mang Simeon ay isang electrician sa isang pabrika, nagsasideline din sya kapag may mga nagpapayos ng electrical sa kanilang barangay.
“Ay hala, bahala ka na, basta’t babalik ka kaagad.’ sabi ni Aling Iska.
Agad namang umalis si Mang Simeon. May kung anong kaba ang naramdaman ni Aling Iska habang tinatanaw ang kanyang asawa.
Makalipas ang tatlong oras, “ Iska, Iska!” hingal na hingal na dumating sa kanilang bahay si Aling Tali.
“Tali, bakit ka ba sumisigaw!” tugon ni Aling Iska.
“Si Pareng Simeon, si Pareng Simeon”, sabay iyak ni Aling Tali.
“Ano ba, Mareng Tali? Ano bang nangyari?” tanong ni Aling Iska na tila kinakabahan.
“Nakuryente si Pareng Simeon, isinugod namin sa ospital subalit hindi na siya umabot” sabay hagulgol ni Aling Tali.
Halos hindi malaman ni Aling Iska ang gagawin, ayaw tumulo ng kanyang luha. Sinamahan siya ni Aling Tali sa punerarya. Doon tumambad ang katawan ng kanyang asawa na halos nangingitim ang balat dahil sa pagkakakuryente. Tsaka pa lang nailabas ni Aling Iska ang kanyang luha at pagsigaw ng pangalan ng kanyang asawa.
Samantala walang kaalam-alam sila Udin sa nangyari, dahil doon sila natulog sa kanilang lolo at lola. Pag-uwi nila ng bahay ay wala silang nadatnan. Lumabas ng bahay si Udin dahil natanaw niya sa bintana ang pagbabago ng ulap, ang maasul na ulap ay unti-unting napapalitan ng maitim na ulap. Tumingala siya sa langit at tila may kung anong kaba siyang naramdaman. Bigla ding may dumapi na malamig na hangin sa kanyang pisngi.
‘Udin!” tawag ng kanyang ina. Paglingon niya ay umakap sa kanya ng mahigpit si Aling Iska sabay iyak.
“Inay, bakit po?” pagtataka ni Udin.
“Si itay mo, wala na! wala na ang itay mo!”. Hagulgol ni Aling Iska.
Tumingala si Udin at dinama ang pagbagsak ng ulan. Tila sinasabayan sila ng kalangitan sa pagdadalamhati.
Habang nagdiriwang ang buong mundo ng massayang bagong taon, kalungkutan naman ang nadarama ng pamilya ni Udin dahil kalilibing lang ng kanilang padre de pamilya.
“Inay, ano po yang niluluto nyo?” tanong ni Udin sa kanyang ina na abalang abala sa kusina.
“Panindang ulam anak, magtitinda tayo ng ulam dyan sa harap n gating bahay, wala akong alam na ibang trabaho, gusto ko na makapagtapos pa rin kayo ng pag-aaral kahit wala na ang inyong ama.” Ani ni Aling Iska.
“Siguradong ubos yan mamaya Inay, masarap po kayong mag-luto eh.”papuri ni Udin sa kanyang ina.
Hindi nagkamali ang mag-ina at lagi ngang nauubos ang panindang ulam ni Aling Iska. Naitatawid ni Aling Iska ang kanilang mga gastusin sa pang-araw-araw.
“Udin, Udin!” tawag ni Mercy, matalik na kaibigan ni Udin.
“Ano ba yang binabasa mo sa poste?. ” tanong nito sa kanya.
“Itong isang anunsyo ni Mayor, libreng pag-aaral daw ng Nihongo.” Sagot ni Udin
“Huh? Huwag mong sabihin na papatulan mo yan?, Abay kahirap pag-aralan nyan.” ani ni Mercy.
Habang naglalakad sila pauwi mula sa paaralan ay naglalaro sa isipan ni Udin ang kanyang nabasa. Isang malaking oportunidad ito at baka ito na ang makapag-aahon sa kanila sa kahirapan.
Ikinuwento ni Udin ito sa kanyang gurong tagapayo. Sinang-ayunan naman siya nito at sinabing tutulungan siya nito na mag-apply ng scholarship sa Japan kapag natapos niya ang pag-aaral ng Nihongo dahil ang pamangkin daw nito ay nadun sa Japan at scholar.
“Inay, punta na po ako sa munisipyo, ngayon po ang simula ng pag-aaral ko ng Nihongo.” paalam ni Udin sa kanyang ina.
“Sige anak, tamang tama at bakasyon, kesa nandito ka lang sa bahay. Pag-butihin mo anak, kayang – kaya mo yan.” tugon ni Aling Iska.
“Opo inay , pagbubutihin ko po. Mamaya po ako na maghuhugas ng mga kaldero at mga ginamit sa tindahan.” sabay halik ni Udin sa kanyang ina.
Natapos ni Udin ang Nihongo Class sa munisipyo. Dahil sa ipinakita nyang husay ay tinulungan pa sya itong maipagpatuloy kahit may pasok na sa paaralan. Tuwing sabado ay naitutuloy pa rin ni Udin ang pag-aaral ng Nihongo. Sumabak din sya sa Japanese-Language Proficiency Test (JLPT).
“Napakabuti ng Panginoon sa atin anak, naipasa mo ang N4!” tuwang – tuwa si Aling Iska sa pagkakapasa ni Udin ng N4 sa JLPT.
“Oo nga po inay, tuwang-tuwa nga din po si Mrs. Asero, tutulungan daw po nya ako mag-apply ng scholarship!” kuwento ni Udin habang nakatayo sa pintuan at nakatingin sa mga ulap na asul, na nagbibigay ng pag-asa sa kanya.
Sinamahan si Udin ng kanyang nanay at ni Mrs. Asero sa Japanese Embassy upang magpasa ng application para sa scholarship. Sinabi sa kanila na halos isang taon ang proseso nito kaya kailangan muna mag-enrol ni Udin dito sa Pilipinas habang naghihintay ng resulta.
Hindi naman nawalan ng pag-asa si Udin. Habang naghihintay siya ng interview at examination ay nag-enrol muna siya sa isang Unibersidad sa Maynila, halos wala silang binayaran dahil sa nakuha ni Udin ang pinakamataas na karangalan sa kanyang pagtatapos ng Senior High School.
“Inay, inay!” sigaw ni Udin habang may binabasa sa kanyang cellphone.
‘Ano ba yun, may nangyari ba?” tanong ni Aling Iska.
“Lumabas na po ang resulta ng application ko sa Japan Scholarship, nakapasa po ako!”. masayang naiiyak na tugon ni Udin.
Niyakap ni Aling Iska ang kanyang anak habang pabulong na nagpapasalamat sa Panginoon.
Inihatid si Udin ni Aling Iska, Grace, Junior, Mercy at Mrs. Asero sa airport.
“Udin, mag-iingat ka dun ha, huwag kang magpapalipas ng gutom at lagi kang magdarasal.” paalala ni Aling Iska.
“Opo inay, kayo din po mag-iingat din po kayo lagi at huwag po kayong magpapakapagod.” tugon ni Udin sa kanyang ina sabay akap at halik sa pisngi nito.
Nagpaalam din si Udin sa kanyang dating guro at nagpasalamat sa mga tulong na ginawa nito. Gayundin, nagpaalam din siya sa kanyang matalik na kaibigan at sa kanyang dalawang nakababatang kapatid.
Bago tuluyang pumasok sa airport si Udin ay lumingon siya sandal at kumaway sa kanyang mga minamahal bilang senyales ng kanyang pamamaalam.
Pagsakay ni Udin sa eroplano ay tumulo ang kanyang luha, ito ang unang pagkakataon na malalayo sa kanyang pamilya. Mahirap para sa kanya ang pangyayaring ito subalit naipangako niya sa kanyang namayapang ama na bibigyan niya ng magabndang buhay ang kanyang ina at mga kapatid. Ang pangarap ng kanyang ama na maging isang magaling na enhenyero ay kailangan nyang tuparin.
Namangha si Udin sa kanyang nakita pagdating ng Japan, halos hindi siya makapaniwala na nakarating na siya sa bansang napakaganda. Dati rati’y napapanood lang niya sa mga palabas sa telebisyon at nakikita lang sa mga larawan.
Lumipas ang mga araw at nakapag-adjust si Udin sa pamumuhay sa Japan. Nakakuha din siya ng part-time job sa isang restaurant, kaya bukod sa natitipid niya sa allowance na natatanggap sa scholarship ay madadagdagan ang kanyang ipapadala sa kanyang ina.
“Hello , inay kamusta na kayo dyan?” pangangamusta ni Udin sa kanyang ina.
“Anak, ok naman kami dito, miss na miss ka na naming. Ikaw, kamusta ka dyan? tugon ni Aling Iska.
“Ok din naman ako dito inay, nakaka-adjust na ako dito. May magandang balita po ako sa inyo, natanggap po ako sa part-time job na inanplayan ko sa isang restaurant. Madadagdagan ko po ang ipinapadala ko sa inyo.” balita ni Udin sa kanyang ina.
“Naku anak, baka mapabayaan mo ang iyong pag-aaral dyan. Yung ipinapadala mo ay napakalaking tulong na iyon.” pag-aalala ni Aling Iska.
“Kaya ko inay, basta para sa inyo, mahal na mahal ko po kayo gayundin ang aking mga kapatid ay dapat makapagtapos ng pag-aaral. ” sagot ni Udin.
Nahihirapan man ay tiniis lahat ni Udin, at dumating ang araw ng pagtatapos. Habang hawak-hawak niya ay diploma at nakatingin sa maasul na kaulapan.
“Itay, ito na po an gating pinapangap, natapos ko na po ang chemical engineering.” sabay tulo ng mga luha sa kanyang mga mata.
Ilang panahon pa nakapasa sa board exam si Udin at naging ganap na chemical engineer. Ganoon na lang pasasalamat sa Panginoon dahil laging dinidinig ang kanyang panalangin.
Dumating ang araw na kailangan na niyang umuwi ng Pilipinas, nagpasalamat si Udin sa mga taong tumulong sa kanya sa Japan, sa paaralang kanyang pinasukan at sa may-ari ng restaurant na nagbigay sa kanya ng part-time job.
“Udin! Udin!” tawag ng kanyang ina.
Tumakbo si Udin ng makita ang kanyang ina at mga kapatid. Nagkaiyakan at nagkaakapan silang apat.
“Congratulation sa aking Chemical Engineer.” iyak na may galak ang naramdaman ni Aling Iska habang nakikita sa kanyang harapan ang dating isang bata na punong puno ng pangarap.
“Maraming salamat po inay, kayo po ang aking inspirasyon, ang aking mga kapatid at si itay na kahit wala na dito ay alam kong lagi siyang nadyan para sa atin.
Pagdating nila sa kanilang tahanan, laking gulat niya nang makita na nadun ang kanilang mga kapitbahay, may malaking banner pa na nakasulat “Congratulations Cloudine.” naiyak si Udin sa kanyang nakita.
“Udin, may dala ako na paboritong mong suman.” sabi ni Aling Tali.
“Udin, miss na miss na kita.” sabi naman ni Mercy na umakap pasa kanya.
Halos di magkamayaw ang kanilang mga kapitbahay sa pagbati sa kanya.
Kinagabihan pagkatapos magligpit nila Udin ng mga ginamit sa handa. Naupo siya harap ng tahanan pinagmamasdan ang mga bituin sa kalangitan na tila nakikipagdiwang sa kanyang tinamong tagumpay.
Nilapitan siya ng kanyang ina, naupo ito sa kanyang tabi.
‘Anak, maraming salamat sa lahat, naipatapos natin ang ating bahay, ang dating tinda-tindahan ko ng ulam, ngayon ay karinderya na, nakakapag-aral ng maayos ang iyong mga kapatid, sinisigurado mong may baon sila araw-araw. Alam ko napakahirap ng iyong pinagdaan pero ginawa mo ang lahat. Maraming salamat anak.” naiiyak na sabi ni Aling Iska.
“Inay, kulang pa po yan sa sakripisyo ninyong ginawa ni itay para sa aming tatlong magkakapatid. Lalo na nang mawala si itay, kayo po ang tumayong ama at ina para sa amin. Kaya kung gaano ako katibay ay dahil yun sa nakikita ko sa inyo. “tugon ni Udin.
“Tamang-tama ang ibinigay sayong panagalan ng iyong ama, Cloudine. Sabi niya ang bawat ulap na nakikita natin sa kalangitan ay may ibig sabihin. Kapag ito ay maliwanag at maasul, isang magandang kapalaran tayong tinatanaw ngunit kung ito ay makulimlim, para itong buhay natin na puno ng pagsubok pero nalalagpasan natin at mapapalitan muli ng maasul na ulap. Ikaw yun anak, isang ulap na kahit makulimlim na ay pilit nilalagpasan ang pagsubok upang makuha mo asul na ulap, at ito ay ang iyong pangarap.” Paliwanag ni Aling Iska.
“Inay, pangarap po natin nila itay.” Tugon ni Udin sabay akap sa kanyang ina.
Minsan mang naging makulimlim ang ulap sa buhay ni Udin, pinilit niyang labanan ito, upang maging isang mabuting anak at maibalik ang maasul na ulap sa kanilang buhay. Pagpapakita ito ng labis na pagmamahal ng isang anak sa kanyang magulang. Hindi man humihingi ng kapalit ang mga ito sa pagpapalaki nila sa kanilang anak, bukal sa loob at kusa ang ginawa ni Udin.