Return to site

ISANG ALALA NG KAHAPON

ni: SIMEON G. ZAMORANOS JR.

Isang labindalawang taong gulang na batang nagngangalang Angelina na nakatira sa barangay ng La Huerta ang matatagpuan na malungkot na nakatanaw sa bintana ng kanilang tahanan.

Nang napansin ito ng kanyang lola na kasalukuyang nanonood ng telebisyon, tinawag niya ang kanyang apo. Habang palapit ang bata, nakapukaw ng kanyang atensyon ang isang larawan na nasa ibabaw ng maliit na lamisita.

“Lola, saan po ba kuha itong larawan niyo ni lolo?” Tanong niya.

“Ah! Iyan ba apo? Halika at ikwekwento ko sa iyo.” Yakag ng lola.

Noon, ang barangay natin ay tinaguriang Munting Taniman. Ito ay dahil maraming nakatanim na mga puno at iba’t ibang uri ng bulaklak dito. Maraming mga kalapit bayan at probinsya ang dumadayo upang makita lamang ang ganda ng ating lugar.

Isang araw, pagsapit ng ikatlo ng hapon, mabilis na bumaba ng hagdan ng kanilang bahay si Selya upang makipagkita sa kanyang iniirog na si Mario. Palabas na siya ng tarangkahan ng biglang tawagin ng kanyang ina ang dalaga.

“Selya saan ka pupunta?.” tanong ng kanyang ina na kasalukuyang nagtatahip ng bigas na isasaing para mamayang hapunan.

“Diyan lamang po sa may tabing ilog Inay. May usapan po kasi kami ni Ason na magkikita roon.” Sagot naman ng dalaga.

“Sige. Siguraduhin mo lang na nakabalik ka na bago lumubog ang araw.” Bilin ng kayang ina.

Habang naglalakad si Selya papuntang ilog, nababagabag ang kanyang kalooban sa pagsisinungaling niya sa kanyang ina. Ngunit nawala ang kayang pag-aagam agam ng masilayan niya ang kanyang iniirog na nakatayo sa dulo ng tulay.

Nagtatatkbo ang dalaga patungo sa kinatatayuan ni Mario na may ngiti sa kanyang labi.

“Mario!” Sigaw ni Selya.

Mabilis na lumingon si Mario at nakangiting tinanaw ang palapit niyang kasintahan.

Isang pumpon ng bulaklak ang binigay ni Mario kay Selya. “Para sa iyo Selya.”

“Salamat Mario.” Ang tinuring dalaga.

Habang naglalakad ang magkasintahan sa tulay, may isang grupo ng kalalakihan ang lumapit sa kanila at nagsimulang kumanta. Naanigan ni Selya ang matalik na kaibigan ni Mario na si Kiko na isa sa mga nakangiting kumakanta.

Laking gulat lamang niya ng biglang lumuhod si Mario at kinuha ang kaniyang kamay.

“Selya, mahal na mahal kita. “ Turan ni Mario

“Lola! Ang ibig mong sabihin istorya nyo ni lolo ito?” Gulat na tanong ni Angelina

“Oo apo iyong ang napakagandang alalala ng aming pag-iibigan.” Sagot ni Lola at biglang tumulo ang luha sa kanyang mga mata.

“Eh bakit ka umiiyak lola?” tanong ni Angelina.

“Kasi naalala ko kung gaano kaganda ang lugar na iyon. Nakakalungkot isipin na sa mga kwento ko na lang niyo makikita ang lugar na iyon. Kung maibabalik lang sana natin ang panahon at kung napanatili ang kagandahan ng lugar na iyon, eh di sana ay mayroon din kayong napupuntahan upang maglibang.”