Return to site

CYBERWORLD

ni: VICENTE B. OLAVARIO, EdD

Sa Cyberworld nagkakilala at nagkapalagayang-loob sina Vinz at RBR. Sa chatbox ng messenger ng bawat-isa ang kanilang naging tagpuan.

RESTRICTED sa FB messenger si Vinz ni RBR. Hindi na magawang tingnan ni Vinz ang FB Profile ng binatang Engr. Tanging Tiktok account at cp numbers lang ng binata ang mayroon si Vinz.

Nagbackread si Vinz sa kanyang chatbox…

“Ikaw yan di ba?!” diretsahang tanong ni RBR na nasa chatbox.

NATIGILAN si Vinz sa nakita. Kaagad siyang nagpasya na kontakin ang taong nag upload ng hubo’t hubad niyang larawan gamit ang AI (artificial Intelligence) application. Pakiramdam ni Vinz gumuho ang mundong kanyang kinabibilangan.

“2.3K viewers na yan sa twitter. Kailangang kumilos ka dahil tumatakbo ang oras. Sisirain niya ang buong pagkatao mo. Kailangang naka locked ang FB profile mo. Ngayon na!”

Sa tulong ng binatang Engr naayos ni Vinz ang kanyang social media accounts. Lahat nang iniutos ng binata ay madaliang sinunod ni Vinz. Iyon ang naging simula ng kanilang pagiging virtual friends.

“Tapos na ang misyon ko po sa inyo. Kailangan ko nang magpaalam. Iu-unfriend na kita sa FB…” Paliwag ni RBR.

“Wag! kailangan kita. Parang awa mo na…” Pakiusap ni Vinz sa Ka-chat.

“Ayoko po sana dahil ako mismo ang nagligtas saiyo sa kahihiyan. Hindi tama na ako ang gagawa muli ng isa pang kasalanan.” Straight to the point na sagot sa kanya ni RBR.

SA MGA LARAWANG forwarded sa kanya ni RBR, hindi maiiwasang nahulog ang loob ni Vinz sa binatang Engr. Pakiramdam niya heto na ang tamang lalaki na naging kapalit ng lalaking nagluko sa kanya. Si RBR ang lalaking hindi mahirap mahalin.

“Kung di mo siya makakalimutan at magkakaroon kayo ulit ng communication. Walang saysay lahat ang mga pinagsasabi ko saiyo.”

“Yung pagkakamali mo nga sa pagmarka sa katauhan mo ay pinilit kong isalba, yan pa kayang isang maling pindot lang.”

“Pin mo na rin yung wala kayong aasahan sa akin.”

Makapangyarihang tinig ng binata. Pakiramdam ni Vinz, ibinigay na ni Lord, ang taong magiging katapat niya. Hindi namalayan ni Vinz na unti-unti na niyang minahal ang ka-Chat.

“Alam ko kasi may dahilan kung bakit nagkakilala tayo. Kailangan natin ang isa’t-isa.” Panimulang tugon ni Vinz.

“From the start, I told you na wala kayong aasahan sa akin. I have a heart full of understanding to my own lapses and I have a mind that is suffice to bring me happiness. Umalalay lang ako, kasi baka mag breakdown kayo kapag nalaman niyo na kalat na ang larawan mo na hubo’t hubad sa social media.”

NASAKTAN si Vinz nang biglang nagpaalam sa messenger si RBR. Dumating na nga ang kanyang kinatatakutan. Restricted na siya ng binatang Engr.

“Morning, Sir Vinz ito. Huwag ka nang magtampo, magalit o mag-isip. Alam ko na nauunawaan mo ako dahil minsan naranasan mo rin ang iwanan o umasa. Wala naman akong masamang hangarin saiyo sa halip maging bff kita hindi lang sa cyberworld sa halip sa totoong buhay. Hihintayin ko pa rin ang calls and messages mo. Salamat?” Text niya sa number na inilagay ni RBR sa curriculum vitae nito.

“Prioritize yourself and your family po. Marami rin akong problema.” Sa wakas nakahinga nang maluwag si Vinz nang magreply ito sa kanya.

“Alam ko naman yon. Paminsan-minsan lang naman na mag-usap o magchat tayo. Please not now. Thanks!” Pakiusap ni Vinz sa bagong textmate niya.

“Ok na po yun, at least may bwelo na para maging matatag ka.” tugon sa kanya ng binatang Engr.

“Kagaya nang minsan mong sinabi. Maghihintay pa rin ako. Dahil naniniwala ako na may dahilan kung bakit nagkrus ang landas natin. Ingat!”

“Tapos na po ang paghelp ko saiyo. Help ko naman ang sarili ko po. Kilos na ako, need ko makapag report bukas ng damage property ng company.” Paliwanag sa kanya ng binata.

“God bless.” naging tugon ni Vinz sa ka-text.

“Thanks. Ingat ka palagi.” huling text message ng binata.

Add friend or Unfriend?

Blocked or Unblock?

Restricted or Unrestrict?

Heto ang naging relasyon nina Vinz at RBR sa cyberworld na umabot na nga ng isang buwan nilang relasyon bilang virtual friends. Dito rin niya nakilala ang tunay na pag-uugali ng kaibigang birtual.

“Kailangang sundin mo ang mga anak mo. Duon ka sa tama. Kailangan iyong wala kang itinatago po. Tatagan mo palagi ang loob mo. “Mga mensahe ni RBR sa kanya sa tiktok.

“Wag kang magpapakita ng takot sa taong gumawa niyan saiyo. Huwag kang magpapalamon sa kanya. Paalam na rin dito…”

“Ayoko! Kailangan kita…” Pagmamakaawa ni Vinz

“Pasensya ka na. Hindi ko kayang iprovide ang ninanais mo.”

“Kahit wag na ‘yon. Kahit yan na lang ang regalo mo sa akin. Iyong walang iwanan.”

TULUYAN nang nawala si RBR sa cyberworld. Naging malungkot ang mga araw na nagdaan sa buhay ni Vinz. Naging malaking kawalan sa kanya ang binata. Sa bawat-araw na nagdaan na mimiss niya ang kaisa-isang taong nagbigay sa kanya ng malasakit. Isang estranghero pa rin sa kanyang buhay Ngunit nagpakatotoo sa kanya. Naging maikli man ang pagigi nilang magkaibigan sa cyberworld ngunit may malaki itong ginampanan at naging bahagi nang kanyang buhay.

Minsan.

“Sir, mag naghihintay po sainyo sa Principal’s office.” Pahayag ng kanyang Administrative support staff niya. “Ikaw po ang hinahanap. Matagal na raw po kayong naging magkaibigan at sinabi niya na hindi ka na raw iba sa kanya.”

Kinabahan ang school head nang napagtanto kung sino ang naghihintay sa kanyang opisina.

Bigla siyang niyakap nang mahigpit ni RBR. Ang mga ngiti nito ay muling nagpanumbalik sa sigla ni Vinz. Alam niya na wala na sila sa online world. Kailangan nilang harapin ang bawat pagsubok sa kani-kanilang buhay. Alam nilang malulusutan nila ito sa tulong ng bawat-isa…

SADYANG MAHINA ANG INTERNET CONNECTION sa lugar na kanilang kinaroroonan ngayon, ngunit batid ng dalawa ang malakas nilang ugnayan sa isa’t-isa.