Return to site

AKO, SI AMÀ, ANG DAGAT AT ANG REGATTA

ni: JOHN HAROLD O. FRANCISCO

Walang masyadong nag-uukol ng pansin sa akin doon sa luma at magulong pueblong aking kinalakihan - saan man ako magtungo upang makahingi ng kaunting limos: sa malaking simbahang matayog na nakatayo sa Hilaga, sa mga nakahilerang tindahang walang kapagurang nagpapalabas at nagpapapasok ng mga hindi mabilang na kaluluwa sa Kanluran, sa mga sakayan ng dyip na dinadagsa araw at gabi ng mga nagdudumaling pasahero sa pagsakay sa Silangan o di kaya’y sa maliit na plasa ng pueblong napapalibutan ng mga luz del calle na bumubuga ng dilaw na liwanag tuwing sasapit ang gabi sa Timog. Sa mga pagkakataong buong maghapon akong naglalakad at nagbabakasakaling may matanggap na kaunting biyaya mula sa mga nagdaraang taong hindi ko kilala, minsa’y naiisip ko nang may kapaitan sa aking puso na ang ibinunga ng maghapon kong pakikibaka sa pueblo ay kapalit lamang ng kakarampot na mga baryang pisong kumakalansing sa latang aking tangan - ngunit ilang saglit lamang ay aagawin kong muli ang kapaitang ito sa aking diwa, at papalitan ko ito ng isang munting ngiti sa aking labi, sapagkat natutuhan ko ring isaisip, gaano man kalaki o kaliit ang nalikom kong limos sa buong maghapon, ibibilang ko pa rin itong biyaya mula sa Diyos. Ang mga ganoon kamumunting bagay sa hindi ko maipaliwanag na dahilan, ay nagiging sapat para sa akin.

Payak at simple ang mga bagay na nauukol sa aking pagkatao: ako’y batang lalaking may labing-limang taong gulang na nagmula sa tribo ng mga Badjao, madalas kaming tawaging mga taong dagat ng karamihan at payapang naninirahan sa binuo naming bangka ng aking ama, nakadaong ito di kalayuan sa piyer kasama ng iba pang maliliit na bangkang nakahilera sa gilid ng dalampasigan. Ulila na ako sa ina simula pagkasilang, sinasabing namatay raw ito ilang araw pagkatapos akong maisilang dahil sa malubhang lagnat, mayroon daw itong angking galing sa pag-awit, likas na mahiyain ngunit may matibay na pananalig sa Diyos. Wala rin akong maipagmamalaking kapatid dahil nag-iisa lamang akong supling at tanging ama ko na lamang ang aking kasama, kasangga at kapanalig magmula ng ako’y magkaisip at magkamulat. Tumigil na rin ako sa pag-aaral at tanging sa mababang antas lamang ng elementarya ang nakayanan kong abutin, sa kabila ng buong pagsusumikap ko noong matuto ng maraming bagay na nakamamangha at nakawiwili sa luma at walang siglang silid na iyon, ipinagmamalaki kong kahit papaano’y may mga mumunting bagay akong alam at hindi alam sa mundo. Mahabang panahon na rin ang nakalilipas at tila ibinaon ko na sa limot ang araw na yaon kung kailan ako huling nakapagbasa ng aklat o di kaya’y yung araw kung kailan ako huling nagsulat sa di gusuting papel na nagtataglay ng pula at asul na linya na bigay sa akin ng aking butihing guro noon. Ang luma at walang siglang silid na yaon ang unti-unting nagpasigla sa aking kawalang-malay, rumikit ito sa loob ng saglit na panahon sa harap ng aking mga mata at doon ko tunay na naranasan ang sarap ng pagiging bata na sa kalaunan rin ay ipagkakait sa akin, naisip ko noon sa dakong iyon ng buong galak na ako pala ay maari ring lumigaya gaya ng ibang pangkaraniwang bata, at tunay nga na kaibig-ibig at masaya ang bahaging iyon ng aking nakalipas.

Madalas akong magtungo sa dalampasigan sa tuwing nais kong mapag-isa o di kaya’y umiwas sa iba. Ito ang kakaibang paraan ko ng paghahanap sa kapayapaan. Naisip kong ang saglit na pag-iwas sa kaguluhan ng pueblo at saglit na pagtakas sa iniatang na responsibilidad ay gamot din para sa napapagod na isip, puso at kaluluwa. Madalas kong datnan na banayad ang kislot at indayog ng mga along nakararanas rin ng kapayaang tulad ko, habang pinaglalaruan naman ng malayang hanging nanggaling sa malawak na karimlan ang nahahapis kong mukha. Ang dalampasigan ang nagsisilbi kong munting paraiso, isang dako ng kapahingahan at madalas ko itong hayaan na lakbayin ako sa mga masasaya at malulungkot na gunita, sa nakalipas at sa hinaharap, sa mga hindi ko maipaliwanag na kalumbayan at maaaring sa mga hindi ko mabilang na kahilingang aking inusal o isinaisip. Ang kariktan ng nag-aapoy na langit tuwing dapithapon ay isang tagpong masayang pagmasdan. Napabuntong hininga ako habang pinagmamasdan ang napakalawak na karimlang nagpakita ng isang napakarikit na larawang tanging Diyos lamang ang may kakayahang puminta, isang kariktang walang kahit anong bagay ang makapapantay. Biglang sumulpot ang unang bituin ng gabi sa nagdudumilim na langit at biglang pumito ang isang malaking barkong papaalis na ng piyer sa di kalayuan, hudyat na ito’y handa ng maglakbay. Ang lahat ng ito’y bahagi ng aking kapahingahan tuwing magdadapithapon, mga tagpong buong kamanghaan kong pinagmamasdan at mga tagpong iyon na tuluyang nagkukubli sa nahihiyang araw.

* * *

Mabilis akong nagtungo sa aming bangka, at nadatnan ko roon ang aking amang galing pa sa pamamalaot. Agad kong kinuha ang magaspang niyang kamay at ako’y maingat na nagmano. Pagod ito at siyang naghanda ng aming hapunan. Gaya ng mga nagdaang araw, ay napansin ko pa rin ang pagiging tahimik nito sa paggawa mga gawain na tila ba may malalim na iniisip, mabagal ang kilos nito sa hindi mabasag na katahimikan. Kaunti lamang ang huli niya nung hapong iyon na sasapat lamang upang maging bahagi ng aming simpleng hapunan. Noong sandaling iyon ay tahimik ko siyang pinagmasdan mula sa di kalayuan, nagtataka sa kakaibang katahimikang bumabalot sa kaniyang paligid at maya-maya pa’y narinig ko ang mahinahon tinig nito.

“Kumain ka na. Narito yung ulam, iprinito ko na lamang yung lahat ng isdang nahuli ko. May tirang kanin pa riyan mula kanina, kasya na ‘yan sa atin.”

Tumango lang ako sa kaniya at maingat na inihanda ang maliit na mesa para sa aming hapunan. Naisip kong marahil ang hindi mabasag na katahimikang nagmumula sa kaniya ay hatid ng mga ikinukubli niyang alalahanin mula sa akin at napagtanto kong huwag na lamang siyang gambalain ng mga katanungang nais kong itanong. Sa ilang saglit pa’y pareho kaming nagpasakop sa naghaharing katahimikan. Ang ibinubugang apoy mula sa maliit na gasera ang tanging bagay na nagbibigay liwanag sa loob ng aming malaking bangkang may trapal, ang dilaw na liwanag na iyon mula sa maliit at naglalarong apoy ay may kung anong malamlam na diwang hatid sa aming mga paningin. Tahimik kaming kumain na magkasama, tahimik na nilasap ang mga mumunting biyaya na mula sa kaibigan naming dagat.

Isang bagay lamang ang dahilan kung bakit mas piniling kong hindi sumama sa kaniya sa mga araw at gabi ng pangingisda sa laot sakay ang mas maliit naming bangkang panglaot. Ang karanasan ko sa muntikang pagkalunod noong ako’y maliit pa ay sya ring muntikang kumitil sa aking buhay, ang dating pananabik ko sa pagliliwaliw sa kanlungan ng dagat ay napalitan ng takot at mga negatibong agam-agam, – simula noo’y iniwasan ko na ang panganib na iyon, simula noo’y tila naging matampuhin na ako sa malawak na karimlan ng tubig na araw-araw ay bahagi na ng aking buhay. Sa kabila ng mga nangyari, sa anumang punto’y nagagawa ko pa rin itong paglaban sa ilang piling pagkakataon sapagkat tunay ngang kaibig-ibig ang kariktang nabubuo sa karagatan tuwing dapithapon – pinakamarikit ito sa lahat ng bagay, mga kariktang buong kamanghaan kong pinagmamasdan at siyang nagpapaligaya sa bata kong pusong umibig sa mga maririkit na bagay sa paligid. Ang takot ko sa kamatayan ay nagdulot ng malalim na sugat sa aking isipan bilang isang bata, at mula rito’y naging tampulan na ako ng tukso mula sa mga batang gayang kong anak din ng matandang lansangan at malawak na karagatan. Mula sa aking mga kauri ay madalas kong marinig ang kanilang mga pang-uusig. Madalas nila akong hamakin sa pamamagitan ng isang bagay na pinangangambahan kong gawin. Ako raw ay duwag at hindi tunay na Badjao, ang lagi nilang sambit. Ang aking kahinaan ay ginamit nila laban sa akin sapagkat noon pa man ay bukod tangi na akong Badjao na may takot sa paglangoy. Ang mapanghusgang lipunan ay tila nakapagbigay na nang mabigat na hatol sa gaya kong may nakakatakot na karanasan sa nakaraan, tila naging mailap sa akin ang kanilang pang-unawa sa ganoong kasaklap na bagay na aking naranasan at mas nangibabaw ang alingawngaw ng mga tinig nilang namumuna. Ang kalupitan ng lipunan ay tunay ngang kabuhol na ng buhay ng tao, ito’y malungkot na katotohanang kailangan tanggapin ng bawat isa. Gayunpaman, mula sa aking kaloob-looban ay tahimik kong inialay sa kanila ang aking kapatawaran. Sapagkat sa ganoong paraan lamang ako’y tunay na magiging malaya.

* * *

Natapos na kami sa aming hapunan noong gabing iyon. Ako’y napabuntong-hininga at mula sa kung saan ay buong tapang kong itinanong sa aking ama ang isang bagay.

“Sasali po ba kayo ulit ngayong taon sa Regatta de Zamboanga?”.

Bigla itong natigilan sa pag-inom ng tubig at humarap sa akin.

“Aba’y siyempre naman anak, malakas pa naman ako, at gusto kong bumawi mula sa pagkatalo ko noong nakaraang taon, isa pa’y malaki rin ang premyong ibinibigay nila. Kung sakaling mapanalunan natin yung premyo eh gagawa tayo ng mas malaking bangka na kulay puti at asul na ipinangako ko noon sa Inà mo. Isa pa’y naipatahi ko na rin ang makulay na layag para sa gagamitin kong vinta doon sa isang kakilala ko sa isla ng Sta. Cruz. Pero alam kong hindi magiging madali ang lahat.” Ang tugon nito.

“Mabuti naman po Amà ko at sasali kayo. Sa susunod sa araw na po iyon. Sana po’y manalo kayo ngayong taon, eh nakailang sali na rin po kayo. Eh baka pagbigyan na kayo niyan ng langit at papanalunin na kayo. Hayaan po ninyo at ipagdarasal ko po ang inyong pagsali. Siguradong marami pong dadayo rito sa ciudad de Zamboanga sa linggo. Pero Amà, sigurado po akong sasali ulit si Almasher, ang matipuno at malakas na mangingisdang Tausug na may bigote, eh alam naman po nating isa siya sa pinakamagaling na manlalayag ng Basilan. Aba lagi ‘yong kampiyon. Nakakainis nga po dahil sa nakalipas na tatlong taon ay wala pa siyang talo. Balita ko nga po ay malaki ang premyong ibinigay ng binatang alkalde ng ating ciudad sa mga nagsipagwagi sa una, ikalawa at ikatlong puwesto ng karera noong nakaraang taon. Baka sasali rin daw po lolo Efren, ang Zamboangueňong tinaguriang alamat ng Regatta na kahit matanda na ay sigi pa rin sa pagsali – ang matandang iyon talaga ay wala pa ring kupas, para sa akin po Amà ay dapat na siyang tumigil sa pagsali at manood na lamang, hayaan na lamang niya ang mga mas batang lahok na mangibabaw. Sigurado rin po akong dadayo rin dito pati na ang mga mangingisdang nagmula pa sa Sulu, Tawi-tawi at Zamboanga Sibugay. Marami pong lalahok, tiyak po ako Amà na magiging kapanapanabik at mas mainit ang laban ngayong taon.”

Biglang itong napatingin sa malayo pagkatapos kong magsalita, naging tahimik ito ng ilang saglit at hindi nagsalita. Marahil iniisip nito ang mga nakaambang maliliit at malalaking balakid sa maaaring pagkapanalo. Ang pagsali ng mga nakatunggali niya noon ay isang babala na hindi magiging madali na tamuhin ang minimithing premyo. Hindi ito ngumiti at taimtim lang na nag-isip.

“Kailangan kong manalo. Ipinangako ko ito sa iyong Inà.” Ang biglang sambit nito na nakaharap sa akin upang basagin lamang ang katahimikan.

At doon ko natarok ang bigat ng kaniyang iniisip. Marahil ay matibay ang bigkis ng pangakong iyon sa nakaraan na kahit pa man ang mga mumunting hibla nito’y naabot pa rin ang kasalukuyan. Marahil, ang mga pasusumikap niyang sumali nang makailang ulit sa Regatta ay nagbabalik sa gunitang iyon, sa pangakong iyon na kaniyang isinapuso, sa pangakong iyon na pilit niyang bibigyan ng katuparan.

“Gagalingan ko anak. Para sa iyo at para sa Inà mo.” Ang nakangiting sambit nito at muli ay saglit na naman nitong binasag ang nakabibinging katahimikan.

Noon pa man ay may pananalig na ako sa mga bagay na taglay niya: Ang kaniyang kakayahan at mahabang karanasan sa pangingisda, ang kaniyang taglay na lakas, ang kaniyang tiyaga sa mga maliliit at malalaking bagay na dinanas sa taglay na buhay, at maging ang ibinihis niyang matipunong pangangatawan na pinanday ng mga panahong nagdaan. Ang mga katangiang ito para sa aki’y kaibig-ibig at marikit para sa isang maralitang patuloy na nangangarap, at sa mga pagbibilang niya ng mga pangarap kung saan may katiyakan akong bahagi ako ng mga iyon. Sapagkat ano pa bang bagay ang mas matibay at hihigit pa sa pananalig ng isang kaluluwa? Sa aking isipan, ay lihim kong ipinagdasal ang kaniyang pagbabakasakaling muli ngayong taon. Ang kaniyang pananalig at mahigpit na paghawak sa hibla ng pangakong may pananagutan kailaman, ay hindi maaaring gibain ng kahit sino.

“Magtiwala po tayo sa Diyos Amà, batid niya ang ating pangangailangan. Ang mabuti pa ay magpahinga na tayo. Tutulungan ko po kayo bukas na maghanda para sa ilalaban nating bangka sa linggo. Pipinturahan ko po ang bangka ng kulay puti at asul bukas.”

Matapos ang pag-uusap na iyon ay pareho kaming dinalaw ng antok. Nang gabing iyon ay ginamit niyang muli bilang kumot ang malong na hinabi ni Inà ilang taong na ang nakalilipas na gaya ng nakaugalian nito tuwing matutulog sa gabi. May makulay itong disenyong alinsunod sa Okir, lubos niya itong iningatan nitong mga nagdaang taon. Hindi lamang iisa ang malong na hinabi ni Inà, marami itong hinabi at ang mga habing ito’y pamana niya sa amin ni Amà na maingat naming itinupi at inilapag sa isang dako.

* * *

Ayon sa mga matatandang Badjao, matagal na raw isinasagawa ang Regatta sa Ciudad de Zamboanga, kahit noon pa man. Ang Regatta de Zamboanga ay isa sa mga inaabangang patimpalak sa tuwing ipinagdiriwang ang Hermosa Festival. Ito’y ginaganap tuwing buwan ng Oktubre taon-taon. Ito ay isang karera ng mga vinta sa karagatan na nagbibigay ng makulay na diwa sa dalampasigan. Ang vinta naman ay isang tradisyunal na bangka at may malabahaghari o makulay na layag na may bahid ng disenyong Okir – tradisyunal at nakagisnan na itong gamitin ng mga katutubong gaya ko sa dagat sa iba’t ibang parte ng Mindanao sa pangingisda, ito ang uri ng bangkang gamit sa pagdaraos ng Reggata. Madalas ay isang tao lamang ang sakay sa bangkang kakarera kung kaya’t tagisan rin ito ng lakas sa paggaod, diskarte at talino sa pagmamaneobra ng bangkang sinasakyan. Ang aking mga katribo at angkan ay may malalim na pagpapahalaga sa uri ng bangkang ito dahil naging bahagi na ito ng aming makulay na kultura at mahabang hibla ng kasaysayan ng aming komunidad. Minsan nang naikuwento ng aking Amà noon sa akin ang mahabang kasaysayan ng aming angkan na bantog sa husay ng pagiging mga bangkero sa dako ng Sulu. Labis niyang ipinagmamalaki kahit kanino man ang husay ng kaniyang namayapang ama, marami rin daw itong alam na lihim at hiwaga tungkol sa karagatan, ito’y itinuturing na pantas ng karamihan at ito rin ang nagsisilbing tagapagkuwento ng mga alamat at kuwentong-bayang nagpasalindila pa mula Sulu, Tawi-Tawi at Basilan sa aming kapitbahayan noon – si Abdulmari, ang lolo kong maalamat, bantog at namayapa na. Ayon kay Amà ay makailang ulit ng naging kampiyon ang aking lolo noong mga panahong wala pa ako sa mundo sa mga Regattang idinaraos na noon, pambihira raw ang husay ng aking yumaong lolo noong dekada 70 at 80, sa kabila ng mga natamong tagumpay nito noon - ay naamin ni Amà sa kaniyang sarili na kailanma’y hindi niya ito kayang pantayan o higitan sapagkat para sa kaniya, ito ang siyang pinakamahusay sa lahat, ngunit itinuring din niyang mapalad ang sarili dahil siya’y naturuan nito ng maraming bagay.

Kinaumagahan ay maagang pumalaot si Amà patungo sa isla ng Sta. Cruz upang kunin ang makulay na layag ng vinta na gagamitin sa idaraos na Regatta. Ang isla ng Sta. Cruz ay ang natatanging isla sa buong Filipinas na kulay rosas ang pulbong buhangin dahil humalo na ang mga nadurog at napulbong kurales o bulak-bato na pula sa puting buhangin na likas ng naroroon. Ito’y gawa ng mga malalakas na alon sa dalampasigan nito sa napakahabang panahon. Hindi kalayuan ang isla na ito sa ciudad de Zamboanga at ilang minuto lamang ang tagal ng biyahe mula Mainland ng Kanlurang Mindanao. Madalas akong isama ni Amà patungo roon at bilang pampakalma sa namumuong nerbiyos sa aking loob tuwing biyahe, madalas niyang awitin para sa akin ang isang awiting kastila ng ciudad na natutuhan niya noon sa paaralan noong siya’y nag-aaral pa na pinamagatang “Zamboanga Hermosa” na ang salin sa Filipino ay “Marilag na Zamboanga”. Madalas ituro ang awiting ito sa mga mag-aaral dito sa aming ciudad hanggang ngayon sa mga pampribado o pampublikong paaralan, maging ang mga mamamayan na naninirahan sa ciudad na kabilang sa iba’t ibang pangkat etniko ay kabisado rin ang nasabing lumang kanta na isinulat pa ni Vicente Orendain noong unang bahagi ng ika-20 siglo, ito’y sa kasagsasagan ng pananakop ng mga amerikano sa bansang Filipinas. Pahapyaw ring itinuro sa mga paaralan ng aming ciudad ang buhay ng kompositor ng nasabing kanta na nagtaglay ng matitinding suliranin sa kaniyang buhay. Madalas kong sabayan si Amà sa pag-awit ng kantang ito, malumanay at mabagal ang areglo at tila ba tahasang ginawa upang pagbuklurin ang mga kaluluwang likas na sa pagkakaroon ng iba’t ibang kulturang kinalakihan, kaugaliang isinasabuhay sa araw-araw at paniniwalang isinasapuso. Ito’y isang awit na nagpapabatid ng aming malalim na pagmamahal sa aming ciudad na may malalim na kasaysayan, mga sugat ng sigalot at may kakaiba at natatanging bihis ng wika na mula pa sa nakaraan – ang wikang ipinamana ng mga mananakop na kastila sa bahaging ito ng Timog-Kanluran ng ating bansa. May masayang diwa ang kanta na malayang inilalarawan ang magagandang katangian ng ciudad at kung bakit ito natatangi at naiiba sa iba pang lungsod at lalawigan.

Payapa at tahimik akong nagpaiwan sa dalampasigan upang pinturahan ang bangka ng kulay puti at asul bilang paggunita sa aking Inà ng umagang iyon. Naging payapa at tahimik ang buong paligid maliban sa sunod-sunod na pito ng mga barkong naglalayag sa malayo at salpukan ng mga nagngangalit na alon sa malapit, malakas ang malayang simoy ng hanging nagmula pa sa malawak ng karimlan, payapa at kalmado naman ang asul na karagatan, makikita ring kusang nahuhulog mula sa mga malulutong na sanga ang mga dahon ng Talisay na naglipana kung saan-saan at unti-unti ng sumisikat ang gising na araw. At habang ako’y nagpipinta ng aming maliit na bangkang isasalang sa Regatta, buong pagsusumikap kong inalala ang lumang kantang iyon na nagpapakita ng pagmamahal sa aming ciudad, ang kantang iyon na alam at kabisado ng marami sa amin, ang kantang nakapagbubuklod sa pagkakaiba ng mga mamamayan at isa sa mga bagay na natutuhan ko noon doon sa walang siglang silid ng mga kaalamang aking kinamulatan, ang natatanging kantang syang nagiging tagpuan namin ni Amà sa tuwing naglalakbay ako sa minsang malupit na dagat ng may pangamba at kasama siya.

At muli, nakangiti at masaya kong inawit ang lumang kantang iyon na bahagi ng aking mga alaala at agam-agam.

“Zamboanga Hermosa”

Zamboanga hermosa, preciosa perlita,

Orgullo de Mindanao -

Sus bellas delagas son las que hermosean,

Tu deliciosa ciudad.

Flores y amores,

Te adornan su Jardin -

Eres la imagen del bello Eden.

Na kung isasalin sa wikang Filipino ay:

“Marilag na Zamboanga”

Marilag na Zamboanga, tinatanging perlas,

Hiyas ng Mindanao -

Ang iyong mahagway na ganda, sila ang naggayak,

Ikaw ay nakalulugod na lungsod.

Sa mga bulaklak at pag-ibig,

Ay pinalamutian mo ang iyong hardin -

Ikaw ay imahen ng marikit na Eden.

Nagpatuloy ako sa pag-awit, halos pabulong na sa aking sarili habang patuloy pa rin ako sa pagpipintura ng gagamiting bangka sa Regatta nang bigla akong matigilan, natanaw ko ang bangkang panglaot ni Amà na dahan-dahang papalapit sa dalampasigan. Nang makarating na siya sa dalampasigan ay buong lakas niyang hinila ang isa pa naming bangkang panlaot patungong buhanginan, itinali niya ang lubid ng bangkang ginamit sa matayog na puno ng niyog upang hindi ito tangayin ng mga alon. At nakita kong tangan niya sa kaniyang kamay ang makulay na layag na ipinatahi pa niya mula sa kaniyang kaibigan sa isla. Masaya niyang inilapag ito sa buhanginan upang matignan kung maayos ba ang lagay nito. Tinignan niya ang bawat sulok ng layag at nakumpirmang maayos naman ang lagay nito at walang punit. Bigla siyang lumapit sa akin at nakangiting tinapik ang aking balikat, senyales na siya’y natutuwa sa mga nangyayari, tumugon lamang ako sa pamamagitan ng isang ngiti at hinayaan siyang patuloy na tapikin ang aking balikat. Kinuha niya ang isa pang brush na nakapatong lamang sa itaas ng bangkang aking pinipinturahan at kusa akong tinulungan sa pagpipintura. Itinigil ko na ang pabulong na pag-awit na syang kusang ginagawa ko kanina at siya nama’y tahimik na rin na gumagawang kasama ko – pareho kaming naging abala noong mga panahong iyon na pawang dinadama lamang ang hindi maipaliwanag na kagalakan.

* * *

Dapithapon na nang natapos naming mapinturahan ang buong bangka nang dinalaw na kami ng nakalulumong pagod mula sa maghapong gawain. Naikabit na rin namin ang makulay na layag ng aming vinta, tuwid at matibay ang poste ng layag. Tiniyak naming pareho na matibay at maayos ang lahat ng bahagi ng bangka at sa puntong iyon ay natiyak naming pareho na handa na nga ito para sa Regatta de Zamboanga.

Inaya ako ni Amà na maupo sa buhanginan kasama niya. Inakbayan niya ako sa balikat habang magkalapit kaming nakaupo sa pulbong buhangin. Nilaro ng mga sandaling iyon ng malayang hangin ang nahahapis naming mga mukha tulad ng mga nagdaang araw. Tahimik at payapa lang naming sinipat nang magkasama ang muling pag-aagaw ng liwanag at dilim sa malamig at di pangkaraniwan na dapithapong iyon – at natiyak ko sa aking sarili na ang dapithapong iyon ay lagi kong hahanapin at babalikan sa aking mga pagbabalik tanaw sa hinaharap. Tahimik lang naming tinanaw ang mga tila maliliit na anino ng mga bangka at barkong inalalayan ng nahihiyang araw sa walang kasing rikit na larawan doon sa malayong dako at doon nga’y malayang naglayag ang aming mga isipan sa mga malulungkot at masasayang bagay nang walang panghuhusga at walang bahid ng pagkapoot. Naging tahimik ang mga sandaling iyon sa pagitan namin. Sa ilang sandali’y wala sa amin ang nagsalita, at sa kung anong kadahilanan ay mas hinayaan ng aming mga kaluluwa na mangusap ang mga matang nakatanaw doon sa malayo. Kung minsan ay naiisip ko nang may kapanatagan na mas maraming naipahihiwatig na mga maririkit at makabuluhang bagay ang katahimikan ng isang kaluluwa kesa sa mga salitang inuusal ng isipang minsan ay mapagpanggap, higit itong mas makapangyarihan, higit na mas malalim at mahiwaga - natanto kong ito ang lihim na hiwaga ng katahimikan ng isang kaluluwang kusang pinili ang maging payapa.

“Naalala mo pa ba noong maliit ka pa nung minsan tayong nagpalipad ng saranggola rito?” ang tanong nito habang kami’y patuloy na nakaupo sa buhanginan.

“Oo naman po Amà, napakalaki pa nga po ng saranggola na ‘yon. Di ba po kayo ang gumawa nun?”

“Oo anak, ako nga may gawa nung saranggolang iyon dahil mahal na mahal kita, at nais kong makita kang laging masaya. Sa tuwing naiisip ko iyon, hinihiling ko nalang sa Diyos na sana’y ganoon na lamang kasimple ang mabuhay sa mundo. Na ganoon nalang kadaling lumigaya at iwaksi ang ang mga suliranin na nakaatang sa balikat. Humihingi ako ng tawad sa iyo sa mga bagay na hindi ko naibigay, at maging na rin sa mga bagay na hindi ko kayang ibigay. Patawad sa mga pangakong aking ipinangako na hindi ko na nabigyan ng katuparan. Alam mo anak, gumuho man ang pangarap ko ay hindi ko hahayaang guguho pati ang sa iyo. Sisikapin nating makakapag-aral kang muli at ititigil mo na ang panglilimos sa pueblo kung sakaling mapanalunan natin ang premyong iyon. Nais kong makitang magiging ganap kang marino balang araw, at maglalayag ka sa mga malalayong karagatan na hindi ko pa nararating.”

“Hindi naman po ako nagrereklamo Amà, nauunawaan ko naman po ang ating kalagayan, sanay na po ako sa ganitong buhay at hindi po ako naiingit sa iba. Isa pa’y huwag po ninyong sisisihin ang inyong sarili dahil batid ko naman pong ginawa po ninyo ang lahat upang mapabuti ako at ang kalagayan natin. Lahat ng bagay ay may kapanahunan. Gaya po ng saranggola, may mga pagkakataong bumababa ito dahil mahina ang ihip ng hangin, na maaring nagpapakita na ang bawat isa ay maaaring madapa, at may mga mahahalagang bagay na sa pagkadapa lang natin matututuhan. May mga pagkakataon ring ang saranggola ay umaangat na nagpapakitang may mga pagkakataong tayo ay nakakabawi, bumabangon at nagtatagumpay. Huwag po kayong mabagabag, kayo po ang nagturo sa akin na maging matatag kahit ano pa man ang maging kulay ng buhay. Dakila po kayo sa aking paningin. Hayaan po ninyo at tutuparin ko po ang ang pangarap na iyon Amà, magiging marino po ako sa hinaharap at magbabago po ang takbo ng ating buhay balang araw.”

“Salamat anak sa lawak ng iyong pang-unawa. Napakasuwerte ko naman sa iyo. Hayaan mo’t gagalingan ko sa darating na linggo. Mahal na mahal kita, kayo ng Inà mo. Lagi mo ‘yang tatandaan. Ikaw ang natatangi kong yaman sa mundong ito.” Ang naluluha niyang tugon.

“Mahal ko din po kayo Amà at hindi na po ito magbabago kailanman. Ipagdarasal natin ang lahat ng bagay sa Kaniya. Hindi na po ako nababahala sa darating na linggo dahil lubos po akong nagtitiwala sa Diyos. Ito ang panahon na tayo ay dapat manalig sa Kaniya.”

Tuluyan ng lumubog ng araw at unti-unti ng naglaho ang mga hibla ng liwanag sa marikit na larawang aming pinagmamasdan kanina, pumayapang muli ang karimlan mula sa naging pag-aagawan ng dilim at liwanag sa kalangitan, sa pagkakataong ito’y nagpaubaya na lamang ang liwanag sa nanlalamong kadiliman. Muling sumilay sa nagdudumulim na langit ang unang bituin ng gabi, sinundan din ito ng pagsilip ng iba pang mumunting bituin na kanina’y tila’y nahihiya at nagtatago lamang sa likod ng mga higanteng ulap na nakalutang sa hangin. Ang buwan ang syang naging maliwanag at mahiwaga sa lahat sa pagkakataong ito, muli itong nanaig sa madilim na langit.

Bumalik kami sa aming malaking bangkang may trapal at sinalubong ang gabi sa gitna ng katahimikan. Payapang naghapunan at nahimbing sa mahabang gabi, inaasahang sa aming paglalakbay sa mundo ng mga panaginip ay mailalarawan naming muli ang rikit ng aming mga mumunting pangarap.

* * *

Mabilis na dumating ang araw ng linggo, ang araw ng Regatta sa ciudad na syang pinakahihintay ng lahat. Maaga kaming nagising ni Amà nung umagang iyon. Pagkasing ko’y agad akong nagdasal sa Diyos na patnubayan Niya kami sa araw na ito. Naglayag kami patungong boulevard, hindi kalayuan sa piyer gamit ang inihanda naming vinta, kita ko kung papaanong itulak ng malakas na hangin ang makulay na layag na tila maiksing bahagharing dumapo sa dagat. Maaga naming narating ang boulevard kung saan idaraos Regatta de Zamboanga, maraming tao ang gustong makasaksi, mga turista at iba’t ibang uri ng taong, may mga opisyales rin ng lokal na pamahalaan ng ciudad at syang nag-organisa ng paligsahan ang naroroon, ipinababatid nilang layunin nila ang panatilihing buhay ang mga kulturang nananahan sa dakong ito ng bansa. May mga mapuputing amerikano ring humalo sa kumpulan, may mga iba’t ibang tribong nagmula pa sa iba’t ibang dako ng Mindanao, iba’t ibang wika ang kanilang usal at hindi ko lubusang maunawaan ang karamihan sa kanilang mga pangungusap, may mga mayayaman at mahihirap rin na mahahalata mo ang pagkakaiba dahil sa istilo ng pananamit, may mga bata at matanda, babae at lalaki, lahat sila ay bahagi ng nabuong kumpulan, nagmamatyag, nag-aantay, mga pawisan ang kanilang mukha at sabik na masaksihan ang karerang magaganap. Nagkalat rin sa paligid ang mga nakaunipormeng pulis at sundalong titiyak sa seguridad at kaligtasan ng bawat naroroon.

Napakaraming vinta ang nasipat ko na nakalutang sa maalat na tubig habang naghahanda ang mga bangkerong sasakay sa mga ito. Gaya ng aking inaasahan, binalot muli ng makukulay na layag ang dalampasigang iyon ng boulevard, isang marikit na tagpong kaaya-aya sa bawat paningin na nakamasid, makukulay rin ang mga taglay na layag ng iba pang vintang naroroon at hindi nagkakaiba ang mga taglay na disenyo ng bawat isa. Tila mga mumunting bahaghari. May mga pamilyar na mukha akong nakita, naroroon ang wala pang talo na si Almasher, ang matipunong Tausug na may bigoteng dayo pa mula Basilan, nakangiti ito at halatang handang-handa at si lolo Efren, ang Zamboangueňong beterano, sa kaniyang huling karera sa Regatta. May mga binata at matatandang lalaking lahok din na dumayo pa mula sa mga kalapit na lalawigan gaya ng Zamboanga Sibugay, Tawi-Tawi at Sulu. Lahat sila, kabilang na ang aking Amà ay may iisa layunin lamang sa isipan, at ito ay ang manalo.

Bago nagsimula ang Regatta ay naghatid muna ang binatang alkalde ng ciudad ng isang maikling talumpati, pahapyaw niyang ipinaliwanag ang kahalagan ng kulturang ito at ang mga positibong hatid nito sa turismo. Sa dulong bahagi ng kaniyang talumpati ay pinasalamatan niya ang lahat ng mga bangkerong lumahok sa taong ito. Matapos ang talumpati ay inanunsiyo ng tapagdaloy ang mga premyong nakaatang sa mga magwawagi ng una, ikalawa at ikatlong puwesto: P50,000 para sa unang puwesto, P30,000 para sa ikalawa at P20,000 para sa ikatlo. Natuwa ako sa aking mga narinig. Kung tutuusin ay sobrang laki na ng kanilang mga papremyo ngayong taon para lamang sa isang simpleng karera ng mga maliliit na bangka. Ang mga halagang nabanggit, alin man doon, kung sakaling mapanalunan ay magiging malaking bagay na para sa amin ni Amà, sapat na upang makapagsimula sa buhay. Isang round lamang ang karera, simple lamang ang tuntunin, ang vintang unang makararating sa itinakdang Finish Line doon sa malayo ay ang magwawagi. Isang kilometro ang layo ng Finish Line sa dalampasigan. Binigyan lamang ang bangkero ng limang minuto upang ihanda ang kanilang mga vinta at ang kanilang mga sarili sa pag-uumpisa ng karera. Ikinabit na sa layag ng aming vinta ang aming numero, at ito ay bilang 7. Nilapitan ko si Amà at mahigpit siyang niyakap, ito’y tanda ng aking matibay na suporta sa kaniya.

Nakahilera na ang mga vinta sa dalampasigan. Nagbilang ang tagpagdaloy ng isa, dalawa, tatlo bilang hudyat. Narinig sa buong paligid ang malakas na pito na nangangahulugan “Go!” hudyat ng pag-uumpisa ng karera, naging mabilis ang paggaod ni Amà sa simula pa lang, buong lakas at walang pagod ang mababakas sa kaniyang mga kilos. Walang hinto. Gaod nang gaod. Hayun! Sigawan ang mga tao. Lumamang si Amà kay lolo Efren, walang kahirap-hirap niyang naunusan ang beteranong matanda. Nangunguna pa rin si Almasher sa unahan. Nangangalahati na ang layo nila patungong Finish Line. Nagpatuloy sa pagsigaw ang mga tao, mas lumalakas ang mga sigaw sa buong paligid. Sigi pa rin sa paggaod si Amà, buong lakas, namimintog ang kaniyang matitipunong braso sa pagpapakita ng kakaibang lakas, buong tapang na pinasumikapan na maunahan ang mga katunggali. Lumipas ang ilang minuto ay naunusan niya ang ilang binata at lalaking dayo ng ibang lalawigan. Mas lalo pang inigihan ni Amà ang paggaod, biglang lumakas ang ihip ng hangin na tila na tinutulungan siya nito. Pitong minuto pa ang lumipas at siya’y nasa likuran na ni Almasher na nangunguna, habang malayo naman ang kaniyang lamang sa pumapangatlo, mas nanabik ako – sigurado na ang maiuuwing premyo. Isang daang metro pa ang layo niya mula sa Finish Line ay napansin ng lahat ang biglang pagbagal ng paglalayag ni Almasher. Lumamang si Amà ng ilang dangkal sa kaniya, ngunit bigla rin nitong binilisan ang paggaod. Ilang sugundo pa ay pumantay na si Almasher kay Amà. Nanalangin ako sa Diyos ng mga oras na iyon, nanalangin ng taimtim, ipinikit ko na lamang ang aking mga mata, dumilim ang paligid sa aking pagpikit at umabot na nga sa sukdulan ang sigawan ng mga tao, konti nalang at Finish Line na nang biglang nagsalita ang tagapagdaloy, nasasabik rin ito at sinambit ang mga katagang “We have a new winner for this year’s Regatta de Zamboanga! Congratulations Vinta no.7”, iminulat ko ang aking mga mata at nakita ko ang sumisigaw at tumatangis kong Amà sa labis na galak na malayo. Lumundag ako sa kasiyahan. Ang unang panalo ni Amà.

Pagkarating ni Amà sa dalampasigan ng boulevard ay mahigpit ko siyang niyakap at sabay naming pinasalamatan ang Diyos ng langit sa napakalaking biyayang ito. Maraming tao ang nagsilapitan upang siya ay kamayan at batiin sa pagkapanalo. Umakyat si Amà sa entablado at nagagalak na tinanggap ang isang gintong medalya, maliit na plake at isang puting sobreng may halagang P50,000. Nakasimanggot naman na tinaggap ni Almasher ang medalyang pilak, plake at puting sobre nagtataglay rin ng malaking halaga.

Unti-unting nalagas ang kumpulan ng mga tao sa magulong boulevard, ang kaninang sigawan ay napalitan ng kahinahunan. Aming ibinilin ang vinta sa isang kakilalang lumahok rin sa Regatta. Sabay kaming naglakad ni Amà patungo sa magulong puweblo. Sa paglalayag ng aming mga hakbang ay taimtim naming inisip ang aming mga pangarap, ang aming pagsisimula sa buhay at ang mga planong isasakatuparan sa mga darating na araw. Masaya kaming naging bahagi ng kasaysayang ito. Ang hindi malilimutang Regattang iyon, kung saan ang dagat sa panandaliang panahon ay nabalot ng mga tila kulay bahagharing layag.

Umaalingawngaw ang ingay ng mga sasakyan sa matandang camino. At mula sa kung saan ay may isang batang lalaking badjao na kasing edad ko ang kumakaripas ng takbo papunta sa direksyon namin. Binangga nito si Amà at hinablot ang sobreng tangan na naglalaman ng malaking halaga. Nangibabaw sa buong paligid ang nagngangalit na tinig ng isang pinagtaksilan, hinabol ito ni Amà, kaunti nalang ang natitira niyang lakas at nakahanda siyang gamitin ang lahat ng ito. Ako rin ay tumakbo upang habulin ang pangahas na mandaragit. May narinig akong isang malakas na busina ng dyip, sumigaw ako ng buong lakas, “Amaaaaaaaaaaà!”. At buong kalupitang nahagip ang pagod na nilalang. Hindi ako makapaniwala sa bagay na aking nasaksihan, ang mapait na pangyayaring iyon ay hindi ko matanggap. Muling nabuo ang isang kumpulan, ngunit ngayon ay sa tabi na ng lumang camino. Wala akong nagawa kung hindi ang tumangis nang tumangis ng buong kapaitan. Ang kabangisang iyon, ang buong kalupitang iyon ay kasing saklap ng isang bangungot. Tunay ngang nakululumo ang tagpong iyon, wala akong nagawa, wala.

-Wakas-