Return to site

TINIG SA DILIM, TANGLAW NG BAYAN

ni: MARY GRACE BALBANIDA MEDINA

I

Sa pusod ng gabing nilamon ng takot,

May mga aninong nagkukubli sa likod ng poot;

ang katotohana'y pilit na iwinawaksi,

habang ang budhi'y unti-unting napapawi.

II

May mga matang umiiyak sa dilim,

mga bisig na nangangalay sa tahimik na daing;

mga pangarap na nilumot ng pangamba,

at mga tinig na inagawan ng saysay, sigla at saya.

III

Ngunit sa bawat salitang may dangal at diwa,

may liwanag na dahan-dahang sumisilip kapagdaka.

Ang wika'y hindi lamang himig ng dila,

ito'y apoy ng budhi, ilaw ng pag-asa at tanglaw ng madla.

IV

Sa bawat tinig na may tapang na binibigkas,

gumuguho ang pader ng kasinungalingan ng mga pantas.

Ang wikang tapat ay hindi natitinag at magagapi,

sapagkat katotohanan ang kanyang isinasagisag at ipinagpupunyagi.

V

Kapag ang bayan ay natutong mangusap,

hindi na kayang ikadena ang diwa at pangarap.

Kapag ang puso'y pinagbuklod ng wika at adhikang tapat

ang pagkakaisa'y nagiging lakas at kalasag na panapat.

VI

Hindi tabak ang may kayang humiwa sa tanikala,

kundi salitang may dangal, pag-asa at layuning tiyak.

Hindi sigaw ng galit ang daan sa tagumpay,

kundi tinig na marunong magmahal at lumaban nang may saysay.

VII

Kaya't itaas ang tinig, huwag hayaang magapi;

sa bawat salitang may pag-ibig, bayan ay mabubuong muli.

Magsisilbing tanglaw ang wika sa panahong naliligaw ng landas,

at gawing tulay ang tinig sa bawat pagharap sa magandang bukas.

VIII

Sapagkat ang wika’y ilaw na di mapaparam,

Tibok ng bayan, hiningang walang hanggan.

Sa sabayang tinig na pumapailanlang sa dilim,

Pag-asa’y sumisilang, katarungan ay tiyak na maningning!