Sa bawat salitang aking binibigkas,
Nais kong ihayag, pag-asa ay likas.
Hindi man ako ang pinakamalakas,
May tinig handang ipaglaban ang bukas.
Ang wika’y higit pa sa mga salita,
Ito ang tulay sa ating puso’t diwa.
Pag ginamit ito sa tamang layunin,
Nagiging sandigan ng bawat mithiin.
Hustisya ang pangarap ng mamamayan,
Di sa iilan kundi sa karamihan.
Pag katotohanan ang pinanghawakan,
Mas matatag, bansang kinabibilangan.
Hindi hadlang ang ating pagkakaiba,
Sapagkat ang ating diwa ay iisa
Sa pag-unawa’t paggalang nagsimula,
Pagkakaisang tunay na mahalaga.
Bilang guro, tungkulin kong gampanan
Sa salita at kilos maging huwaran
Maliit na hakbang, aking sisimulan,
Pagbabago para sa kinabukasan
Di kailangan ng sigaw upang marinig,
Kung puso'y tapat at layuni’y matuwid.
Bawat mabuting salitang sinasambit,
Pag-asa ay sumisibol sa paligid.
Pilipinas, minamahal kong tahanan
Tibay ng asal ang pangarap ng bayan
Kung magkakapit-bisig sa bawat laban,
Kinabukasan, ating masisilayan
Kaya't itataas ko ang aking tinig,
Sa wikang nagbubuklod ay may pag-ibig,
Hindi upang maghari, sa ating bansa
Kundi ang hustisya at pagkakaisa.