Return to site

MULA SA BULONG HANGGANG SIGAW

ni: CARENA EMMANUELLE S. BACANI

Boses mo, boses ko, gaano ba kalakas?

Ito ba ay pabulong? o isang pasigaw?

Kanila bang napapansin ang iyong dinaranas?

Baka sila ay bingi sa mga taong humihiyaw.

Isa akong bata na may boses para sa lahat.

Magsisilbing halimbawa sa bayan ay dapat.

Hindi man pansinin, lakas-loob kong imumulat.

Mga hinaing sa Inang Bayan, kailangang isiwalat.

Ako, ikaw, tayong lahat ay may karapaptan.

Maging boses ng bayan o sa pangkalahatan.

Kay dami ng kaguluhan at kasamaan.

Abang mamamayan, biktima ng karahasan.

Hindi mahalaga na bihasa sa dayuhang wika.

Upang ipagtanggol ang iba't ibang mukha.

Hustisya ba ang nais mo? Ito’y abot-tanaw na.

Dahil sa ating boses na may pagkakaisa.

Boses ng bayan sa makabagong henerasyon.

Buong akala ng iba, ito'y isang rebolusyon.

Hindi lang nila alam na ito'y mabilis na aksyon.

Hustisya at pagkakaisa, hindi isang imahinasyon.

Mahina man o malakas, boses mo’y maririnig.

Kung ang lahat ay taimtim na nagkakapit-bisig.

May iisang adhikain na sa bansa'y umiibig.

Walang imposible, katahimikan ay mananaig.

Kaya't aking dalangin sa poong maykapal.

Mga may utak ng karahasann ay maging banal.

Kapayapaan at hustisya sa bansa ay magtagal.

Tayo na boses ng bayan ay dapat ikarangal.