Maituturing bang makatwirang bansa ang hindi nakikinig sa boses ng madla?
Tunay nga bang may silbi ang mga pinunong hindi iniisip ang nakabubuti para sa nakararami?
Saan lulugar ang mga mamamayang naghahangad ng katarungan?
Sa mga makamundong bagay, tao'y nalulong,
Nilamon ng kasakiman, isipa'y nakakulong,
Kagustuha'y tingalain, kinalimutan ang nararapat gawin,
Paninindiga'y nawala, ambisyon ang ginawa.
Tinig na matagal nang nakakubli,
Wala ni isa ang nakatuklas nang madali,
Mga tengang bingi,
Hindi marinig ang hinaing ng marami.
Marami ang hinubog ng karanasan,
Di nagpatinag upang makamtan ang katarungan,
Patas na lumalaban, ngunit di nasisilayan,
Walang makapipigil sa tinig na gustong marinig.
Duminig sa tinig at hiling,
Kaalipustaha'y sugpuin,
Huwag dungisan ang mithiin,
Pagiging makatao ang pairalin.
Hindi pa huli para sa pagbabago,
Bumangon, ipakita ang tunay na Pilipino,
Huwag magpadala sa pagpapaikot ng gobyerno,
Tinig ang magsisilbing panlaban sa pang-aabuso.