Return to site

SINAG-LENTE

ni: ROXSANE R. ABAG, PhD

I

Noon, panulat ang tanglaw ng pangarap,

Sa papel isinilang ang tinig na mahirap;

Ngayon, lente ang hawak ng kabataan,

Upang ang dilim ay gawing kaliwanagan.

II

Hindi lamang mukha ang nahuhuli ng larawan,

Kundi buhay, kultura, at dangal ng bayan;

Sa bawat kuha, may kuwentong bumabangon,

May alaala ng lahing hindi nilalamon.

III

Sa mata ni Kara, ang totoo’y lumilinaw,

Mga tinig na tahimik ay muling umaalingawngaw;

Sa halimbawa ni Ate Lans, pag-asa’y nabubuhay,

Kabataang nangangarap na maglingkod nang tunay.

IV

Ang munting kamera’y hindi basta kagamitan,

Ito’y nagiging aklat ng puso at kamalayan;

Nagtuturo ng paggalang, malasakit, at dangal,

Sa kapwa, sa kultura, at bayang minamahal.

V

Sa mundong puno ng ingay at maling balita,

Ang lente’y dapat gabayan ng pusong may tiwala;

Hindi lahat ng sikat ay tunay na mahalaga,

Ang mahalaga’y katotohanang may pagpapala.

VI

Hindi dami ng “likes” ang sukatan ng tagumpay,

Kundi pusong nahipo at nabigyang-buhay;

Kapag ang likha’y may aral at paninindigan,

Nagiging sinag ito sa gitna ng sambayanan.

VII

Sa bawat bidyong may diwa at kaalaman,

May batang natututong magmahal sa bayan;

Mangarap, kumilos, tumindig, at lumaban,

Para sa bukas na may dangal at kapayapaan.

VIII

Kaya’t itaas ang lente, ipakita ang liwanag,

Ihayag ang mabuti, ang tunay, at marapat;

Sapagkat kabataang may Diyos, puso, at dangal,

Ang siyang Sinag-Lente ng Inang Bayang mahal.