Bansang sinilangan, sinisigaw ay katarungan
Mula Hilaga, Timog, Silangan, at Kanluran,
Mga suliranin ay bigyang lunas
Sa ngalan ng mas panatag na bukas.
Karapat-dapat pa bang maniwala?
Sa bawat pangakong binibitawan ng namamahala,
Na humahantong lamang sa kawalan,
Kung kaya’t bansa’y walang kaunlaran.
Bayang nahulog sa puwang na malalim,
Nais lisanin ang yugto ng dilim.
Mga latay at sugat ng kahapon,
Hangad, mapawi ang hapdi ng naging hamon.
Maghilom ang tiwalang nayanig
Ng bawat mapanlinlang na salitang lumupig.
Alisin ang dungis ng di-totoong pag-ibig
Sa lupa kung saan nakatindig.
Bawat tinig ay pundasyon ng pag-asa
Paggamit ng talino sa pagbuo ng bawat pyesa,
Pagkakaisa sa paghahangad ng pulidong gobernansiya,
Hawak-kamay na titindig para sa hustisiya.
Namumuo sa puso ang kagustuhan
Makamit ng bansang kinagisnan ang kaayusan,
Sa layuning damdamin ay tumahan
Sa pagnanais ng katarungan.
Kapit bisig nakatingalang titindig,
Katapangan mula sa puso ang mananaig.
Isisigaw ang bawat salitang hinabi
Ng mapagtanggol na mga labi.
Sabay ang bawat paghakbang,
Bawat mamamayan ay kabilang.
Ipapamalas ang nagkakaisang tinig
Upang sa huli’y hustisiya ang siyang mananaig.