Sa bayang ang dangal ay ipinagpapalit sa ngalan,
'Di sa isip na hinubog ng bait at karangalan;
Ang boto'y bihag ngayon ng huwad na kariktan,
Kaya ang Inang Bayan ay nakagapos sa kapighatian.
May gintong isip na nalilingid sa karimlan,
Pagkat ‘di hinahanap ang dunong kundi pangalan;
May tansong kumikislap sa mata ng sambayanan,
Ngunit sa upuan ng lingkod ay salat sa karangalan.
O Bayan kong hirang! Bakit ka nahihimbing?
Sa ugong ng palakpak na sa budhi'y dumidilim;
Ang luklukan ay laan sa pusong marangal,
Di sa pangalang bantog kundi sa may dangal.
Sapagkat ang boto'y binhing itinatanim,
Sa bukid ng bukas na ating aanihin;
Kung maling kamay ang siyang magdidilig,
Ang bunga ng bayan ay pait at panimdim.
Kapag ang mapag-imbot ang humawak sa kayamanan,
Na sa bayan ay laan at sa dukha'y kapalaran;
Ang gintong sa madla'y dapat maging kapakinabangan,
Ay nagiging handog lamang sa sariling kasakiman.
Ang tulay na tatawirin ng pag-asa ng bayan,
Ang paaralang santuwaryo ng dunong at isipan;
Sa kamay ng gahaman ay nagiging kayamanan,
Samantalang ang dukha'y gapos sa kahirapan.
‘Di sapat ang ngala'y itanghal ng sambayanan,
Kung ang budhi'y salat sa bait at karangalan;
Siyasatin ang budhi, ang gawa, at isipan—
Sapagkat sa isang balota nakataya ang sambayanan.
Ang palakpak ba'y magiging pakpak ng bayan,
Na mag-aangat sa bukas ng sambayanan?
Kapag nagkaisa ang tinig ng madla sa katotohanan,
Maging kapangyariha'y yuyuko sa batas at katarungan.