Sa isang maliit na dampa ay mabilis na tumakbo upang sumilong ang matalik na magkaibigan na sina Abuel at Akmad nang sila ay abutan ng malakas na ulan sa daan pauwi sa kanilang bahay. Sila ay tatlong taon ng magkasama sa kanilang pinapasukan na paaralan at pareho silang nasa ikasiyam na baitang. Si Akmad ay isang batang Maranao na piniling manirahan kasama ang kanyang Tiya Lena at Tiyo Ben na nag-alok ng tulong noong dumalaw sila sa kanila sa Lanao del Sur upang alamin ang kalagayan ng kanyang pamilya. Dahil sa kakapusan ng pera ay minabuti niyang doon lamang ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral ng sekondarya kahit masakit para sa kanya ang mawalay sa kanyang pamilya. Pagkagising sa umaga, siya ay nagwawalis ng kanilang munting bakuran, sumasalok ng tubig sa balon at tumutulong sa pagpapakain ng mga alagang baboy bago pumasok sa paaralan. Samantalang si Abuel ay isang batang palakaibigan, matalino, mapagmahal at matapat na anak ng kanyang mga magulang. Bilang sukli sa pagmamahal ng kanyang mga magulang ay nag-aaral siyang mabuti at laging ipinapakita ang kanyang katapatan sa lahat ng pagkakataon. Katulad ni Akmad dayo lamang din sila sa Batangas dahil isang enhinyero ang kanyang ama kung kaya’t kung saan may bagong proyekto ay doon nila pinipiling manirahan upang laging magkasama ang buong pamilya. Habang sila ay naghihintay sa pagtila ng ulan, masaya nilang ginugol ang mga sandali upang magkwentuhan tungkol sa kanilang mga karanasan sa buhay. Tinuruan ni Akmad si Abuel ng salitang Maranao at nagkwento tungkol sa mayamang kultura at tradisyon ng kanyang bayang sinilangan. Si Abuel naman ay tinuruan si Akmad ng wikang Ilocano at inisa-isa ang mga magagandang tanawin at pasyalan sa kanilang lugar. Magkaiba man ang kanilang kinagisnang tradisyon, kultura at etnisidad na kinabibilangan ay hindi ito naging hadlang sa kanilang magandang samahan at mabuting pakikitungo sa bawat isa. Kahit magkaiba sila ng lugar na pinanggalingan ay naipamalas nila ang tunay na diwa ng pagkakaibigan at pakikipagkapwa tao. Kahit minsan ay hindi sila nag-away o nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan kahit sa maliit na bagay. Nang tumila na ang malakas na ulan ay nagpasya na silang umuwi sa kanilang mga bahay. Bago sila naghiwalay niyaya ni Abuel si Akmad na maligo sa ilog kung wala siyang gagawin kinabukasan dahil wala naman silang pasok. Ang tagpong iyon ay isa sa napakasayang pagsasama nilang magkaibigan. Walang pagsidlan ang kanilang kasiyahan lalo pa at maraming tao sa ilog noong araw na iyon. Noong sila ay pauwi na ay napansin ni Akmad na tahimik ang kaibigan kung kaya tinanong nya ito kung may problema ba siya. Hindi agad sumagot si Abuel at humugot muna ito ng isang malalim na buntong hininga bago nagsalita. Malungkot niyang ibinalita sa kaibigan ang planong paglipat nila ng tirahan dahil may bagong proyekto ang kanyang ama at matatapos na ang kanilang ginagawa sa kasalukuyan. "Magkikita pa ba tayo?" ang tanong ni Akmad sa kaibigan. "Oo naman basta’t piliin mong maging tapat sa lahat ng pagkakataon magkikita pa rin tayo" ang wika ni Abuel sa kaibigan.
Lumipas ang mga araw at dumating na ang pagtatapos ng klase at tuluyan ng nagkahiwalay ang dalawang magkaibigan. Naging abala si Akmad sa pag-aaral, sumali siya sa mga paligsahan sa paaralan sa pagguhit at pagtula. Naging aktibo rin siya sa mga samahan sa paaralan at maging sa kanilang barangay na nagpapakita ng tunay na malasakit at pagkakaisa. Kinausap ni Akmad ang mga kabataang gumagawa ng bandalismo at kaguluhan sa kanilang lugar upang itigil ang ganitong mga gawain na hindi nakakabuti sa kanilang barangay. Nang makagpatapos siya ng sekondarya lumuwas siya sa Maynila upang doon ay maghanap ng trabaho at makatulong siya sa kanyang pamilya. Nang minsang pauwi na siya sa tinutuluyan niyang paupahang bahay ay naisip niyang magpalipas muna sandali sa isang parke nang napansin niya ang isang wallet sa malapit sa kanyang kinauupuan. Kaagad niyang pinulot iyon at binuksan. Nakita niya ang isang libong piso at isang ID ng isang lalaki sa loob kaya kaagad siyang nagpasya na isauli sa may-ari dahil may pangalan at address na nakalagay doon. Napag-alaman niya na malapit lamang ang tirahan ng may-ari sa kanyang tinutuluyan paupahang bahay kaya agad siyang nagtungo upang isauli ang wallet. Nagpasalamat si James kay Akmad sa pagkakasauli ng kanyang wallet at simula noon sila ay naging magkaibigan. Dahil sa pangungulila ni James sa kanyang pamilya dahil matagal na siyang hindi nakakauwi sa kanilang probinsya ay niyaya ni James ang bagong kaibigan na magbakasyon sa Laguna. Dahil long weekend naman kaya kaagad na nagpasya si Akmad na sumama sa kaibigan. Nang sila ay dumating sa bahay nina James ay napansin ni Akmad ang isang lalaking naglalaro ng basketball na pamilyar sa kanya mula sa kanyang kinatatayuan. Hindi siya makapaniwala sa kanyang nakikita dahil parang kilala niya ang lalaking naglalaro, "Abuel" ang nasambit niya sa sarili, nilapitan niya ang lalaki at hindi siya makapaniwala dahil hindi nga siya nagkamali, si Abuel nga iyon. Naalala niya ang sinabi ng kanyang matalik na kaibigan noon na basta’t piliin niyang maging tapat sa lahat ng pagkakataon ay magkikita pa rin sila. Naisip niya na tama ang kanyang naging desisyon na isauli ang wallet na kanyang napulot dahil iyon pala ang magiging susi ng muli nilang pagkikita ng kanyang matalik na kaibigan.