Return to site

ALFONSO, KAYGANDA MO

ni: HONORATA V. ALCEDO

Ganda ng Alfonso'y kabigha-bighani

Kadalagahan mo, hinulmang mayumi

Na sa bawat araw ay magiliw lagi

Kaya naman ika'y niyakap ng lahi

Ngiti ng bukirin na sadyang mahinhin

Tahimik mong lugar ay walang kahambing

Sa mabining alon ng tubig ay lalim

Ng pagmamahal mong dakila't butihin

Walang imik, banayad ka at payapa

Buhay mong lagi nang may aliw at diwa

Sa sinapupunan ng bayan at madla

Tanging ikaw lamang ang dinadakila

Magandang tanawin ay kawili wili

At dinarayo ng mga umuuwi

Mga kadalagahan ay mabibini

Bawat isa'y natatanggap ang papuri

Pagkaing mabibili'y masustansiya

Ating samahan pa ng pagtitiwala

Paggabay ng Diyos na siyang lumikha

Ang siyang bahala at pumipithaya

Halina na kayo at dito'y mamasyal

Nang maipagmalaki ang aming lugar

Ihayag ang nararamdaman sa lahat

Kung tama ba ang aking isiniwalat

Kaya pakinggan na ang tibok ng puso

Isang nagpaparahuyo ang Alfonso

Isama na ang pamilya at dumayo

Isaalang-alang ang pagkakasundo