Nagpupuyos ang damdaming pilit ikinukulong sa dibdib
at nais lunurin ng badyang pananahimik.
Ibubulong o isisigaw sa balintataw, o busalan na lang kaya
ang nguso ng asong ligaw laban sa rabis ng pagkairita,
o di kaya nama’y magbihis na parang tupa, busilak at kaiga-igaya
habang sa likod nama’y mistulang isang gutom na Hayina.
Alin ba ang mas makatarungang gawa, iyon bang
isabog ang katotohanan at kitlin ng talim ng dilang kinadena
ang presensiya ng kaluluwang pilit nagpapakadalubhasa
o tanggapin na lang ang pagod at bulag na sistema.
Pagod pero hindi patay, at patuloy na nakakaumay.
Kung ano ang mas makatarungang gawa, dapat ba ito’y himala.
Hindi mo mapipigilan ang tinig ng pagkayamot
Kahit na ibaon mo pa ang katawang pagal sa maghapong pagod
Manonoot sa kalamnan ang amoy ng mabahong kasinungalingan
na pinababanguhan ng mamahaling katiwalian
Kahit ano mang pilit itago sa libingan, aalingasaw ang amoy
ng hustisya at kasarimlan.
Huwag nang hintayin ang dulo ng walang hanggan
Kung ang ibig ay maituwid ang baluktot na isipan
Baluktot man ang kawayan, baluktot man ang daan
Hangga‘t prinsipyo at dignidad ang siyang pananghalian
Sa matuwid na landas ka pa rin makakaranas ng kabusugan.
Ipahayag na ang paniniwalang itinuro ng ating mga matatanda
Hindi ba’t kanilang tinuran na dapat maging matapang,
Maninidigan sa katotohanan kahit makipot ang daan
Sa tamang panuntunan tayo man ay iilan, ipaglaban ang tinig
ng iyong karapatan.
Sino ba ang hindi tututol sa mahinang ungol,
Sino ba ang walang pagkabahala sa ingay na walang taghol
Bawat nilalang sa sangkalupaan ay bingi na sa ingay ng katotohanan
Panahon na para isigaw ang silakbo ng damdaming hinubaran,
Suriin, kuwestyonin, dikta ng isip ay ipaglaban.
Hindi bukas, hindi rin sa makalawa ang pagsibol ng inaasam na hustisya.
Simulan natin sa panaghoy ng bawat isang bata.
Simulan natin sa bawat boses ng nawawalang tupa.
Pagkat kung hindi ngayon kailan pa kaya?
Huwag na nating hayaang maparam ang taghol tungo sa pagkakaisa.