Return to site

SINTANG WIKANG FILIPINO

ni: JONEL V. VICTORIA, PhD

Sintang Wikang Filipino!

Pakinggan puna ko

Matataas nating politiko

Wala ng pagpapahalaga sa iyo

Pagbabanta sa kapwa, puro panlilito

Sa bibig nila’y namumutawi kasiraan at pagkanulo

Bakit boses ng bayan

Sa ngayo’y inuuna ang sariling kapakanan?

Wala ng pag-amin sa ginawang kasalanan

Ginagamit na lebel ng wika’y masasalamin

Uri’ t antas, tila sa mangmang

Wala na ring kahihiyan!

Hindi ba’t wika ng Bayan

Sa simula’y nagbigay kasarinlan

Ipinapamalas ang pagmamahalan

Kaya nga madali mo napaibig

Pangulo buhat sa timog katagalugan

Pagkakaisa ang iyong hatid at tinig

Sintang Wikang Filipino!

Hatid mo’y demokrasya

Hindi pagbanta, pagmumura at pag-aalipusta

Ngunit, kahit di mo gusto, pipi ka na sa kolehiyo

Ganon din ang wikang sinuso!

Sa kabataan masisilayan ang epekto

O giliw naming kabataan

Huwag maging sutil!

Nasaan ang iyong pagpipigil?

Ilagay sa tamang lugar ang iyong gigil

Tamang wika sa social media piliin, huwag itigil

Pagmumura’y buhay ang kinikitil.

Pinahintulan, ginawang karaniwan

Mag salitang di angkop sa tainga ng kabataan

“Landi” “bembang” at “p-ina” ang sakit sa tainga!

Huwag ipangkomento sa social media

Di ba’t Wikang Filipino magalang at marespeto?

Sumasalamin din “po at opo” sa mga Filipino!

Kamay ng timbangan

Panatilihin sa panig ng katapatan

Sa mata ng kabataan, ilunan ang paggamit muli

Wikang Filipino na mapagkandili

Huwaran, may katarungan palagi at may disiplina

Upang bansa dahil sa kanyang wika, nagkakaunawaan, nagkakaisa.