“Tong. Tong. Tong.”
“Kling. Kling. Kling.”
“Boom. Boom. Boom.”
“Ting. Ting. Ting.”
Tanging tunog mula sa iba’t-ibang instrumento ang naririnig ng Punong Bayog mula sa nayon ng San-ga. Tuwang tuwa siyang nagmamasid sa mamamayang nagkakasiyahan sa Kanlurang bahagi ng nayon. Sa musikang naririnig ay nakikisabay ang puno sa pamamagitan ng pagsalpok-salpok ng kanyang mga sanga.
“Salamat Bathala, binigyan mo ako ng isang kakayahan. Nakalilikha ako ng kaaya-ayang melodiya gamit ang aking mga sanga.” manghang papuri ng puno.
Sa kabila ng kakayahang mayroon ang Punong Bayog ay nakararamdam ito ng pangungulila. Nag-iisa siya at walang makausap. Tanging pagmamasid sa paligid ang kanyang nagagawa sa buong maghapon. Minsan, pinagmamasdan niya ang mga nagliliparang mga ibon sa himpapawid. Nanunuod lamang siya sa mga tao sa di kalayuan habang nagsasayawan at nagaawitan.
“Buti pa sila laging may kasama. May makakausap at may kasiyahan.” malungkot na sambit ng puno sa sarili.
Isang araw habang nagpapahinga ang Punong Bayog ay nakarinig siya ng isang awitin mula sa isang mangangahoy. Bahagya din itong naupo sa lilim ng kanyang mga sanga at malalagong luntiang dahon.
“Ang galing.” galak na sambit ng puno.
Natakot ang mangangahoy.
“Sino ka? Bakit ka nagsasalita?” sunod-sunod na tanong nito.
“Ako ang Punong Bayog. Nagagalak akong makilala ka aking bagong kaibigan. Maaari ko bang malaman ang iyong pangalan?” nakangiting pahayag ng Punong Bayog.
“Ako si Tirso.”maikling sagot ng mangangahoy.
“Mahusay ka palang umawit Tirso.” saad ng puno.
“Talaga? Ikaw pa lamang ang nakaririnig ng aking awit. Nahihiya akong umawit sa harap ng mga tao.” tugon ni Tirso.
Gaya ng Punong Bayog ay likas na mahiyain si Tirso. May angking kakayahan din siyang itinatago.
“Sa susunod na buwan ay may gaganaping Pista ng San-ga. Layunin ng Pista na bigyang pugay ang kasaganaan, kasayahan, at pagkakaisa ng mga mamamayan ng San-ga at maging ang kultura nito. Gusto ko sanang sumali sa patimpalak kaso nahihiya naman ako.” malumanay na pagsasalaysay ni Tirso.
Nanumbalik ang sayang nararamdaman ng Punong Bayog dahil sa wakas ay may kaibigan na siya. Mayroon na rin siyang makakausap.
Nakaisip ng paraan ang Punong Bayog upang mahikayat ang kaibigan na lumahok sa patimpalak.
“Kaibigan, putulin mo ang aking mga sanga. Gawin mo itong hugis silindro. Pag-aralan mong mabuti ang mga ngalang pantono ng isang awitin. Saka mo pagsalpok salpukin ang aking mga sanga upang makabuo ka ng melodiya at ritmo.” utos ng Punong Bayog.
Sinunod ni Tirso ang mga bilin ng Punong Bayog. Nilagari at gumamit siya ng katam upang maging hugis silindrikong pahaba ang mga sanga ng Punong Bayog. Iniaayon niya ang mga kahoy sa nais na nota at tunog na malikha nito. Araw-araw ay nagsasanay rin siya kasama ang kanyang anak na si Tisoy.
“Tay, parang may kulang sa tono ng awitin kung isang pares ng kahoy lamang ang gagamitin.” banggit ni Tisoy sa ama.
“Oo nga anak. Kaya pala sintunado ang tunog na ating nalilikha.” sagot ni Tirso.
Kaya bumalik siya sa kaibigang puno.
“Kaibigang Bayog, tulungan mo ako. Maaari bang bigyan mo ako ng iyong mga sanga? Tila wala sa tono ang awitin na itatanghal namin sa pista kung isang pares ng kahoy lang ang aming gagamitin.” paliwanag ni Tirso.
Agad na pumayag ang Punong Bayog. Pinutol ni Tirso ang mga sanga ng puno.
Muling nakagawa ng isang pares ng kahoy na hugis silindro si Tirso. Hanggang sa nilapatan nila ng tono ang mga awiting bayan na iparirinig nila sa darating na Pista.
“Tay, maganda na ang melodiya ng gawa ninyong mga kahoy. Subalit parang masyado pong mahina. Mas mainam po siguro na damihan pa ang instrumentong gagamitin natin. Bumuo tayo ng isang pangkat na tutugtog ng mga instrumento.” pagbibigay ideya ni Tisoy.
Napaisip si Tirso. Muli ay bumalik siya sa kaibigang puno.
“Kaibigang Bayog, hihingi sana ulit ako ng iyong tulong. Maaari bang humingi akong muli ng iyong mga sanga? Nais ko sanang gumawa ng labindalawang pares ng mga kahoy upang makabuo ng mas malakas na tunog. Tiyak na marami ang makikinig at maaaliw sa musikang aming itatanghal sa pista.” paglalahad ni Tirso.
Sa pagiging matulungin ng Punong Bayog ay pinahintulutan niyang muli ang kaibigang si Tirso na putulin ang kanyang mga sanga. Nagpasalamat si Tirso sa kaibigang puno. Umuwi na siya ng bahay. Gumawa siya ng mga pares ng kahoy. Araw-araw ay nageensayo si Tirso kasama ang kanyang pangkat. Ang bawat miyembro ay mayroong hawak na tig-iisang pares ng mga kahoy. Tinugtog nila ang mga pares ng kahoy sa magkakaibang tiyempo o kumpas.
Sumapit na ang Pista ng San-ga. Naging makabuluhan ang pagdiriwang ng Pista. Tampok dito ang makukulay na kasuotan ng mga kalahok sa street dancing. Sabay-sabay nilang isinisigaw ang katagang “Viva El Cristo.” Sa larangan ng musika, lumahok si Tirso at ang kanyang pangkat. Naipamalas nila ang kanilang kakayahan ng may tiwala sa sarili.
Maluwag nilang hinawakan ang pares ng mga kahoy at bahagyang pinagsalpok salpok na nagbigay ng kaaya-ayang tunog. Maririnig sa kanilang presentasyon na may iba’t-ibang tono ito. Ang mga may hawak ng kahoy na may mahahabang sukat ay pinakamalagong ang nalilikha samantalang ang pinakamaikli na kahoy naman ang nagbibigay ng mataas na nota. Sinabayan pa nila ito ng pagkanta ng mga awiting bayan at katutubong awit ayon sa musikal na nota. Natuwa ang mga hurado sa kakaibang presentasyon ng pangkat. Sa pagtatapos ng paligsahan ay itinanghal silang kampeon.
Magtatakip silim na nang bumisita si Tirso sa Punong Bayog. Bitbit niya ang labindalawang pares ng mga kahoy. Nalungkot siya nang makita na nalalanta ang Kaibigang puno.
“Kaibigan, patawarin mo ako. Labis labis ang hiningi ko sa iyong tulong.” paghingi ng paumanhin ni Tirso.
Tanging paghikbi ang naitugon ng kaibigang puno. Kaya araw-araw, pumupunta siya sa Punong Bayog at dinidiligan ito. Bumalik ito sa dating sigla. Napaluha ng maliliit na binhi ang puno.
“Itanim mo ito kaibigan upang dumami ang aking lahi.” pakiusap ng Punong Bayog.
Sinunod ni Tirso ang habilin ng Kaibigang Puno. Mas lalong napamahal ang Punong Bayog kay Tirso dahil sa sakripisyo at pag-aalaga nito sa kanya.
“Kaibigang Bayog, iniaalay ko sa iyo at kay Bathala ang pagkapanalo namin sa paligsahan. Ibabalik ko sa iyo itong labindalawang pares ng mga kahoy.” maluha-luhang sabi ni Tirso.
“Kaibigan, iyan ay handog ko sa kabutihan mong taglay. Gamitin mo iyan. Linangin mo ang iyong kakayahan. Basbasan nawa iyan ni Bathala.” sagot ng Punong Bayog.
Napayakap si Tirso sa kaibigang puno.
“Ibabahagi ko rin ito sa aking kapwa, Kaibigan. Maraming salamat.” tugon ni Tirso.
Nasaksihan ni Bathala ang nangyari. Binasbasan niya ang mga pares ng kahoy. Lumutang ang mga ito sa hangin at nagningning.
“Maraming salamat Bathala. Dininig mo ang aking hiling.” pahayag ng Punong Bayog.
“Kahoy na nakalutang!” gilalas na sambit ni Tirso.
“Tawagin natin itong…”
“Kalutang!” sabay na sabi ng magkaibigan.
Simula noon, ginamit ni Tirso at ng kanyang pangkat ang kalutang. Ipinakilala ito sa buong nayon bilang isang instrumentong pangmusika na hugis silindro. Ang instrumento ay ginamit ng mga mamamayan sa pagdiriwang ng Pista at ng iba’t-iba pang okasyon. Ang kalutang ay tinutugtog maging sa putong bilang pagtanggap sa mga panauhin sa nayon. Naging bahagi na rin ito ng kultura, tradisyon at identidad ng mga taga-San-ga. Tinangkilik ito ng mga tao at pinagyaman hanggang sa kasalukuyan.