Return to site

WALONG SINAG: SA PAGSIKAT NG PAG-ASA

ni: RODORA MITRA PEREZ

Poot…poot…potopotopoot… pandesal... bonete...

Sa piling ng bawat agos ng umaga sa baryo ng San Jose, laging naroroon ang musika ng kariton tunog ng panibagong pag-asa.

Sa bawat busina ng magpapandesal, tila sinisigaw ng lansangan: "Gising, bayan! Panahon na muli ng pagkilos!"

Mabillis na bumangon mula sa higaan si Teresa upang maghanda para sa pagpasok sa eskwela. Ang pot pot na busina ng magpapadesal ang kanyang nagsisilbing dispertador tuwing umaga.

"Teresa bilisan mo. Bawal mahuli sa pagpasok" Panay ang imik ni Tere na tila animo’y sumasagot ang anino sa sarili. Nakasanayan na ni Teresa na kausapin ang sarili sa tuwing may ginagawa siya. Motibasyon niya iyon upang palakasin ang loob sa lahat ng kanyang gagawin

“O, heto na naman ako…” bulong ni Tere sa sarili habang naglalakad patungo sa eskwelahan. Bitbit ang kanyang lumang bag na may palamuting sinulid ng bayanihan festival ng kanilang barangay — alaala ng mga panahong kahit abala, sumasayaw pa rin siya sa pandanggo tuwing Buwan ng Wika.

Ang pawis sa noo ay hindi alintana, mas mahalaga ang misyon: ituwid ang landas ng kabataan para sa bayan.

Ang kanyang eskwelahan ay di-malayo sa palengke, barangay hall, at lumang simbahan. Sa pader ng paaralan, may mural ng watawat ng Pilipinas na gawa ng mga dating estudyante. Sa paligid, may haligi ng mga tanim na gumamela at santan, simbolo ng pagkabata at kasaysayan.

Si Teresa Mapalad Magdiwang, mas kilala sa tawag na Titser Tere, isang batikang guro sa Paaralang Elementarya ng Balibago sa bayan ng San Jose. Mahigit dalawampung taon na siyang nagtuturo sa ika-6 na baitang, at sa loob ng mga taon ay naging haligi na siya ng paaralan. Hindi lang bilang guro kundi bilang pangalawang magulang ng kanyang mga mag-aaral.

Palabiro at may likas na karisma si Titser Tere sa loob ng silid-aralan. Mahilig siyang magpatawa at magkuwento, kaya’t hindi nakapagtatakang malapit sa kanya ang mga bata. Isa sa kanyang mga kinagawian ay ang pagtawag sa mga estudyante bilang kumare at kumpare, isang paraang bukod-tangi niyang istilo upang mapalapit sa mga bata at makilala sila nang mas malalim.

Papasok si Titser Tere sa silid-aralan….

May bitbit na bag at hawak ang kanyang talaan. Makikita ang ilang estudyante na abala sa kanya-kanyang ginagawa. May mga nagkukuwentuhan, may naglilinis at may tulog pa sa mesa.

“Kumare Ella,” tawag ni Titser Tere, “babae ka pa naman, baka makalimutan mo ang asal ng dalagang Pilipina , ha? Marunong makinig, hindi lang magkwento!”

“Ay patawad po Ma’am! Pakakababaeng asal po, pangako!” sabay tawa ni Ella.

“At ikaw, kumpare Mando! Di ka na naman natulog? Hala, kung gusto mong maging manlalaro ng PBA , dapat may disiplina ka rin gaya ng mga bayani — may tapang pero may respeto.”

"Natapos po kasi yung laro gabing-gabi na. Talo pa 'yung grupo ko." Saad ni Mando na napakamot sa ulo.

Lumapit naman si Titser Tere sa isa pang estudyante na naglilinis ng sahig. "Kumare Nora! Aba, mas masipag ka pa sa dyanitor natin ha!

"Hindi po, Ma'am! Nagboluntaryo lang po ako kasi ang kalat ng upuan ko!"Ani ni Nora

"Ayos yan, Mare! Bibigyan kita ng isang libreng yakap mamaya. Sagot ni Titser Tere kay Nora

Sa halip na makipagkuwentuhan sa kanyang mga kapwa guro tuwing oras ng pamamahinga mas pinipili ni Titser Tere na makisama at makipag-usap sa kanyang mga estudyante. Interesado siyang marinig ang kanilang mga kuwento. Mga simpleng pangyayari sa kanilang araw-araw na buhay, pangarap, at maging ang kanilang mga problema.

Tuwing tanghalian, makikita siya sa ilalim ng punong mangga sa likod ng silid-aralan, na nakaupo sa tabi ng kanyang mga estudyante.

"O, Mare, anong baon mo riyan? Parang amoy adobo ah!" pabirong sabi ni Titser Tere habang nakangiti. Tuwang-tuwa naman ang mga bata dahil pakiramdam nila, isa lang siya sa kanila.

Minsan, napansin niyang tila matamlay si Leonora, isang tahimik ngunit masipag na bata. Sa halip na pagsabihan, lumapit si Titser Tere at marahang tinanong,

"Kumare, bakit parang hindi masaya ang awra mo ngayon? Gusto mo bang magkuwento kay Tere?" Doon nagsimulang mabuksan ang loob ni Leonora at unti-unting nailabas ang pinagdaraanan niya problema sa bahay.

Kay Titser Tere, ang pakikinig ay kasinghalaga ng isang matagumpay na pagtuturo.

Sa loob ng paaralan...

Matamang pinagmamasdan ni Titser Tere ang kanyang mga estudyante habang abala ang mga ito sa paglilinis ng silid-aralan. Ang ilan ay seryosong nagwawalis, nag-aayos ng upuan, nagpupunas ng lamesa, habang may ilan namang tahimik lang sa isang sulok, nagkukuwentuhan, nagtatawanan at may mga pasimpleng nang-aasar.

“Haay…” Napabuntong-hininga si Titser Tere, sabay iling habang ang mga mata ay nakatuon sa walong estudyante na madalas niyang binabantayan nang mas mahigpit.

“May araw na naman ako sa mga suki kong ito,” bulong ni Titser Tere sa sarili.

Isang umaga sa loob ng paaralan….

"Isa na namang araw… Isa na namang labanan."

"Kaya ko pa ba?" Tumigil at sumandal si Titser Tere sa harap ng pinto. Malalim ang kanyang buntong-hininga. Umalingawngaw pa ang malalakas na boses sa loob.

“Banoy... Banoy!” tawag ni Pando habang bitbit ang isang timba ng tubig. “Halika, tulungan mo kaming magpunas ng sahig. Malapit nang dumating si Titser Tere, tiyak matutuwa 'yon pag nakita tayong masisipag!”

“Oo nga,” sabat ni Manolo habang pasimpleng nagtataas-baba ng kilay. “Baka mapalibre pa sa kantina, ‘di ba, kumpare?”

“Sigurado yan, matutuwa pa si mam Elena,” ani ni Pando

“Ubos ang paninda” sabay-sabay na imik ng tatlong magkakaibigan at nag-apiran ng mga kamay.

Napangiti si Banoy at agad tumulong, pero hindi rin napigilan ang kakulitan nilang magkakaibigan. Habang nagpupunas ng sahig, may ibinulong si Manolo kay Pando, saka sila sabay-sabay na humalakhak. Lihim pala nilang nilagyan ng basang basahan ang bandang pintuan, isang patibong na inaabangan nilang may matapilok.

Ilang sandali pa, isang malakas na sigaw ang gumulantang sa buong silid:

“Araaay! Nabali ata ang tadyang ko! Grabe kayooo! tatlong kalbo!” sigaw ni Angelika habang sapo ang balakang at pilit na itinatayo ang sarili.

Nagulat si Titser Tere at mabilis na lumapit. “Ana, anong

nangyari?”

“Sina Pando, Banoy at Manolo po! Pinagtatawanan po nila ako! Nadulas po ako sa basahan na inilagay nila sa may pinto!”

“Ana, nadulas? Diyos ko naman, mga anak!” bulalas ni Titser Tere.

“Sinong bayani ang nagtulak sa kapwa niya sa kasamaan? Hindi tayo Katipunero kung hindi tayo marunong magmahal sa isa’t isa!”

Mabilis na nilingon ni Titser Tere ang tatlong binatilyo. “Pareng Pando, Pareng Banoy, Pareng Manolo... Ano na naman ito? Ilang beses ko bang sasabihin na ang kasiyahan ay hindi dapat sa kapahamakan ng iba?”

Tahimik ang tatlo na animo’y di makapisang ipis, nakatungo at kamot-kamot ang ulo. Parang biglang lumiit ang mga katawan nila sa ilalim ng tingin ni Titser Tere.

“P-patawad po, Titser Tere…” sabay-sabay na bulong ng tatlo.

“Patawad rin, Ana… hindi na mauulit…” sabay-sabay na humingi ng tawad ang tatlong may sala, habang pilit na kinukubli ang pag-aalala na baka tawagin ang kanilang mga magulang.

Ngunit hindi pa man tuluyang naaayos ang gulo, biglang dumating si Mariya, humihingal at halatang nagmamadali.

“Titser Tere!” sigaw niya, “Yung limang kaklase ko, may kaaway na naman po sa Baitang lima! Ayun po sila sa likod ng silid-agham!”

Napahawak si Titser Tere sa kanyang noo, tila ba nawalan ng lakas ang tuhod.

Hindi na kailangang itanong kung sino ang tinutukoy. Siguradong sina Pipoy, Jose, Andres, at Ronilo na naman. Ang limang magkakabarkadang halos araw-araw ay may bagong pakulo.

“Eto na naman po tayo,” bulong niya habang papalapit sa bagong eksena ng kalokohan.

Simula na ng klase..

Habang nagsisimula ang klase at nag-uumpisang magtulungan ang mga bata sa paglilinis, hindi mawawala ang mga kalokohan nina Ronilo, Jose, at Andres. Si Ronilo, na laging puno ng ideya, ay unang nagtakda ng misteryosong laro. Nagtatago siya ng bunot sa loob ng bag ng mga kaklase, kaya’t isang malaking paghahanap ang naganap sa buong klase. Lahat sila ay naghahalungkat, at sa bawat takaw-pansin na tawanan, may kasamang pag-aalangan na baka ang bunot ay nasa sa kanilang bag.

"Ronilo, anu'ng ginagawa mo?" tanong ni Jose, habang binubuksan ang bag ni Andres at iniiwasang magtawanan.

"Shhh! Huwag kayong maingay," sagot ni Ronilo, sabay turo sa bag ni Ella. "Nandiyan ang bunot, sigurado ako!"

"Sinong naglagay ng bunot sa bag ko!" sigaw ni Elyang na nagsimulang umiyak.

"Ba-bakit niyo ginawa iyon, Ronilo?" sabi niyang umiiyak. "Ginulo niyo ang mga gamit ko!"

Napansin ito ni Titser Tere at agad na lumapit. "Ronilo, ano ang nangyari?" tanong niya ng mahinahon, ngunit may kasamang pag-aalala sa boses.

"Po, Titser, naglalaro lang po kami.." sagot ni Ronilo, medyo nag-aalangan.

"Si Elyang po, hindi siya makahanap ng bunot, kaya po..." dagdag ni Jose, sabay kalabit kay Ronilo.

"Tumigil na kayo sa paglalaro. Mahalaga ang pagkakaibigan, at kahit sa maliliit na bagay, mahalaga ang respeto sa mga nararamdaman ng bawat isa."Paala-ala ni Titser Tere

"Paumanhin, Janella, Hindi ko sinasadya" wika ni Ronilo ng taos-puso.

Sa kabilang linya naman ay abala si Jose sa pagtatali ng bag sa silya habang hindi pa sila nakakaupo. Sinisigurado niyang hindi makakalipat ang bag ng kanyang mga kaibigan. Samantalang si Andres, na hindi mahilig tumahimik, ay abala sa pagbubuhol ng sintas ng sapatos ng iba.

Habang nag-aayos ang mga bata sa kanilang mga gamit, si Pipoy at Lando, na parehong mahilig magbiro, ay may sariling paraan ng pagpapatawa. Napansin ni Lando ang bagong sapatos ni Jose na nagniningning sa ilalim ng mesa.

"Teka, Pipoy! Bago ang sapatos ni Jose!" sabi ni Lando na nagbabalak ng kalokohan.

"Binyagan na yan!" sagot ni Pipoy na may kasamang malutong na tawa.Pagkatapos, mabilis nilang tinapakan ang sapatos ni Jose ng sabay.

"Binyagan na, Jose! Wala nang lusot, bago na!” sigaw ni Lando habang tumatawa silang pareho.

"Oy! Bakit niyo tinapakan ang sapatos ko?!" Nagulat na napasigaw si Jose

"Eh, ganyan talaga, Jose," sagot ni Pipoy, sabay taas ng kamay bilang tanda ng pagkatalo. "Basta't bago, kailangan ng binyag!"

Nagkatingin sa kanila si Titser Tere at nginitian sila, ngunit nakita niyang hindi ito nakatulong sa kanilang pagkatuto.

"Huwag kang mag-alala, Jose," sabi ni Titser Tere. "masarap nga naman sa pakiramdam pag ‘bininyagan’ ang mga bagong sapatos."

Habang tinitingnan ni Titser Tere ang mga bata, nagpatawa si Pipoy at Lando ng isang huling biro. "Titser, paano po kung tapakan namin ang sapatos niyo? Binyagan na rin kaya?"

"Siguradong binyagan din," sagot ni Titser Tere na may halong biro at pagkukunwari ng seryoso. "Pero 'wag na, baka magalit pa ako!"

Habang natapos na ang kalokohan at ang mga bata ay nagsimulang magtulungan sa paglilinis, napansin ni Titser Tere ang nangyaring insidente kay Ella. Alam niyang hindi sinasadya ni Ronilo, ngunit nagpasya siyang kailangan nilang matutunan ang tunay na kahulugan ng respeto at malasakit. Hindi na siya nakapagpigil at nagdesisyon na kausapin ang walong bata ng sarilinan.

"Mga anak, kayong walo, sumunod kayo sa akin," utos ni Titser Tere ng may matinding tono sa boses.

Dahil sa tono ni Titser Tere, nagkaroon ng kaba ang mga bata. Sila’y naglakad patungo sa isang sulok ng klase, at doon nagsimula ang seryosong pag-uusap.

"Ronilo, Jose, Andres, kayong tatlo," simula ni Titser Tere habang nakatingin sa kanilang tatlo na may galit na mata.

"Nagpapatawa kayo sa klase, pero ang nangyari kay Janella, hindi ko yun matanggap. Hindi ninyo ba naisip kung anong epekto ng mga kalokohan ninyo sa mga kaklase niyo?" Sunod na wika ni Titser Tere

Si Andres, na abala sa pagbubuhol ng sintas ng sapatos ng iba, ay hindi nakatakas sa pagtingin ni Titser Tere. "Andres, ikaw, nakikialam ka rin sa mga bagay na wala namang kinalaman sa iyo. Hindi lahat ng bagay ay biro."

Ang mga bata ay tahimik, hindi alam kung paano sisimulan ang kanilang sagot.

"Titser, hindi po namin sinasadya..." tugon ni Ronilo, pero hindi ito napigilan ni Titser Tere.

"Huwag kayong magtago sa mga salitang 'hindi sinasadya,' Ronilo. Wala sa inyo ang nagpakita ng malasakit kay Ella. Habang kayo ay naglalaro, hindi niyo ba naisip kung ano ang kanyang mararamdaman?" tanong ni Titser Tere na puno ng kalungkutan at galit.

Si Jose,ay nagsimulang magsalita. "Po, patawad po, Titser. Hindi po namin iniisip na magiging ganoon po ang mangyayari."

"Ako rin po, patawad po," sabi ni Andres, na sa wakas ay tumigil sa pagbubuhol ng sintas ng sapatos.

"Alam ko na hindi ninyo sinasadya," sagot ni Titser Tere, ngunit may seryosong tinig. "Ngunit kailangan niyong matutunan kung paano maging responsable sa bawat kilos at salita. Hindi lang kayo ang apektado sa bawat aksyon niyo. Lahat tayo ay may responsibilidad sa bawat isa.”

Tinigil ni Titser Tere ang usapan, ngunit bago sila maghiwalay, nagbigay siya ng huling paalala. "Ang mga ganitong bagay ay hindi natututo sa isang araw lamang, ngunit sana’y maging aral ito sa inyo. Ang mga kalokohan ay may hangganan, at dapat nating laging isaisip ang nararamdaman ng iba."

Sa loob ng Silid-Gabay…

Tahimik ngunit matatag ang loob ni Titser Tere habang binabaybay ang pasilyo patungo sa silid-gabay. Buo na ang kanyang pasya. Hindi na sapat ang paulit-ulit na pagsaway at pangaral. Panahon na para pakinggan at unawain ang mas malalim na dahilan sa likod ng paulit-ulit na kapilyuhan ng kanyang walong mag-aaral.

Nang makapasok sa silid, pinaupo niya sina Pando, Banoy, Manolo, Pipoy, Lando, Jose, Andres, at Ronilo. Ang inaasahan nilang sermon ay napalitan ng katahimikan. Walang galit sa mukha ni Titser Tere, bagkus, isa-isa niya silang nilapitan, niyakap ng magaan, at tinapik ang mga balikat na tila sinasabing, “Nandito ako. Ligtas kayo rito.”

Pagkatapos, kinuha niya ang ilang papel at ballpen mula sa tukador at isa-isang iniabot sa kanila.

“May dalawa lamang akong tanong para sa inyo,” wika niya, mahinahon ngunit puno ng damdamin. “Hindi niyo kailangang ipakita ang sagot sa inyong katabi. Sagutin n'yo ito nang tapat, para sa sarili n’yo, hindi para sa akin. May sampung minuto kayo. Naiintindihan ba?”

Sabay-sabay na tango ang isinagot ng mga bata, bagama’t halata ang kaba at pagkalito sa kanilang mga mukha. Iniwan ni Titser Tere ang mga tanong na ito sa pisara:

1. Kumusta ka? 2. Sabihin mo ang totoo.

Habang nagsusulat ang mga bata, pinili ni Titser Tere na buksan ang maliit na radyo sa sulok ng silid. Sa mahinang tunog, tumugtog ang isang matandang awitin. Isang paalala ng kabutihang-asal at tila kwento ng batang naging huwaran.

“Ang mabait na bata, Kay gandang pagmasdan,

Sinusunod na lagi, utos ng magulang.

Payo ng magulang ay pinakikinggan…

Yan ang batang mabait, nararapat na parisan…

…Di sinungaling kaya siya’y ating parisan.”

Tahimik ang silid, maliban sa tunog ng ballpen sa papel at ang musika ng alaala. Isa-isa, matapos ang itinakdang oras, iniabot ng mga bata ang kanilang papel. Walang imikan. Walang pilitan. Tanging katahimikan ng paglalantad ng mga damdaming matagal nang ikinukubli.

Mag-isa sa dulo ng mesa, binasa ni Titser Tere ang kanilang mga sagot. At habang lumilipat siya ng pahina, unti-unti ring nabubuo sa kanyang puso ang mas malalim na pagkaunawa. Ang kapilyuhan ay madalas maskara lamang ng mga batang may mabibigat na dinadala.

May isang sagot na tumimo sa kanya:

“Okay lang po ako, pero sana hindi na ako pinapalo ni Papa kapag umiiyak ako.”

Isa pa:

“Masaya po ako sa school kasi dito ako nakakakain ng maayos.”

At isa pa:

“Hindi ko po alam kung ano ang pakiramdam ng may magulang na nagtatanong kung kumusta ka.”

Napahawak si Titser Tere sa kanyang dibdib. Ang kanyang mata, na dati’y nanlalaki tuwing may kalokohang ginagawa ang mga bata, ngayo’y namumuo sa luha, hindi ng galit, kundi ng habag.

Unang Liham: Si Pando

Maingat na binuklat ni Titser Tere ang unang papel. Doon ay nakasulat ang marahang pahayag ni Pando. Ang batang palaging bungisngis at mapagpatawa sa klase.

“Pitong taon po ako noong maghiwalay ang aking mga magulang. Tanging si Lola Osyang po ang nag-aalaga sa akin. Pero si Lola po ay laging galit, mainitin ang ulo. Madalas po niya akong pagsabihan ng masasakit na salita at parusahan kahit sa maliit kong pagkakamali. Wala pong pumupuri sa akin o nagtuturo ng tama. Hindi ko po alam kung ano ang halaga ng pag-aaral kung wala namang gumagabay sa akin. Sana po may nanay ako na magsasabing ‘Kaya mo 'yan, anak.”

Napakapit sa dibdib si Titser Tere. Muli niyang binasa ang huling linya“Sana po may nanay ako...”at doon niya tuluyang naunawaan: si Pando ay hindi makulit kundi uhaw sa pag-aaruga.

“Hindi sapat ang pangaral... kailangan niya ng puso. Kailangan niya ng taong maniniwala sa kanya,” bulong niya sa sarili.

Ikalawang Liham: Si Banoy

Sunod niyang binuksan ang papel ni Banoy,ang batang madalas ay nasa silid-gabay kaysa sa silid-aralan, laging may reklamo ang mga guro, at tila walang pakialam sa leksyon.

“Pang-siyam po ako sa labing-dalawang magkakapatid. Sa bahay po namin, ang sigawan ay parang normal na musika. Ang tatay ko po ay lasenggero at walang pakialam sa amin. Si nanay naman, sugarol. Inuubos niya ang pera sa sugal kaysa sa pagkain. Natuto na po akong tiisin ang gutom at manahimik. Dahil doon, natuto na rin akong makipag-away. Hindi ako gumagawa ng takdang aralin, at wala akong pakialam kung pagalitan ako.

Sabi po ng dati kong guro: 'Wala kang mararating.' Eh ano naman po? Kahit anong gawin ko, wala naman ding nagbabago. Pare-pareho lang ang kahihinatnan, isang kahig, isang tuka.”

Napapikit si Titser Tere, hindi na niya napigilan ang pagbagsak ng luha. Sa bawat salita ni Ivano, parang pinupunit ang isang bahagi ng kanyang puso. Pagtanggap ang bumalot sa kanyang damdamin.

“Patawad, Banoy.. kung naging isa rin ako sa mga gurong humusga sa’yo.”

Pagputol ng sandali…..

Teng... Teng... Teng... Teng...

Biglang tumunog ang kampana. Hudyat ng pagtatapos ng recess. Napatingin si Titser Tere sa orasan. Napabuntong-hininga siya, mahigpit na hawak ang mga sulat.

“Tapos na pala ang oras ng pahinga,” mahina niyang bulong. “Mamaya ko na lang ipagpapatuloy ang pagbasa... o iuuwi ko na lang sa bahay.”

Maingat niyang inilagay ang mga liham sa isang malaking sobre na para bang ito’y isang kayamanang hindi basta-bastang isinisilid.

Sa loob ng tahanan…

Gabi na sa tahanan ni Titser Tere. Tahimik ang paligid, tanging tunog ng kuliglig, yayay at mahinang hampas ng hangin sa bintana ang maririnig. Nakaupo siya sa kanyang lumang silya, may tasa ng kape sa isang tabi, at hawak-hawak ang sobre ng mga liham ng kanyang walong estudyante.

“Sige, Tere. Tapusin mo na ito. Kailangan ka nila,” wika niya sa sarili, bago marahang binuksan muli ang sobre.

Ikatlong Liham: Manuel

Binuklat niya ang sulat ni Manolo ang batang mahilig magbiro at laging nasa likod ng masasayang ingay sa klase.

“Hindi ko po alam kung paano sabihin ‘to… pero madalas po akong nag-iisa sa bahay. OFW po ang nanay ko at hindi ko na po nakasama ang tatay ko mula bata ako. Si tita po ang nag-aalaga sa akin, pero palaging wala dahil may trabaho. Kaya po minsan, nagpapatawa ako para mapansin. Ayokong nakatayo lang ako sa gilid, gusto ko may nakakausap ako kahit sandali. Minsan po, gusto ko lang marinig na, ‘Manolo, andito lang ako.”

Napahigpit ang hawak ni Titser Tere sa papel. Huminga siya ng malalim at bumulong:

“Kaya pala laging masayahin… ang hindi alam ng iba, iyon ang panangga niya.”

Ikaapat na Liham: Si Pipoy

Kilala si Pipoy bilang ang pinakamaangas at laging may reklamo—lalo na sa mahahabang aralin. Ngunit habang binabasa ni Titser Tere ang sulat niya, unti-unting nabura ang mga dating pagkakakilala sa kanya.

“Titser… sana hindi kayo magalit. Pero hindi ko po talaga gusto ang eskwela. Kasi po, kada uwi ko, ako ang inaasahan sa lahat ng gawaing bahay. Ako ang mag-aalaga sa dalawang kapatid kong maliit, ako ang magluluto, ako ang tagaigib. Kapag hindi ko nagawa, sinisigawan ako ni Papa. Para po bang, kahit gusto ko matuto, wala akong karapatang pagurin ang sarili ko sa paaralan kasi mas kailangan ako sa bahay.”

Tumulo ang luha ni Titser Tere sa papel.

“Pipoy…” bulong ni Titser Tere na parang kaharap niya si Pipoy, “sa klase ko, may karapatan kang mapagod. May karapatan kang mangarap.”

Ikalimang Liham: Si Lando

Tahimik si Lando sa klase, ngunit may mga pagkakataong pasimpleng nang-aasar at nagpapasaway. Ngayon, nalaman ni Titser Tere kung saan nanggagaling ang pag-uugaling iyon.

“Ma’am, patawad po kung minsan parang wala akong pakialam. Kasi po, simula po nang mamatay ang nanay ko, para bang… wala na rin akong gana sa kahit ano. Wala pong araw na hindi ko siya naiisip. Minsan nga po naiisip kong sana kunin na rin ako ng Diyos para makasama ko na siya. Pero lagi kong iniisip, baka may dahilan pa kung bakit ako nabubuhay. Baka po kayo ‘yung sagot doon.”

Halos hindi na niya mabasa ang dulo ng sulat dahil sa pagluha. Nilagay niya sandali sa dibdib ang liham ni Lando.

“Minsan, isang ngiti lang pala ang kailangan para maipaalam sa batang tulad ni Lando… na mahalaga siya,” wika ni Titser Tere

Ikaanim na Liham: Si Jose

Si Jose ay kilala sa pagiging ‘pasimuno ng ingay’, ngunit sa kanyang sulat ay nakita ni Titser Tere ang di-inaasahang lalim.

“Alam niyo po, Titser, galit ako sa ate ko. Araw-araw niya po akong sinasaktan, pinapagalitan. Mahina nga po kasi ang ulo ko, lalo na sa pagbasa. Lahat po ng ingay sa bahay namin, puro mura, puro iyakan. Kaya po siguro maingay ako sa eskwela, para hindi ko marinig yung mga tunog sa bahay. Para makalimot kahit sandali.”

Napalunok si Titser Tere, nanginginig ang kamay habang binabasa.

“Patawad, anak. Hindi ko alam… pero ngayon, alam ko na. At hindi ko ito isasantabi.”

(Biglang may naalala si Titser Tere)

Isang araw, habang pinapagawa niya ang kanyang klase ng sanaysay tungkol sa "Aking Pamilya", napansin niya na walang naisulat si Jose.

“Nahihirapan ka ba sa pagsusulat?” tanong ni Titser Tere

Tumingin lamang si Jose sa kanya at bahagyang tumango.

“Hindi ko po alam kung paano ko isusulat… wala naman po akong madalas na kasama sa bahay.” Sagot ni Jose

Dahan-dahang umupo si Titse Tere sa tabi niya.

“Sige, ikuwento mo na lang sa akin.”Ani ni Titser Tere

“Si Ate po ang nag-aalaga sa amin. Pareho pong nagtatrabaho sina mama at tatay ko. Si mama ko po ay namasukang tagapag-alaga ng bata sa ibang lugar. Si tatay naman po ay magtatabas ng damo. Si ate ko na lang po ang nag-aasikaso sakin pero may sarili na rin po siyang pamilya.” Mabagal ngunit puno ng damdamin ang mga salitang binitiwan ni Jose

“Kaya ka pala ganyan,Jose.” Ani ni Titser Tere sa sarili

Ikapitong Liham: Si Andres

Tahimik, pero misteryoso. Laging nasa sulok si Andres. Ngayon ay unti-unting nabuksan ang kanyang mundo sa mata ng kanyang guro.

“Hindi ko po alam kung bakit ako nandito. Pakiramdam ko wala akong silbi. Palagi po akong ikinukumpara sa kuya ko, magaling, matalino, at masunurin. Ako po? Palpak sa lahat. Minsan iniisip ko na lang po na baka wala akong kwenta. Pero sa inyo lang po ako nakarinig ng salitang ‘kaya mo ‘yan, Andres.’ Kaya po ako nagsimulang makinig sa inyo. Sana po totoo ‘yon.”

Napangiti ng malungkot si Titser Tere, sabay bulong,

“Totoo ‘yon, anak. Higit pa roon. Kaya mo higit sa inaakala mo.”

Ikawalong Liham: Si Ronilo

Si Ronilo, na laging tila galit sa mundo, ay tila ba tinanggal ang kanyang maskara sa liham na ito.

“Titser… ako po ‘yung tipo ng batang walang tiwala sa kahit sino. Lahat po ng taong pinaniwalaan ko, iniwan ako. Pati nanay at tatay ko. Iniwan ako sa asawa ng kapatid ko na sinasaktan ako kapag lasing. Kaya po galit ako. Kaya ayoko ng mapalapit sa iba. Pero minsan po, kapag tinatawag niyo akong ‘anak’ o ‘pareng Ronilo’—parang gusto ko kayong paniwalaan. Sana po, huwag niyo akong iiwan.”

At doon, tuluyan nang bumigay si Titser Tere. Ni hindi niya na tinangkang pigilan ang pag-agos ng luha. Habang pinagmamasdan ang mga liham sa kanyang mesa, isang bagong damdamin ang bumalot kay Titser Tere.

“Bukas, hindi lang ako papasok bilang guro. Papasok akong may misyon, ang gawing tahanan ang silid-aralan.” Bulong ng isip ni Titser Tere

Makaraan ang Sabado at Linggo…

Maagang pumasok sa paaralan si Ginang Teresa. Wala pa man ang unang kampana, nandoon na siya at nakaupo sa kanyang mesa, bitbit ang pag-asa.

Tahimik na pumasok ang walong batang kanyang nakausap. Wala na ang dating ingay, asaran, at tampuhan. Sa halip, may mga dalang gamit, bitbit ang saya at bagong sigla. Isa-isa silang lumapit kay Titser Tere.

"Ma’am, ako na po ang mag-aayos ng bulletin board." Mabilis na sabi ni Pando

"Ako po ‘yung sa paglilista ng napasok at pagpapatahimik ng klase." Mariing sabi ni Jose

"Ma’am, pwede po bang ako ang bahala sa paghahanda ng materyales para sa pangkatang gawain natin mamaya?" Tanong na may pakiusap ni Andres

Isa-isa silang binigyan ni Titser Tere ng papel na gagampanan. Hindi lamang bilang mga lider sa klase, kundi bilang mga batang may halaga, may kakayahan, at higit sa lahat, may tiwala ang kanilang sarili at guro.

Simula noon, naging maaga na ang pagdating ng walong bata. Abala sila sa kanilang mga gawain, masigasig, nakangiti, at may bagong tapang sa mata.

Sa Kantina…

Sa di kalayuan, tahimik na pinagmamasdan ni Titser Tere ang kanyang "walong sinag."

"Haay... Kumusta ka, Tere? Kaya mo pa ba? ‘Yung totoo?" tanong ni mam Elena sa kanya.

"Oo naman. Kayang-kaya pa. Kapag pagod na, tumigil ka lang sandali, huminga... pero huwag kang susuko." Nakangiting tugon ni Titser Tere.

Sa puso niya, nakaukit na ang isang pangako. Hindi niya iiwan ang walong bata. Isang kaagapay sa laban ng buhay Ang walong sinag ng araw ng kanyang silid-aralan. Katulad ng mga bayaning lumaban para sa kalayaan, sila ay mga batang kailangang lumaban para sa kanilang kinabukasan.

Sa Entablado…

May kaluskos at kasiyahan sa paligid. May nag-aayos ng ilaw, may bumubulong ng huling instruksyon. Nasa gitna si Titser Tere, dala ang kanyang , lapisaan, nakangiti at abala.

“Aba, aba! Heto na ang aking mga mumunting bituin! Kumpare Pando, ayan na naman ang obra mo! Hala, ganda! Pwede na tayong magbenta ng tiket sa museo”

“Hehe, Ma’am, pinaghirapan ko po talaga ’to. Lahat po tayo nandito… parang isang pamilya.” Ipinagmamalaking lahad ni Pando.

“Ganyan ang gusto ko sayo, Kumpareng Pando, puno ng puso at kulay!

Sabay tapik sa balikat ni Pando.

“O siya, Kumpareng Banoy, handa na ba ang boses ng pangarap? Tanong ni Titser Tere.

“May kaunti pa rin pong kaba, Ma’am. Pero naaalala ko po 'yung sabi niyo... "Kapag ang puso ang kumanta, hindi kailanman papalya." Sabi ni Banoy na malalim ang buntong-hinga.

“Eksakto! Kaya ngayon, kantahin mo ’yan na parang inaabot mo ang bituin!.” Muling tugon ni Titser kay Banoy.

“Ay naku, si Kumpare Ronilo! Parang may iniiyakan. Tula na naman ba ’yan na pangpunit ng puso?” Tanong niya kay Ronilo

“Ma’am, tungkol po ito sa pagkakaibigan at pagtayo kahit ilang beses madapa. Sa totoo lang, kayo po inspirasyon ko rito.” Nakangiting tugon ni Ronilo

“Hala, iiyak ako niyan, anak. Sige, lakasan ang loob, magtiwala sa sarili.” Ani ni Titser Tere habang tinatapik sa balikat.

“Aba, si Kumpareng Pipoy! Anong dala mo riyan? Pang-konstruksyon o pang-inspirasyon?” Nakangiting tanong ni Titser Tere.

“Pang-inspirasyon po, Ma’am. Gusto ko pong ipakita kung paanong nagbago ang pananaw ko dahil po sa inyo at sa pamilya ko.” Masayang sagot ni Pipoy

“Kumpareng Jose, aba’t hawak na ang mikropono” Kumukurap-kurap ang mga mata ni Titser Tere.

“Ngayon po, Ma’am... ako na ang makikinig sa iba. At magsasalita rin para sa kanila.” Sabi ni Jose.

“Tama ’yan. Salita mong may saysay, puso mong may malasakit!”

(Sunod kay Lando, nag-eensayo ng tula.)

“Ay, Kumpareng Lando! Pandaigdigang tula ba ’yan?

“Hehe, Ma’am, sana po magustuhan niyo. Tungkol po ito sa tapang at pagbabago.” Masayang tugon ni Lando.

“Tapang ang bitbit mo, anak. Kaya mo ’yan!” sagot ni Titser Tere

(Tumingin si Titser Tere kay Andres na nakasuot ng pangtanghal para sa dula)

“Kumpareng Andres, mukhang direktor ah. Anong tagpo iyan?”

“Dula po tungkol sa pagtanggap. Dati po, nahirapan akong tanggapin ang sarili ko.” Madamdaming sagot ni Andres.

“Kahanga-hanga, anak. Ikaw ang patunay na sa pagkakaiba, may ganda!” Ani ni Titser Tere.

(Huling lumapit kay Manolo, hawak ang kanyang liriko.)

“At syempre, ang hari ng kantahan, Kumpare Manolo! Ilalabas mo na ba ang baraha ng pag-asa?”pabirong sabi ni Titser Tere

“Opo, Ma’am. Para ito sa mga batang katulad ko na natutong maniwala muli sa sarili.” Pagmamalaking tugon ni Manolo

“Boom! Yan ang kanta na tatagos sa puso! Handa na mga anak!” sigaw ni Titser Tere sa lahat.

Nagkatinginan ang buong klase, sabay-sabay na nagtaas ng kamay sa hudyat ng pagkakaisa.

“Para kay Titser Tere! Para sa lahat ng nagtiwala sa amin!”Sigaw ng buong klase

“Mga anak, salamat at pinagkatiwalaan ninyo ako. Kayo ang liwanag ng kinabukasan.” Wika ni Titser Tere sa sarili habang pinapanood ang mga bata.

Makalipas ang maraming taon…

Isang umaga sa Balibago Elementary School, habang abala si Ginang Teresa Mapalad-Magdiwang sa pag-aayos ng mga modyul, plano ng aralin, at tunghayan sa pagtuturo para sa panibagong taon ng klase, ay may marahang kumatok sa pintuan ng kanyang silid-aralan.

Tok! Tok! Tok!

"Pasensya na po, andito po ba si Ginang Teresa Mapalad-Magdiwang?"

Mula sa pintuan, isang binatang lalaki ang nakatayo, maaliwalas ang mukha, at may dalang supot ng pandesal mula sa lokal na panaderya at isang takuri ng mainit na kapeng barako.

Nag-angat ng tingin si Tere, pansamantalang huminto sa pagsusulat ng modyul tungkol sa Pagmamahal sa Bayan at Kalikasan.

"Oo, ako iyon. Ikaw ba ang bagong guro na itatalaga sa ikaanim na baitang?" tanong niya, halos hindi makilala ang anyo ng panauhin.

Ngumiti ang binata, lumapit, at magalang na nagmano sa kanyang guro, isang kaugalian na unti-unti nang nawawala sa makabagong henerasyon.

"Ma’am... ako po si Banoy. Isa po ako sa walong bata na minsang inalagaan at minahal ninyo."

Nanlaki ang mga mata ni Titser Tere. Nanatili siyang tahimik habang unti-unting lumalapit sa kanya ang isang piraso ng kanyang nakaraan, ngayo'y buhay, lumalakad, at taas-noo sa kanyang harapan.

"Ngayon po... ako na rin po ay magiging guro dito. Dito rin po mismo kung saan ako unang natutong mangarap. At ma’am, gusto ko pong magpasalamat. Kung hindi po kayo naniwala sa akin, baka hindi ko na rin po nakita ang halaga ng sarili ko."

Hindi na napigilan ni Titser Tere ang kanyang luha. Napangiti siya habang pinagmamasdan si Banoy, ang batang minsang matigas ang ulo, ngayo’y punong-puno ng layunin at pag-asa.

"Salamat, Banoy," wika niyang marahang hinaplos ang balikat ng binata.

"Ngayon, ikaw naman ang magiging sinag ng araw para sa iba."

Sa sandaling iyon, sa gitna ng amoy ng bagong imprentang papel, kapeng barako, at panibagong simula, muling nabuhay ang mga alaala ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika, ang pagkanta ng “Bahay Kubo” habang nagtatanim sa gulayan ng paaralan, at ang pagsasayaw ng tinikling sa pista ng barangay.

Sa kanyang puso, naalala niya ang walong sinag—ang mga batang minsang naligaw, ngunit natutong tumindig. At ngayon, sila'y muling nagbabalik, dala ang panibagong ilaw para sa bayan.

Ang guro ay hindi lamang nagtuturo. Siya'y ilaw, gabay, at tagapagdala ng pag-asa. Isang tagapagtanglaw na isinasabuhay ang kultura, tradisyon, at dangal ng pagiging Pilipino.