Return to site

SI AMAN SINAYA, SI MUTYA MALINDIG AT ANG TATLONG HARI

ni: SUSIANE DOLLETE MEDINA

Sa gitna ng Look ng Tayabas, at sa gawing Timog ng Dagat Sibuyan ay may matatagpuang hugis pusong Isla. Ito ay ang Isla ng Marinduque. Sagana ang isla sa mga likas na yaman. Payapa at malinis ito dahil sa pangangalaga ng isang dalaga na kung tawagin ng Katagalugan ay Mutya Malindig.

Si Mutya Malindig ay mabait at masipag na dilag. Tahimik siya ngunit mapagbigay sa sinumang mapadako sa kanyang Isla. Isang araw may tatlong galyon ang dumaong sa isla.

“Binibini, maaari bang tumuloy sa inyong Isla? Pagod at gutom ang aking mga kasama dahil sa malayong paglalakbay.”pagpapaliwanag ng pinuno ng ikatlong galyon.

Marahang tumango ang dalaga at bahagyang ngumiti sa pinunong si Baltazar. Magalang ding nakiusap ang ikalawang pinuno ng galyon na si Melchor.

Mainit silang tinanggap ng dalaga sa isla. Sa kabilang banda ay may isang walang modong pinuno ang suminghal sa kanyang mga kasamahan.

“Ibaba mo ang mga lubid. Hindi ba’t sinabi ko sa iyo kanina na igapos mo ang mga iyan sa puno ng niyog?” pagalit na tanong ng pinunong si Gaspar.

Sasagot pa sana ang isa sa mga nakasakay sa galyon nang biglang makita ang nakaambang palasan ni Gaspar. Nakita ng mga pinuno at ni Mutya Malindig ang tinuran ni Gaspar. Tila wala lang sa mga ito ang nangyari. Animo’y kilalang kilala na nina Melchor at Baltazar ang matapang na si Gaspar. Kagalakan ang ang nadarama ni Mutya Malindig sa Isla mula nang dumating ang tatlong pinuno.

“Mag-ingat ka! Hindi lahat ng nakakasalamuha mo ay tunay ang pakikisama sa iyo.” Payo ng Diwata ng Karagatan na si Aman Sinaya.

“Ina, natutuwa po ako. Hindi na ako mababagot dito sa isla. May mga kasama na ako sa araw-araw.” Sagot ng dalaga.

“Pero hindi mo naman masasabi kung magtatagal ba sila dito. Malay mo kaya napadaong ang mga iyan dahil may intensyon sila sa isla o sa iyo.” Paliwanag ni Aman Sinaya.

Katahimikan ang nangibabaw sa mag-ina. Napaisip bigla si Mutya Malindig.

“Paano kung totoo ang nasambit ni Inay? Pero paano naman kung mabuti ang layunin ng tatlong pinuno?” Ito ang mga bumabagabag sa isipan ng dalaga.

Maya-maya’y nakarinig ng yabag ang mag-ina sa di kalayuan. Agad na bumalik sa karagatan si Aman Sinaya.

“Mutya Malindig, tila malalim ang iyong iniisip. Mayroon ka bang dinaramdam?” tanong ni Baltazar.

Umiling iling ang dalaga at ngumiti ito sa binata. Sa paglisan ng mga araw, napalapit ang loob ni Baltazar sa dalaga. Gayundin ang nararamdaman ng dalaga sa pinuno. Subalit lingid sa kaalaman ng dalawa ay palihim na may nararamdamang panibugho sina Melchor at Gaspar. Lubos rin na nagtiwala si Mutya Malindig sa mga ito.

Isang gabi, nagkasiyahan ang tatlong pinuno at ang mga kasama nitong manlalakbay. Inanyayahan ng mga pinuno si Mutya Malindig sa kanilang munting piging. Nagsiawitan at nagsayawan silang lahat. Namangha ang lahat nang marinig ang handog na awit ng dalaga. Napakagandang pakinggan, sa lamyos ng kanyang tinig ay agad na nakatulog ang mga manlalakbay.

Gising pa ang tatlong pinuno nang matapos ni Mutya Malindig ang kanyang awitin. Sabay-sabay na nagsipalakpakan sina Gaspar, Melchor at Baltazar. Subalit tanging kay Baltazar lamang nakatuon ang pansin ng dalaga. Nanaghili si Melchor subalit nagpupuyos sa galit si Gaspar. Humupa ang mga negatibong damdamin ang dalawang pinuno nang pasalamatan sila ng mahusay na dilag. Napalitan ng kuwentuhan ang sayawan.

“Paano ka nabubuhay ng mag-isa dito sa Isla?” mausisang tanong ni Melchor sa dalaga.

“Inaalagaan ko ang mga likas na yaman ng isla. Ginagamit ko ito nang naaayon sa aking pangangailangan.” Tugon ni Mutya Malindig.

“Ano ang hiwagang mayroon sa Islang ito Mutya Malindig? Paano ito naging sagana sa mga likas na yaman?” sunod-sunod na tanong ng usiserong si Gaspar.

Dahil sa kaibigang maituturing na ni Mutya Malindig ang mga pinuno, dinala niya ito sa pinakamataas na bahagi ng Isla. Makikita dito ang tatlong nagsisilakihang mga bato. Hinawakan ni Mutya Malindig ang nasa gitnang bato. Bumukas ito kasabay ang pagbungad ng nangniningning na gintong baka.

“Matagal na panahon na itong tinatago ng aking mga ninuno. Ako ang ginawa nilang tagapangalaga ng tanging yaman ng isla.” Sambit ng dalaga.

“Totoo pala ang gintong baka.” Bulalas ni Gaspar.

Walang masambit na salita sina Melchor at Baltazar. Mangha mangha sila sa kanilang nakita.

“Ito ang nagsisilbing susi upang mapangalagaan ang Isla ng Marinduque. Dito nagmumula ang kasaganaan ng isla. Bawat hiling o nanaisin ko ay agad nitong tutuparin.” Pagpapaliwanag ni Mutya Malindig sa mga pinuno.

Matapos ang kuwentuhan ay bumalik na sa mga galyon ang tatlong pinuno. Naiwan si Mutya Malindig sa dalampasigan.

“Nagtiwala ka agad Mutya Malindig! Palagi kitang pinaaalahanan na huwag agad magtitiwala sa mga iyan!” galit na sambit ni Aman Sinaya.

Hindi makasagot ang dilag. Tahimik lamang ito sa isang tabi.

“Dahil sa ginawa mo, hahatulan kita ng isang parusa. Parusang iyong pagsisisihan.” Mariing wika ng ina.

“Pero ina, mga kaibigan ko po sila.” Paunawa ng dalaga sa ina.

“Tingnan natin kung hanggang saan kayo susukatin ng pagkakaibigan na iyan. Bilang parusa sa pagkakabunyag ng ating lihim, ikaw ay magiging matayog na isang anyong lupa na may bunganga na siyang magbubuga ng kumukulong putik. Sasabog ka kung aabot na sa sukdulan ang lahat. At mananatili ka sa islang ito habangbuhay.” sambit ni Aman Sinaya.

“Para sa iyong mga kaibigan, papatawan ko rin sila ng isang kabayaran sa magagawa nilang pagkakamali sa Islang ito.” Dagdag pa nito.

Muling bumalik sa ilalim ng karagatan si Aman Sinaya. Takot ang naramdaman ng dalaga sa naging banta ng ina. Kaya agad na nagbabala siya sa tatlong pinuno. Sa kabilang banda, lubos ang kanyang pag-aalala sa iniirog na si Baltazar.

Naniwala si Baltazar sa dalaga. Sakay ng galyon ay maluha-luha siyang nagpaalam sa dalaga. Iniisip rin ni Baltazar ang kanyang mga kasamahan dahil sa may naiwan din itong mga pamilya sa kanilang kaharian. Samantalang, nanatili sina Melchor at Gaspar sa Isla.

“Pangako, babalik ako aking Mutya Malindig.” Pahayag nito.

Mabigat man sa dibdib ay nilisan niya ang isla. Walang ideya ang pinunong si Baltazar sa ginawa ng kapatid na si Melchor ng gabing iyon. Iniutos niya sa mga manlalakbay na lagyan ng butas ang ilalim ng galyon ni Baltazar. Kaya sa gitna ng paglalakbay ay rumagasa ang tubig sa galyong sinasakyan ng pinuno. Kasabay ang hampas ng mga alon at malakas na hangin ay lumubog ang galyon. Walang nakaligtas sa nangyari. Nakarating ang malungkot na balita sa dilag na si Mutya Malindig.

Nagngingitngit ang dilag nang malaman din niya na plano ni Melchor ang nangyari. Nagbitaw siya ng salitang kakila-kilabot kay Melchor. Sa takot ni Melchor ay pinaghanda niya ang mga kasamahan upang lisanin ang isla. Imbis na paghingi ng paumanhin ang gawin ay tumakas sila.

Sa kaibuturan ng puso ni Mutya Malindig ay sumabog siya. Tunay ang tinuran ni Aman Sinaya. Mula sa kinatatayuan ng dalaga ay sumibol ang isang mataas na anyong lupa na nagbuga ng mainit at kumukulong putik. Dali-dali itong lumabas sa bunganga at tila hinahabol nito ang galyong sinasakyan ni Melchor. Hindi nakaligtas si Melchor at ang kanyang mga kasamahan. Nilusaw nito ng nagbabagang putik. Nang makapaghiganti na si Mutya Malindig ay biglang tumigil na ito sa pagalboroto. Kaya’t humiling ang dalaga sa gintong baka na manatili lamang na isang anyong lupa. Hiniling rin niya na payapang manirahan sa isla gaya ng pinataw sa kanya ng ina. Mapalad na nakaligtas si Gaspar at ang kanyang mga kasamahan. Laking pasasalamat nito sa gintong baka dahil sa kaligtasan nila. Naging masaya si Gaspar dahil sa wakas ay magaganap na ang kanyang binabalak sa isla ng walang makakapigil dito. Lulan ng galyon ay dinala nila ang gintong baka. Nagdilim ang buong isla at natuyo ang kapaligiran. Maya’t maya ang hiling ni Gaspar sa gintong baka.

“Gintong baka, bigyan mo kami ng masasarap ng pagkain.” Wika ni Gaspar.

Sa isang kisap mata, nakahain na sa mesa ang mga pagkain. Tanging si Gaspar lamang ang kumain ng mga ito habang kumakalam ang tiyan ng mga kasamahan.

“Bigyan mo naman ako ng ginto at pilak, mga antigong gamit tulad ng kubyertos, pinggan at mga banga na may lamang alak.” Hiling ni Gaspar.

Masayang masaya siya dahil ngayon lamang siya nakakita ng ganung karami na kayamanan.

“Teka, gintong baka dagdagan mo pa ng mga ginto ang aking galyon. Kung maaari punuin mo ito.” Sigaw ni Gaspar habang humahalakhak.

Nagsimulang lumakas ang ihip ng hangin at ang mga alon. Nagalit si Aman Sinaya sa tinuran ni Gaspar. Patuloy pa rin ito sa paghingi ng mga ginto sa gintong baka. Hindi kinaya ng galyon ang bigat ng mga materyal na hiling ni Gaspar. Kaya nasira ang galyon. Lumubog ito sa karagatan. Agad na kinuha ni Aman Sinaya ang gintong baka at ibinalik sa isla. Muling nagliwanag ang Isla. Nagbalik ito sa dati nitong sigla.

Makalipas ang ilang daang taon, sa kinatatayuan na kung saan lumubog ang mga galyon ay lumitaw ang tatlong isla. Ipinangalan ito sa tatlong pinuno na sina Gaspar, Melchor at Baltazar. Kapansin pansin din sa isla ang matarik at magandang anyong lupa. Dahil sa ganda nitong taglay ay tinawag itong Mutya Malindig bilang ala-ala sa dalaga. Mula rin noon ay hindi na muling nagpakita pa si Aman Sinaya. Nanatili siya sa ilalim ng karagatan habang binabantayan ang kanyang mutyang anak sa Isla ng Marinduque.