Return to site

HIBLA

ni: MA. FAITH O. MALON

Sa kailaliman nitong wika,

May lakas na 'di nakikita-

Pahiwatig sa pahiwatig,

Umaalpas, malalim ang tinig.

Sa kailaliman ng ating dila,

May himig ng pagkakaisa.

Bulong sa bulong

Buhay at ‘di nakakulong.

Sa mga sandaling tayo’y nagkakawatak,

Wika ay tulay na sa'tin ay nakayakap.

Sa sandaling tayo’y naliligaw,

Nagsisilbing lakas, gabay at ilaw.

Sa labirinto ng ating pagkakakilanlan,

Wika ang sinulid ng ating kinabukasan

Bawat hibla't habi ay paalala-

Na tayo’y iisa, sa gitna ng pagkakaiba.

Ang bawat sugat ng nakaraan,

Ay nakasulat sa wikang ‘di lumilisan.

Puno ng aral,

Puno ng bayanihan.

Ang pagtuklas sa ating wika,

Ay pagtuklas din ng pagiging makabansa.

Sa bawat himig, salita’t pahayag—

Kwento ng bayanihan namamayagpag.