Return to site

SA WIKA, NAGKAKAPIT-BISIG ANG BAYAN

ni: MARICHO SUN P. LLABRES

Sa Masbate ako unang namulat,

Sa hanging may ginhawa, sa wika ng dagat,

Bikol ang tinig na sa puso’y gumuhit,

Ngunit sa Filipino, diwa’y sumambit.

Ang wika sa amin ay parang lambat,

Hawak ng bawat kamay sa panghuhuli ng pangarap.

Sa bawat hibla'y may kwento ng lahi,

Na pinagdurugtong ng dangal at puri.

Kahit iba-iba ang bigkas at tono,

Ang puso’y iisa sa bawat Pilipino.

Katutubong tinig ay parang alon,

Na sabay-sabay sa iisang direksyong baon.

Sa silid-aralan, ako’y tagapag-alaga,

Ng wikang sa bata’y nagbibigay sigla.

Itinuturo ko hindi lang salita,

Kundi ang kultura’t aral ng pagkakaisa.

Ang wika’y ilawan sa gabi ng duda,

Gabing madilim, ngunit may pag-asa.

Kung sama-sama tayong hawak-kamay,

Tiyak, ang bayan ay hindi mawawalay.

Bayanihan sa wika, hindi lang kilos,

Ito’y pag-unawa sa puso ng bawat sulok.

Sa salita’t gawa ay may pagkalinga,

Na nagsusulong ng diwang dakila.

Tulad ng bangkang sabay-sabay sinasagwan,

Lahat ay may papel sa iisang layunan.

Kung wikang sarili'y ating alagaan,

Matibay ang tulay sa pag-unlad ng bayan.

Kaya’t ako’y guro, tagapagdala ng apoy,

Sa wikang Filipino, ako’y umaasa’t nagpupugay.

Sama-sama, kahit anong kulay,

Sa wika, ang bansa’y lalong tumitibay.