Sa aking pagtahak sa landas ng pamumuno sa edukasyon, dinala ako ng kapalaran sa Barangay Paiisa – isang maliit ngunit papaunlad na barangay sa Bayan ng Tiaong, probinsiya ng Quezon. Dito ako itinalaga bilang Punong-guro.
Sa unang pagdapo pa lamang ng aking mga mata sa paligid, dama ko agad ang bulong ng hangin na sumasalubong sa mga bagong dumadating, na para bang nagsasabing, “Maligayang pagdating”. Sa unang pagtingin ko sa kanilang paaralan at sa mga mata ng mga batang puno ng pangarap, naisip ko, “ito na marahil ang simula ng isang kwento - kwento ng pangarap, pag-asa, pagbabago at buhay na ilalaan ko hindi lamang para sa akin, kundi higit para rin sa kanila”.
Sa mabilis na pag-inog ng panahon, maya-maya pa ay isang taon na din akong kinukupkop ng Paaralang Elementarya ng Paiisa. Marami-rami na ding nakasalamuha na mga guro, magulang, bata, kawani at lahat na katuwang ng paaralan. Hunyo noon, magaan at masaya ang aking pakiramdam, at isa sa mga ordinaryong araw sa paaralan nang pagdiskubre at pagkilala sa bawat sulok nito, ng mistulang may isang bagay na nakapukaw ng aking pansin. Isang kakaibang puno na may katamtaman lamang ang taas subalit hitik na hitik sa maliliit nitong bunga. May bungang kulay berde, kahel at pula. Daglian ko itong pinuntahan at sinuri ng malapitan ang mga sanga, dahon at mumunting bunga nito.
Lalong napukaw ang aking kuryosidad ng may narining akong nagwika, “Punong-guro, maari po bang huwag ninyong hahayaang mawala pa ang kaisa-isa na lamang na punong iyan na natitira dito sa ating barangay?”. “Yaan po ay naging bahagi ng aming kamusmusan at naging kanlungan sa mistulang sakit na dala ng kahirapan. Dahil po sa bunga niyan ay panandaliang napawi ang aming mga gutom at naging saksi din yan sa masasayang sandali ng aming paglalaro at tawanan noon”, dagdag pa niya. Kung kaya’t mula sa aking kinatatayuan ay dagli akong tumingin sa pinanggagalingan ng tinig at nakita ko ang maaliwalas na mukha ng lalaking nagwika. Siya ay si Nante, isa sa mga tatay ng isa naming mag-aaral at minsan na ding nanahan sa paaralang iyon nung kanyang kamusmusan. “Yan po ang tinatawag na puno ng Aserola, at maaari pong kainin ang bunga niyan” turan ni Nante habang papalapit sa akin at sa puno ng Aserola na malaon ko nang sinusuri ang mga bunga nito. Pumitas siya ng ilang piraso ng mga bunga, bahagyang ipinunas sa suot niyang baro at tinikman ang bungang pinitas at inalok ako kung nais ko ba daw itong tikman. Mistulang nagkaroon ako ng kagustuhan upang matuklasan ang lasa ng mga bungang ito kung kaya’t tinanggap ko, pinunasan at agad kong tinikman iyon. Hindi ko mailarawan ang kakaibang lasa ng mumunting bungang ito na tinatawag nilang Aserola. Magkahalong asim at tamis at maihahalintulad ko sa lasa ng mga dati ng prutas na aking natikman katulad ng sinegwelas, balimbing at parang natutulad din sa lasa ng kalamyas. Pagkatapos kong matikman ang bungang ito, may dalang kahandaan ng pakikinig, nababanaag ko sa mga mata ni Nante ang pagnanais na makapagbahagi ng kanyang natatanging karanasan nang pamamalagi sa paaralan, kung saan ay naging saksi at malaking bahagi ang punong tinuran.
May ngiti sa kanyang mga labi, habang namimilog ang kanyang mga mata ay kanyang winika, “noong una ay napakarami po ng ganyang puno dito sa loob ng paaralan at sa buong barangay”. “Naaalala ko pa po, nung panahon na hindi pa uso ang mga gadgyet at mga makabagong teknolohiya, ginugol namin sa napakasimple ngunit napakasayang panahon ang aming oras bilang mga bata at mag-aaral. Sa oras po ng recess, pagkabili ng ilang kakanin at tinapay o kaya naman ay makatapos ng aming panananghalian, sama-sama na kaming magkakaibigan sa pabilisan nang pagtakbo papunta sa puno ng Aserola. Kanya-kanya kami nang pag-akyat sa bawat sanga nito na hindi iniinda ang sakit sa binti nang pag-akyat, hindi alintana ang ilang galos na natatamo ng bawat braso namin at ang kahit na nga minsan ay may pangamba na maaari kaming mahulog dahil sa pagmamadali at tila ba pagkukumpetensya sa pangunguha ng mga bunga nito. Pinakamaraming makuha ng mga pinakamapupulang bunga ay siyang pinakamasaya at tunay na maituturing na pinakamapalad sa lahat. Sapagkat ito ay nangangahulugan na busog na naman kami at naitawid ang isa na namang araw na kung saan ay kulang ang nabili sa kantina ng paaralan para sa kumakalam naming mga tiyan. Ito ay dahil sa kukulangan ng perang ibibili o kaya naman ay hindi sapat ang ipinabaong pagkain ni nanay”. “Talaga Nante?”, ang tanong ko na tila gusto ko pang marinig ang karugtong ng kwento niya. Anu-ano pa nga ba ang maaari kong marinig na ibabahaging pangkaranasan nila dito sa paaralan na kaugnay ng punong Aserola.
“Ang mga sanga na punong-puno ng dahon nito Ma’am ay nagsilbi naman pong aming kanlungan sa bawat sandali na kami ay naglalaro sa ilalim ng init ng araw”. Alam mo ba Ma’am na ang ilan sa mga batang tinutukoy ko na kalaro ko noon ay mga guro na din ngayon dito mismo sa paaralang ito? Sila ay sina Tess, Venia, Cherry , Wilma, Helen, Linda, Luming at marami pang iba. At bawat isa sa kanila ay may maibabahaging karanasan na may kaugnayan sa puno ng Aserola”. “Halika ka Ma’am at nandoon po sila”, ang yaya ni Nante na tila ba giliw na giliw sa kwentong kanya nang sinimulan.
“Mga Ma’am at dati kong klasmeyt, dali kayo at ating ikwento sa ating Punong-guro ang mga panahon na tayo ay sabay-sabay na naglalaro, umaakyat at nag-uunahang kumuha ng mga mumunting bunga ng Aserola. Baka may maidadagdag pa kayo para lubusang maunawaan ng ating Punong-guro ang pagnanais natin na sana ay huwag tuluyang mawala ang kaisa-isa ng puno ng Aserola na natitira dito sa ating paaralan at maaaring dito sa ating buong barangay”.
Itinaas ni Ma’am Tess ang kanyang kamay, na tila ba may kwento ding nais niyang agadang ibahagi. Si Ma’am Tess ay isa na sa matagal ng guro dito at isa sa mga gumugol ng kanyang kamusmusan dito sa paaralan. “Tanda nyo pa ba si Ising? tanong nya”. Mistulang nanahimik sandali ang pitong guro na noon ay namamahinga sandali dala ng maghapong pagod sa pagtuturo, ng biglang bahagyang tumayo si Venia at nagsalita. Halos pasigaw, “oo, tama si Ising nga! Ang babaeng hindi inaakala ng lahat na siyang makakadiskubre ng hiwagang dala ng bunga ng Aserola”. “Sige nga Ma’am Venia, ikwento natin sa ating Punong-guro ang tungkol kay Ising”, ang panghihikayat ni Cherry sa kasamahang guro. At narito ang kanyang kwentong ibinahagi.
Si Ising na noon ay nasa tatlumpong taong gulang na ay hindi ordinaryong babae. Naninirahan siya sa Barangay Paiisa mula ng kanyang pagkabata. At dahil nagkaroon na ng sariling pamilya ang kanyang mga kapatid, ay siya na lamang ang nanatili sa kanilang tahanan kasama ang kanyang ina na noon ay bakas na din ang katandaan, habang ang kanyang ama ay pumanaw na. Bagaman at hindi siya napasok sa paaralan bilang mag-aaral ay maluwag naman siyang nagkakapaglabas-pasok sa loob nito. Subalit sa bawat sandaling siya ay papasok ay bitbit niya ang isang tirador o kaya naman ay ang kahoy na kahugis ng kawit. At sa bawat pagpasok niya sa paaralan, matapos siyang makapaglibot-libot dito ay tutungo na siya sa puno ng Aserola. May pagkakataong mauupo lamang siya sa ilalim ng puno nito na para bang namamahinga mula sa pag-iikot niya at kalalakad na tila walang kapaguran. Pagkatapos ay tatayo at mag-uutay na ulit maglakad upang umuwi sa kanila. Ganito ang halos araw-araw na ginagawa ni Ising sa bawat sandali na pumupunta siya sa paaralan. Pero kadalasan, sa mga panahong tag bunga ang puno ng Aserola, at sa sandaling may matanaw siyang mga bata na umaakyat sa mga sanga nito o kaya naman ay may nakikita siyang nangunguha at nangangain ng bunga nito ay mabilis itong tumatakbo papalapit sa puno. Siya ay sumisigaw at mistula niyang inihahaya ang kanyang tirador at kahoy na kahugis ng kawit hanggang sa tila namang akmang bababa ngunit magpapahabol ang mga bata na nasa itaas ng puno.
Sa sandaling nakaalis na ang mga bata na nadatnan niyang nasa itaas ng puno, ay saka ito mangunguha ng mga bunga at mamimitas ng mga dahon nito. May mga pagkakataong kinakain niya ang mga bunga ng Aserola sa mismong ilalim ng puno ngunit kadalasan ay magdadala siya ng mga dahon at bunga nito sa pag-uwi sa kanila.
Walang nakakaalam kung saan dinadala ni Ising ang mga bunga o dahong binibitbit niya o kung ano ang ginagawa niya sa mga ito. Hanggang sa isang araw ay nakita ng kanyang kapit-bahay na hinuhugasan niya ang mga bunga at dahon ng Aserola na iniuwi, inilalagay sa kalderong may tubig at inilalaga. Kung kaya’t patuloy niyang minasdan ang ginagawang ito ni Ising. Hanggang sa nakita ng kapit-bahay na pagkapakulo ay pinalamig niya ito, isinalin sa isang baso na parang bang naging kulay tsaa ang pinaglagaan. Sa patuloy na pagmamasid ay nakita pa din niya ang mga sumunod na nangyari. Dahan-dahan niyang ibinangon ang kanyang ina na tila ilang araw ng hindi nila nakikitang lumalabas ng bahay at mistulang may iniindang pananakit sa kanyang mga tuhod, dahilan para mahirapan itong maglakad. Nang maibangon na ni Ising ang kanyang ina ay unti-unti niyang ipinainom dito ang pinalamig na pinaglagaan ng bunga ng Aserola. Pagkainom ay marahan niyang inalalayan ang ina upang makabalik ito sa pagkakahiga. Ang sumunod na nakita ng kapit-bahay sa ginagawang ito ni Ising ay ang pagdukot nito sa kanyang bulsa ng mga dahong dala-dala. Mula sa kinatatayuan ng kapit-bahay na ito, ay tanaw niya na ang mga dahong ito ay dahon ng Aserola. Pagkadukot nito sa kanyang mga bulsa, ay dinarang niya ang mga dahon sa kaunting bagang natira na ginamit niya sa paglalaga ng mga bunga. At ang mga sumunod nang nakita ng kapit-bahay ay itinatapal na ni Ising ang mga dahong dinarang sa mga tuhod ng kanyang ina at marahan itong tinalian ng isang kapirasong tela. Naalala ng kapit-bahay na ito ay halos ilang araw na ding ginagawa ni Ising sa kanyang ina.
Lumipas pa ang ilang araw na patuloy lang si Ising sa paulit-ulit nyang ginagawang paglalaga ng mga bunga at paglalaid ng mga dahon, pagpapainom ng mistulang tsaa sa kanyang ina at pagtatapal ng dahon sa tuhod nito, hanggang sa isang umaga ay laking gulat niya sapagkat nakita niyang naglalakad na sa labas ang ina ni Ising na tila ba walang bahid ng iniindang pananakit ng tuhod at katawan, na parang wala ang bakas nang pagkakahiga ng ilang araw dahil sa may nagpapahirap na karamdaman.
Dahil dito ay ikinwento nang nakakitang kapit-bahay ang mga pangyayari sa iba pa nilang ka-barangay hanggang sa ang kwentong ito ay nabatid ng halos buong naninirahan sa Barangay Paiisa. At mula noon ay sinubukan din nilang gawing panglunas sa ubo, pananakit ng mga tuhod at iba pang bahagi ng katawan. Samantalang ang pinaglagaan naman ng bunga nito ay ginawa nilang panlunas sa problema sa pag-ihi. Sa pagkagulat ng marami, malaki ang naidudulot na ginhawa nito sa kani-kanilang kaanak na nakararamdam ng mga nasabing sakit. Halos hindi nila mawari na sa pamamagitan ni Ising, isang babaeng hindi ordinaryo sa kanilang paningin, ay siya pang makatutuklas nang dalang biyaya ng puno ng Aserola.
Napakasimple ng kwentong tungkol sa puno ng Aserola, ng mga mag-aaral at ni Ising. Sa unang tingin, isa lamang itong kwento tungkol sa isang puno o halamang ginagamit na gamot bilang panlunas sa ilang karamdaman. Isang kwento na maaring balewalain o ipagkibit-balikat ng sinuman. Ngunit masasabi natin na ito ay kwento ng biyaya, at ang kwento ni Ising- isang babae na hindi ganap ang pag-iisip at ng punong Aserola ay larawan ng walang kapantay na pag-aaruga at pag-ibig sa kanyang ina, simbolo ng dalisay na pagmamahal ng anak sa magulang.
Nalibang ako at namangha sa kwentong aking narinig. Sa aking isipan, ito ay hindi lamang basta simpleng kwento, sa halip ito ay isang uri ng kwentong bayan – isang salaysay na nagdadala ng alaala, hindi lamang ng nakaraan, kundi ng mga karanasang tumatak sa puso’t isipan ng mga taong nakasaksi at nakaranas nito.
Habang pinagmamasdan ko ang punong ito ng Aserola, muli napuno ako ng kuryosidad – siguro nga ay napakadami ng batang naglaro sa lilim ng mga dahon ng sanga at kumain ng bunga nito. Marahil naging saksi din ito sa mga batang bumuo ng mumunting mga pangarap at pag-asa. Tiyak naging saksi din ito ng pagmamahalan, batang paghanga at pag-iibigan ng mga batang pumasok sa paaralang ito. Saksi rin ito sa pagtatagpo at pamamaalam, lungkot at pagluha, ligaya at tuwa. Sa isang payak na paraan, ang punong ito ay nagsisilbing alaala ng lugar – tagapag-ingat ng mga kwentong hindi ko man narinig, ngunit dama ko sa bawat dahon nitong kumakaway sa hangin.
At sa aking pagmumuni-muni, napagtanto ko na ako rin pala ay tulad ng punong ito. Bilang Punong-guro sa aming paaralan, ako ay nakatayo sa gitna ng mga mag-aaral at guro – matatag, nagsisilbing gabay at lilim sa kanila sa gitna ng init at ulan ng buhay. Tulad ng punong ito na nagbibigay bunga sa tamang panahon, ako rin ay narito upang magbigay bunga ng kaalaman, pang-unawa at inspirasyon sa bawat batang dumarating sa aming paaralan. Tulad ng puno na pinupuntahan ng mga ibon upang magpahinga, ako rin ay pinupuntahan ng mga guro upang magtanong at humingi ng payo sa kanilang paglalakbay bilang tagapag turo.
Sa aking malalim na pagninilay, naisip ko na lahat tayo ay maaaring maging “puno” sa ating lugar – maaaring sa ating pamilya, ating mga kaibigan, sa ating mga katrabaho o sa ating mga kamag-aaral. Ang tanong: anong uri ng puno tayo sa buhay ng iba? Nagbibigay ba tayo ng lilim, ng pahinga, ng bunga, o tayo ay nagiging sagabal sa liwanag na dapat ay abutin nila?
Muli, tiningnan ko ang punong Aserola. Habang sinusulat ko ito, may ngiti sa aking mga labi, may tuwa, ngunit may kasamang lungkot na hindi ko man lubos na maipaliwanag, ay malinaw namang dama ng aking puso ang punong ito na nakatayo sa aming paaralan – siya na lamang ang natitirang buhay at nakatindig mula sa mga punong dating kasa-kasama nito – ang tila naging buhay na nagpapaalala sa napakaraming bagay na minsan nang naging bahagi ng buhay ng mga mag-aaral at nanirahan sa barangay.
Sa bawat sanga at dahon nito, tila nakasulat ang mga alaala ng kamusmusan. Sa katahimikan ng punong ito, naroon ang paalala ng pag-asa na sa kabila ng bagyong dumaan, naririyan pa rin siya: matatag, nagbibigay lilim, nagkakaloob ng pansamantalang silong, nag-aalay ng bunga, at nagpaparamdam na may buhay na kailangang ipagpatuloy.
Sa gitna ng lungkot na dala ng pagkaubos ng mga dating punong kasama nito, naroon din ang tuwa sapagkat isa itong simbolo ng lakas, katatagan, pagbangon, at pag-asa para sa lahat ng nakakakita rito.
At dito ko napagtanto: Tayong mga tao, katulad din ng punong ito ng Aserola ay maaaring mag-iwan ng bakas sa lugar na ating ginagalawan. Maaaring hindi tayo ang pinakamalakas, pinakamataas o pinakamatatag – ngunit kung paano tayo mananatiling nakatayo sa gitna ng lahat ng pagsubok, ang magsisilbing alaala at inspirasyon sa ating mga susunod na henerasyon. Mga batang muling mangangarap, may mga pusong muling maniniwala na sa lilim natin, ay may bagong buhay na sisibol.