Return to site

SA PAGBUKAS NG AKLAT

ni: MA. MICHELLE V. VALLES

Bata pa lang ako, marami na akong lugar na nais puntahan. Lalo na iyong mga lugar na nakikita ko lang sa telebisyon ng aming kapitbahay. Wala kasi kaming sariling telebisyon kaya nakikinood lang ako sa labas ng kanilang bintana.

Tabi-tabi ang mga bahay dito sa riles ng Maligaya 4 sa Laguna. Masaya rito, maraming bata ngunit bihira akong maglaro. Tinutulungan ko kasi si nanay na magtinda ng mga gulay. Maaga pa lamang ay naglalako na kami. Tuwing hapon naman ako nag-aaral. Minsan hindi ako nakapapasok dahil kailangan kong bantayan ang aking nakababatang kapatid na si Maya. Si nanay kasi kung minsan ay tumatanggap ng labada sa hapon habang si tatay naman ay maghapong wala sa bahay dahil siya ay nangangalakal ng basura.

Ngayong taon ay nasa Baitang 7 muli ako. Hindi kasi ako nakapapasok noong nakaraang taon dahil nastroke si nanay at ako ang tanging nag-aalaga sa kaniya. Sapat na lamang ang kinikita ni tatay sa pagkain namin kaya nagdesisyon ang aking mga magulang na tumigil muna ako sa pag-aaral. Kuntento naman ako kasi nakikita kong ginagawa nina tatay at nanay ang lahat para sa amin ni Maya. Masaya rin ako dahil ngayong taon ay masigla na ulit si nanay at tuluyan na siyang gumaling sa stroke.

Isang araw, nakatanggap ng tawag si nanay mula sa kasambahay ng kaniyang pinsan sa Batangas. May sakit daw kasi ang mayaman niyang pinsan doon at nais daw niyang makitang muli si nanay bago siya mamatay. Sila kasi ay magkababata at matalik na magkaibigan noon. Pumayag naman si tatay kaya kinabukasan ay lumuwas kami nila nanay at Maya.

Napakagandang bahay ang aming dinatnan, isang mansyon. Tuwang-tuwa na nagkukuwentuhan si nanay at ang kaniyang pinsan habang nakaratay siya sa banig ng karamdaman. Habang kami ni Maya ay naglalaro sa sala, isang batang kasing edad ko ang lumapit sa amin, si Angela.

Siya ang nag-iisang anak ni Tiya Sabel. “Maaari ba akong sumali sa inyo?” ang mahina niyang sambit. “Oo naman. Halika. Ako si Maria at siya naman ang kapatid kong si Maya.” Agad kaming nagkapalagayan ng loob ni Angela. Siya ay likas na mahiyain pero naging masaya naman akong makasama siya.

Naglaro kami ng piko. Gumuhit ako ng mga kahon sa lupa na may numero at pagkatapos ay inihagis ang aking pamatong bato. Tumalon ako sa mga kahon gamit ang isa o dalawang paa batay sa nakaguhit, kinuha ang pamato at tumalon pabalik sa base.

Naglaro din kami ng tumbang preso. Isang lata o bote ang itinayo naming sa gitna at pagkatapos ay paunahan kaming patumbahin ito gamit ang aming tsinelas. Hindi maaring sabay-sabay tumira kailangan hintayin mo ang oras ng pagtira o pagpapatumba sa lata.

Di pa kami nakuntento at naglaro pa kami ng langit at lupa. Sa larong ito, isang manlalaro ang taya na magsasabi ng: “Langit, lupa, impyerno… I-impyerno; Saksak puso tulo ang dugo; Patay, buhay, umalis ka sa puwesto mo!” Ako ang taya. Habang kumakanta ako, pumunta si Maya at Angela sa langit upang di ko sila mataya. Biglang bumaba si Angela, takot kasi siya sa taas ng puno, kaya hinabol ko siya. Tuwang tuwa naman siya habang tumatakbo at kami ay naghagikgik-gikan ng mahabol at mataya ko na siya.

Narinig kami ni nanay at ni Tiya Sabel. Sumilip sila at masaya kaming pinanood. Ang halakhak ni Angela ang nagbigay lakas kay Tiya upang panandaliang makatayo habang akay ni nanay. “Halina kayo, malapit nang gumabi. Maglinis na kayo ng katawan at tayo ay maghahapunan na.”

Nang nakatulog na si Maya, niyaya ako ni Angela sa kaniyang kuwarto. Napakaraming libro sa kuwarto niya. “Ito ang paborito kong libro, ang kuwento ni Maria Makiling. Ikaw, ano ang sa iyo?” “Hindi ako masyadong marunong magbasa eh” sagot ko. Namilog ang kaniyang mata at sinabing, “Gusto mo ba na turuan kita?” Noong una ay nahihiya ako pero pumayag din ako. Buong hapon ay tinuturuan ako ni Angela. Hindi niya ako pinagtawanan sa tuwing nagkakamali ako ng bigkas at talagang napakatiyaga niyang magturo. Isang linggo kaming nagbakasyon sa Batangas at sa loob ng mga araw na iyon ay araw-araw akong tinuturuan ni Angela kaya naman di naglaon ay natuto rin akong magbasa. Araw-araw ay iba-ibang libro ang binabasa namin at dalawa sa mga iyon ang umantig sa aking puso. Ang una ay ang kuwentong “Si Langgam at si Tipaklong.”

Ako ay parang si Langgam, maaga pa lamang ay nagtatrabaho na kasama si nanay para kami ay may makain. Wala akong gaanong panahong maglaro ngunit masaya ako dahil hindi ako napapagod. Mas lalo rin akong magsisipag sa pag-aaral at mag-eensayong magbasa upang mas matuto akong bumasa, mas maintindihan ko ang aking mga aralin at makatapos ako ng aking pag-aaral. Sa bawat pagbukas ko ng aklat, dinadala ako nito sa iba’t ibang daigdig at marami akong natutuhan na maaari kong magamit sa hinaharap.

Ang ikalawang kuwento namang nagustuhan ko ay ang kuwentong “Si Kuneho at si Pagong.” Nakikita ko ang sarili ko kay Pagong. Dahil sa hirap ng buhay, napilitan akong huminto sa pag-aaral kaya siguradong mauuna na ang aking mga kaklaseng makapagtapos ng pag-aaral. Pero hindi na bale, dahil sisiguraduhin kong makapagtatapos at magiging matagumpay din ako balang araw.

Sa huling araw ng aming bakasyon ay may nakita akong librong pinamagatang “Landmark of the World” na nagpapakita ng mga magagandang lugar sa buong mundo. Hindi ko masyadong naiintindihan dahil ito ay nakasulat sa wikang Ingles ngunit tuwang-tuwa akong pagmasdan ang mga larawan. Sa araw na iyon, dahil sa librong hawak ko, ako ay nakapunta sa Eiffel Tower sa Pransya, sa Great Wall of China sa Tsina, sa Statue of Liberty sa New York, Sydney Opera House sa Australia, sa Taj Mahal sa India, Great Pyramid of Giza sa Egypt sa London, Sa Colosseum sa Roma, sa Stonehenge sa Inglatera at sa Church of the Holy Sepulcher sa Jerusalem.

Nakita ako ni Angela habang tuwang-tuwang pinagmamasdan ang mga larawan kaya ang sabi niya ay akin na raw ang libro at bibigyan pa niya ako ng iba pa. Hindi lang libro ang ibinigay niya sa akin, binigyan din niya ako ng mga damit at sapatos. Ibinigay din niya sa akin ang luma niyang selpon para raw magtawagan kami kapag may pagkakataon.

Pagkauwi namin sa Laguna, hindi na ako halos nakakanood ng TV. Sa hapon naman pagkagaling ko sa eskuwela, tinatawagan ko agad si Angela at ikinukuwento namin sa isa’t isa ang mga karanasan sa araw-araw. Tila ba naging bukas na aklat para sa akin ang buhay ni Angela. Minsan ay umiiyak din siya sa akin. Namatay na pala si Tiya Sabel at ang kaniyang Tiya Sonya na ang mag-aalaga sa kaniya. Magmula noon bibihirang tumawag si Angela pero hindi siya nawala sa aking puso’t isipan. Sa tuwing binubuklat ko ang aking paboritong libro, naalala ko siya. Ipinangako ko sa sarili ko na balang araw ay isa-isa kong pupuntahan ang mga lugar doon at isasama ko si nanay at tatay, si Maya at si Angela.