Return to site

SA LIKOD NG ALON: KWENTO NG ISANG GURO SA DONSOL

ni: MARK SHERWIN C. RESTOLES

Sa baybaying bayan ng Donsol, Sorsogon—kung saan hinahaplos ng alon ang buhanginan at sinasalubong ng araw ang bawat umaga, nakatira ang batang si Makmak at ang kanyang ama, si Mang Jerry, isang mangingisda na may pusong busilak at bisig na sanay sa pagharap sa alon.

Isang hapon, habang binabaklas nila ang lambat sa gilid ng bangka, napatinigin si Makmak sa malayo.

Makmak: “Tay, sa tingin n’yo po ba….magiging guro ako balang araw?”

Mang Jerry: “Kung kayang lumangoy ng Butanding mula sa malalayong karagatan pabalik taon-taon, kayang-kaya mong marating ang pangarap mo, anak.”

Makmak: “Pero, Tay…wala po tayong maraming pera. Minsan kulang pa ang kita ninyo sa palengke.”

Ngumiti si Mang Jerry, bakas sa mukha ang pagod ngunit may Liwanag sa mata.

Mang Jerry: “Ang pera, anak, kinikita. Pero ang pangarap, pinaninindigan. Basta’t may sipag, may dasal, at may tiwala sa sarili walang imposible.”

Bilang bahagi ng kanilang kultura, tuwing buwan ng Mayo, ipininagdiriwang ng buong Donsol ang Butanding Festival. Isang linggong selebrasyon ng pasasalamat sa dagat at biyayang dumarating sa kanilang bayan. May mga parada sa bangka, sayawan sa plaza, kainan ng inihaw na isda, at paligsahan sa paggawa ng mga kwentong-bayan.

Si Makmak ay kalahok sa Sanaysay at Kwentong-Bayan Contest sa eskwelahan. Nakasalalay dito ang scholarship na makakatulong sa pag-abot ng kanyang pangarap.

Isang gabi bago ang paligsahan, tahimik siyang nagsusulat sa ilalim ng gaserang Liwanag.

Makmak: “Kung walang butanding, siguro walang turista. Kung walang turista, baka wala tayong festival. At kung wala itong festival, hindi ko rin siguro mahahanap ang boses ko.”

Dumating ang araw ng pagdiriwang. Masigla ang plaza, may sayawan ng mga bata suot ang makukulay na kasuotang inspired ng butanding --- kulay asul at puti, may palamuting tila kaliskis.

Sa gitna ng entablado, binasa ni Makmak ang kanyang akda.

Makmak (mula sa kanyang sanaysay): “Ang aking ama ay tulad ng butanding—tahimik, mahinahon, ngunit may lalim at tapang. Hindi siya kilala sa buong mundo, pero siya ang dahilan kung bakit ako ang may pag-asa. Sa Donsol ko natutunan ang hapaga ng ugat at pinagmulan. Ang kultura natin ay hindi lang selebrasyon, ito ay pagkakakilanlan.”

Tumahimik ang buong entablado pagkatapos niyang magsalita. Hanggang pumalakpak ang isang matandang babae---Si Lola Ana, ang pinakamatandang guro sa Donsol.

Lola Ana: “Ang batang ito…may pusong guro. Hindi lang utak ang nagtuturo, kundi damdamin.”

Hindi naglaon, si Makmak ay nakatanggap ng scholarship mula sa lokal ng pamahalaan. Habang nag-aaral sa kolehiyo, palagi siyang bumabalik tuwing Butanding Festival, ngayong bilang volunteer na nagtuturo sa mga turista tungkol sa tamang pakikisalamuha sa mga butanding at sa kasaysayan ng Donsol.

Ilang taon ang lumipas. Nagbalik si Makmak sa kanilang barangay hindi na bilang estudyante, kundi isang ganap na guro. Ang silid-aralan ay nasa tabi ng dagat, tanaw mula sa bintana ang payapang alon.

Isang araw, habang tinuturuan ang kanyang klase tungkol sa Alamat ng Butanding, nagtanong ang isang batang lalaki:

Munting Mag-aaral: “Sir Mak, totoo po ba na ‘pag Nakita ka ng butanding, mapalad ka raw?”

Makmak (nakangiti): “Oo. Pero higit pa Riyan, mapalad ka kung may pamilya kang tulad ng ama ko- na kahit hirap, di sumusuko. At mapalad ka kung di mo kakalimutan ang pinagmulan mo.”

Dumating muli ang kapistahan ng Donsol. Kasabay nito ang pagdiriwang ng pista ng butanding sa Donsol. May sayawan sa liwasan, may paligsahan ng karera ng bangkang de-motor, paligsahan sa paggawa ng imahe ng Butanding gamit ang bagay na nireresiklo, at may pagtatanghal ng mga katutubong awit at sayaw ng Bicolano. Isa si Makmak sa mga panauhing tagapagsalita sa unang araw ng palatuntunan.

“Ang Butanding ay simbolo ng Donsol---banayad, marangal, at malayang lumalangoy sa sariling karagatan. Ganito ko rin nakikita ang mga batang Donsolanon, may kakayahang abutin ang malalim na karunungan kung bibigyan ng tamang aruga.” Labimpitong-taon ang lumipas, sariwa pa sa aking ala-ala ng ako’y tumuntong sa entabladong ito, hinirang na panalo sa pagsulat ng sanysay. Nakita ko ang malaking suporta at oportunidad. Pinangako ko kay Tatay na gagawin ang lahat para maabot ko ang aking pangarap sa buhay.”

Pagkatapos ng kanyang pananalita at mensahe, lumapit ang kanyang Ama, nakasuot ng malinis na kamiseta at barong-bikol na isinayad pa sa asin ng dagat.

Mang Jerry: “Anak, sa likod ng alon, may anak akong naging guro,” aniya, halos mangilid sa luha. “At sa bawat alon ng buhay mo, nariyan pa rin ako….sumasabay.”

Makmak: “Maraming Salamat po tay, hindi ka sumuko sa akin. Ipinagmamalaki ko po kayo.”