Sa may ‘di naman kalayuan
Aking napagmasdan ang isang maliit na butas
Animo’y nagkikidlawan sa kinang ng liwanag
Nagpapaanyayang siya’y aking lapitan.
At nang aking mapagmasdan ng buong malapitan
Isang malalim na hukay at mistulang balon
Kung iyong tititigan may kakaibang laman
Mapanglaw na kahapon, natagong nagdaan.
Ipinikit ang mga mata sa paghahanap ng kasagutan
Sa malungkot na karanasan ng isang kahapong nagdaan
“di maisiwalat ng pusong nagsisikip
sasabog kung ito’y maumpisahang masikil.
Kailangang dahan-dahan at tunay na malumanay
Ang paghagod sa masikip na dibdib
Upang maisambulat ang tunay nitong nilalaman
Nang tunay na makawala sa panaginip na malupit.
At ang tinutukoy nang tulaing ito
Ay ang pagbangon ng mgaFilipino
Sa mapang-aping dayuhang naglugmok sa kahirapan
Mula ng sakupin ang ating Inang bayan.
Kaya’t sa buwang ito ng Agosto, ating pagnilayan
Ipangakong ‘di na muling mararanasan ang mga karahasan
Sa mga kamay ng mapang-aliping mga dayuhan
Ipagtatanggol ang Bayan kahit kapalit nito’y sarili kong buhay…….