Taong 1980, nasa ikalawa akong baitang noon nang dumalaw sa aming barangay ang aking mga pinsan para magbakasyon. Tuwang-tuwa sila habang naliligon sa ilog. “Wow, Chika ang ganda naman dito! Anlamig at napakalinis ng tubig, parang puwede nang inumin ang tubig sa ilog.” “Sinabi mo pa sagot ng aking pinsan, kaya madalas kaming magbakasyon dito kasi para kang nasa Baguio, malamig ang klima at may gubat ka pang puwedeng pasyalan at pamarilan ng mga ibon.” “Ahon na kayo riyan at handa na ang almusal.” Tawag ng inay sa kanila. Agad namang umahon mula sa ilog at pumunta na sa bahay namin ang aming mga bisita para kumain ng almusal. Siyempre sa mesa naming malaki sila kumain dahil sila ay bisita. kaming magkakapatid ay sa latok (lamiseta o maliit na lamesa) para di raw makagulo sa bisita sabi ng inay at tatay. Ganoon kami tumanggap ng mga bisita. Kapag may bisita bawal magpabalik-balik kapag may nag-uusap sa may bandang sala. O kaya naman kung dadaan ka sa harap ng mga bisita ay yuyuko ka at makikiraan bilang tanda ng paggalang. Bawal ding makisabat sa kanilang usapan kaya sasagot ka lang kapag tinatanong. Lumalabas ang magaganda naming mga plato at baso kapag may bisita. Maging ang mga unan at kumot naming bago ay ganoon din. May almirol pa iyon at pinalantsa ng inay matapos almirolin. Siyempre ipinaghanda sila ng inay at tatay ng masarap na almusal. May kapeng barako, pritong itlog ng native naming manok, pritong usang tapa na huli ng tatay noong isang araw, pritong dalag na huli ng tatay sa ilog na kinuha sa malaki naming tapayan na ipunan ng mga nahuhuling buhay na hito at dalag at siyempre hinog na turdan at lakatan bilang panghimagas. Inilabas din ng inay ang kaniyang minatamis na balat ng santol na sadyang masarap kasi makunat. Di naman sa pagmamayabang pero ito na siguro iyong pinakamasarap na minatamis na santol na natikman ko kasi nga tamang-tama ang timpla at makunat kaya kapag kinakain ay masarap. At kahit wala kaming refrigerator ay natagal ito ng mahigit isang taon kasi inaarnibal muna ang asukal bago ihulog ang mga balat ng santol na ibinabad ng ilang araw sa tubig na may apog.
Matapos ang pagkain ng agahan ay nagbihis na ang aming mga bisita ng damit na pampunta sa gubat. May dalang air gun pistol ang mga kasamang lalaki ng aming mga pinsan at si kuya Ubay na pinsan kong lalaki. Ganito lagi ang kanilang ginagawa tuwing bakasyon pumupunta sa amin para maligo at mamaril ng mga ibon sa gubat, tapos pumupunta sa magagandang ilog o talon. Para kasing paraiso ang Saray noong di pa napuputol ng Interwood ang mga puno. Ang mga ibon ay napakarami at maging mga matsing at labuyo (wild chicken) ay nagpapatawid-tawid lamang sa kalsada o daan. Ang daan sa amin noon ay rough road, daan ng trak ng kahoy. May daan naman na short cut pero maglalakad ang mga tao o sakay ng kabayo kasi daang pantao at hayop lang ito, makipot at masukal. Ang daang rough road ay 16 na kilometro bago marating ang kabayanan. Ang daang short cut na nilalakad ay 12 kilometro naman. Kaya kung walang dumadaang trak para makisakay ang mga tao ay napipilitang maglakad ng tatlong oras bago makarating sa bayan. Iilan lamang ang nabaril na ibon ng mga bisita namin. Sabihin pa ay di naman kasi sila asintado kaya tinulungan na lamang ng aking tatay para makarami ng huli. Ang binabaril nila ay bubutok na parang kamag-anak ng kulasisi. Kapag may puno ng tibig (fig tree) ay marami kasing ganitong ibon dahil kinakain nila ang bunga ng tibig na puno. Hangang-hanga sila habang pinapanood ang pamamaril ng ibon ng tatay ko kasi kada isang putok ay may tinatamaang ibon. “Wow! Ang galing mo talaga kuya Andres! Sa bawat putok may nalalaglag na ibon.” Ang di mapigilang banggit ni ate Loi, isa pang pinsan ko na kasama nila. Siyempre tuwang-tuwa rin ako habang pinupuri nila ang tatay. Siyanga pala ang mga pinsan kong dumadayo sa amin tuwing bakasyon ay nag-aaral sa UST at kumukuha ng pagdudoktor ‘yong isa, fine arts iyong isa at si Kuya Ubay ay abogasya sa Ateneo. Opo, sadyang bigatin ang aming mga bisita kaya naman ipinaghahanda talaga sila ng tatay at inay ng masasarap na pagkain. Kami naman ay sumasama sa kanilang pamamaril at pagpipiknik para siyempre makakain din ng masarap kasi binibigyan din nila kami ng mga dala nilang pagkain galing bayan na di pa namin natitikman. At sa totoo lang kaya kami may mga picture noong bata pa ay dahil may dala lagi silang camera kapag pumupunta sa amin. Kaya kinikuhan din nila kami. Kung di sila nagbabakasyon sa amin wala siguro kaming mga kuhang larawan na alaala ng aming kabataan.
Matapos mamaril ng ibon ay pinandaw (pinuntahan) ng aking ama ang kaniyang mga silo (patibong) na inilagay sa gubat upang malaman kung mayroon siyang nahuli sa mga ito. Gulat na gulat ang mga bisita namin dahil dala ng aming ama ang nahuli niyang alamid (wild cat) na nahuli ng isa niyang silo. Ang alamid ay hinuhuli ng tatay kasi masyado silang marami at itong mga alamid ang kumakain ng bunga ng aming mga kape. Minsan ang nahuhuli ng tatay ay buot. Isang hayop din ito na mahilig kumain ng mga hinog na bunga ng kape. Kamukha ito ng daga pero mas malaki kapag ito ang nahuhuli ay ipinamimigay ng tatay kasi di kami kumakian ng buot. Pagkarating namin sa bahay ay pinatanggalan ng tatay ng balahibo ang mga ibong nahuli sa pamamaril sa aming magkakapatid. Isang bilaong punong-puno ng mga ibon ang nahuli nila. Habang kami ay nagtatanggal ng balahibo ng mga ibon ay tinaggalan naman ni tatay ng balat ang alamid at hinugasang mabuti upang matiyak na malinis na ito. Pinutol ni tatay ang tuka ng mga ibon at siniguradong malinis ang ulo bago isama sa tinadtad na katawan ng mga ibon. Isang kaldero ang karne ng ibon na inadobo ni tatay. Isang kawali naman ang karne ng alamid na niluto ni tatay. Adobong may gata at atsuwete ang ginawang luto ni tatay sa karne ng alamid. Busog na busog kami sa aming pananghalian, hinihimas ng mga bisita namin ang kanilang mga tiyan sa kabusugan. Di nila akalain na masarap palang magluto si tatay ng mga exotic na pagkain. Pagkatapos mananghalian ay naghanda na ulit silang maligo sa ilog. Siyempre kulang na lang ay malaglag ang mga mata ng mga kabarangay naming mga binata kasi noon lang sila nakakita ng naliligo sa ilog na naka-swimsuit na two-piece. Ayun nanghahaba tuloy ang mga leeg nila katitingin. Mukha naman kasing mga maykaya ang kasama nitong mga pinsan ko kaya ang gaganda ng mga kutis. Pero di na talaga sila puwedeng ligawan kasi kasama rin ang mga boyfriend nila. Natulog sila pagkatapos magbabad sa ilog. Gusto nilang dumalo sa Flores de Mayo ng Saray na tinatawag na Mayohan o alayan sa gabi kaya natulog sila para hindi antukin sa gabi ng alayan.
Ang Saray ay barangay na nasa gitna ng gubat at tuktok ng Sierra Madre. Isang barangay ito sa Laguna na noong unang panahon ay walang sementadong kalsada at koryente kaya ang mga tao ay nabubuhay na sadyang maituturing na malayo sa kabihasnan. Kaya lang maliwanag ang bahay namin kasi mayroon kaming hasag (petromax lamp) na ginagamit kapag may bisita at may okasyon. Pero sa mga pangkaraniwang araw ay gasera ang gamit namin. At dahil nasa gitna ng gubat kaya nakakulambo kami tuwing matutulog dahil uso dito ang malaria. Ang tubig namin ay galing sa malinis na bukal pero kahit napakalinis na ay sinasala pa rin ng inay sa malinis na tela para makasigurado raw kami na malinis ang aming iinuming tubig. Uso sa Saray ang kantahan kapag may bisita. May mahusay tumugtog ng gitara kaya kapag hapon at gabi ay nagkakantahan sila at nagbibinayo (nilupak) habang nagkukuwentuhan. Kapag di pinanghihinaan ng loob ay hinaharana nila ang mga dalagang bisitang babae. Pero dahil nga mga bigatin ang aming mga bisita kaya walang binatang makapaglakas ng loob na sila ay haranahin. Dinaan na lang sa pagpaparinig ng mga kanta ang kanilang paghanga. Masaya kapag bakasyon kasi mayroong Mayohan (Flores de Mayo). Araw-araw may nakatokang magpapaalay. Simula Mayo 1 hanggang 31 ay may nakatokang pamilya ng paalay (alay kay Maria). Ang may paalay ang naggagayak ng tuklong (maliit na simbahan), ginagayakan ng mga pako at bulaklak na kalimitang kinukuha sa gubat. May dasal, kanta ng pag-aalay ng papuri kay Maria at pag-aalay ng bulaklak. Ginagawa ito tuwing ikaanim ng gabi at inaabot ng dalawang oras bago matapos dahil bago matapos ang rosaryo ay may kasal-itang mga kanta ng papuri at pag-aalay ng mga bulaklak. Ang mga dalaga at binata ay tumatayo mula sa kinauupuan nila at sabay na mag-aalay ng bulaklak sa harap ng altar kapag kinanta na ang pag-aalay. Habang ang mga bata naman ay nakaluhod sa harap ng altar na magkakapareha kung saan sa gitna nila dumadaan ang mga nag-aalay ng bulaklak na magkaparehang dalaga at binata o kaya ay mag-asawa. Sa totoo lang ngalay na ngalay ang mga bata sa pagkakaluhod kasi tatapusin munang mag-alay ang matatanda bago sila mag-alay. At pagkatapos ng rosaryo at mga sal-itang kanta ay saka pa lamang sila makauupo sa silya o mahabang upuan. Ang inaaawit ay Tagalog at Latin na itinuro ng matandang babae na galing pa sa Mataas na Kahoy Batangas. Kaya iyong alayan sa Saray ay katulad ng sa Batangas pati ang tono ng mga kanta na sinasaliwan ng gitara. Sumali sa pag-aalay ng bulaklak ang aming mga bisita. Natutuwa sila na makitang ang maliit naming barangay ay mayroon pang ganitong mga tradisyon na iniingatan. Pagkatapos ng alayan ay pumunta ang mga tao sa bahay ng may paalay para pagsaluhan ang naihanda nilang pagkain para sa mga kabarangay. May naghahanda ng totong, sopas, aroskaldo at kung mahirap talaga ang may paalay ay tigdadalawang kendi lamang ang ibibigay sa mga taong dumalo sa paalay. Kahit ganoon lamang ang natatanggap ng mga bata ay masayang-masaya na sila at kuntento. Ang matatanda naman ay ganoon din dahil mas mahalaga sa kanila ang makadalo sa alayan kaysa maghanap ng bonggang handa. Sa totoo lamang kaya lang ako naipaghahanda sa bertdey ko kasi pumatak na ika-30 ng Mayo kaya siyempre kami ang may paalay sa petsang ito. Ang tatay ko ay nagluluto ng isang malaking kalderong sopas at bumibili ng isang baldeng tinapay para imbitado ang buong barangay. Nagpapatay ng manok ang inay para ilahok sa sopas na niluluto kaya malasa at masarap ang sopas na handa sa bertdey ko. Sa ika-31 naman ng mayo ay kabataan naman ng barangay ang may paalay. Napakasaya ng tapusan dahil dinadayo ito ng mga karatig barangay at maging mga tagabayan ay dumadayo dahil pagkatapos ng alayan at pagkakain ng hapunan ay sayawan ang kasunod. Siyempre masaya kaming mga bata na nanonood ng sayawan kasi kahit na walang koryente sa Saray ay nagpapakarga sila ng baterya at doon ikinakabit ang amplifier na pinapatugtog para makapagsayawan. Noong una plaka pa ang ginagamit sa mga tugtog ng sayawan, tapos naging cassette tape. Umaarkila sila o naghihiram ng mga malalaking speaker para malakas ang tugtugan sa sayawan. Masaya ang sayawan kasi may pakontes silang tinatawag na King and Queen of the Night. Pipili sila ng tig-iisang partner ng binata at dalaga sa bawat barangay at bayan na dumadalo sa sayawan, pagkatapos makapili ay bibigyan nila ng tatlong oras para makapanghingi ng pera sa lahat ng tao na nasa sayawan. Kung sinong magkapareha ang may pinakamalaking malilikom na pera ang siyang itatanghal na King and Queen of the Night. Ang malilikom na pera ay ibibigay sa opisyal ng kabataang barangay ng Saray para ito ay magiging pondo nila. Ganyan magdiwang ng Mayohan sa Saray, maliit man itong barangay subalit ang kanilang tradisyon ay naiingatan hanggang sa kasalukuyan.
Di pa man nakikilala ang dokumentaryo ni Kara David na ambulansiyang de paa ay ito na ang ginagawa ng mga taga-Saray sa tuwing may mga pasyente sila na nangangailangan ng agarang lunas mula sa mga doktor sa ospital. Gumagawa sila ng duyan gamit ang kumot o kaya ay humihiram ng malaking duyan na gawa sa yantok (rattan) at ito ang ginagamit sa pagbuhat ng pasyente na dadalhin sa ospital. Tulong-tulong sila at naghahalinhinan sa pagbubuhat sa pasyente hanggang sa makarating sa bayan. Siyempre isa sa tumutulong sa pagbubuhat ang tatay dahil mahilig din siyang tumulong sa mga kabarangay. Dahil malayo ang Saray sa bayan kaya albularyo ang pinakadoktor ng mga tao sa barangay. Sa tuwing may sakit ang mga tao sa albularyo nagpapagamot. Iyon nga lamang iisa ang resulta ng pagkakasakit nanuno, nagalaw, nabati o di sinasadyang nakapanakit ng mga lamang lupa o duwende kaya binigyan ng sakit. Ang panlunas ay tawas o tapal na may bulong o orasyon sa may sakit. May Rizalista rin kaming kabarangay na nag-oopera ng sakit gamit ang manok. Kapag natapos operahan ang pasyente namamatay ang manok. Indikasyon daw ito na gumaling na ang pasyente at kaya namatay ang manok ay dahil napalipat dito ang sakit ng pasyente. Nanghihilot din ang albularyong ito ng mga nabalian. Sa totoo lamang magaling siyang manghilot kasi napagaling niya ang ate at kuya ko na nabalian. Kapag may nakakagat ng pusa, aso o ahas ay mayroon ding maninipsip sa barangay. Sinisipsip niya ang dugong may kamandag ng pasyente kaya kahit di na paturukan sa ospital ay himalang nakaliligtas ang pasyente sa kamandag ng mga kumagat sa kanila. Mayroon naman kaming mga kabarangay na BHW na nagbibigay ng gamot kapag may sakit ang mga tao sa barangay kaya lamang ay siyempre kakaunti ang gamot sa barangay na nagmumula sa bayan kaya mas madalas sa albularyo lumalapit ang mga tao. Kahit nga ang inay pag may sakit kami puro tapal-tapal ng mga dahon at paglalaga ng mga dahon na ipinaiinom sa amin para gumaling kami. Di ko makakalimutan noong nagkatigdas ako kasi pinainom ako ng nilagang buto ng mustasa at tubig ng saging na pinutol at nilagyan ng parang balon sa gitna. Himala naman ako ang unang gumaling kasi malakas ang loob ko at di ako maarte kahit anong sama ng lasa at pakla basta’t ipinainom sa akin at makagagaling daw inom naman ako. At paano ka namang di gagaling ay kasipag mag-alaga ng inay kapag may sakit kami. Magpapatay kaagad siya ng manok at maglulugaw. Pinakakain din kami ng nilagang itlog at mga prutas para raw lumakas agad kami. Kaya naman gumagaling agad kami kasi masusustansiya naman ang ipinakakain sa amin ng inay. Sa totoo lang kahit wala kaming bakuna dahil nga isinilang kami sa bundok ay matibay ang aming resistensiya at di kami sakitin. Paano ba naman pagkagising namin sa umaga nilalantakan na namin ay mga hinog na daranghita o kaya naman ay lansones. Kapag nga hinog na ang aming santol nagbabaon na ako ng asin at doon kumakain ng hinog na bunga sa puno doon sa abot ng maakyat ko. Kahit hinog na kalamansi ay di ko pinapatawad inaakyat ko ito at sa puno ko na kinakain habang nakatigil sa sanga ng kalamansi. Inaakyat ko ang kalamansi kasi seedling ang kalamansi namin kaya mataas at matinik. Marami rin kaming suha sa tabing bahay at may puno rin ng masarap na bayabas. Masipag magtanim ang inay at tatay kaya marami kaming mga puno sa tabing bahay at sa kaingin namin ay punong-puno rin ng tanim na kape, lansones, langka, niyog, saging, rambutan, santol at ilang puno ng durian.
Sadyang kay sarap balikan ang buhay namin sa Saray dahil dito kami isinilang, nagkaisip, nag-aral at naranasan ang masasayang yugto ng aming kabataan. Naalaala ko pa noong maliliit pa lang kami na ang mga laro namin kapag tapos na ang mga gawaing bahay at walang pasok ay agawang-base, siyato, patintero, piko, tumbang preso, taguan, batuhang bola at marami pang iba. Pero ang di ko makalimutan ay ang laro naming patintero at agawang-base sa gitna ng ilog. Bawal tumuntong sa lupa habang nilalaro namin ang mga ito. Pabilisan ng paglangoy at sa totoo lamang walang batang Saray na tumatanda na di marunong maglangoy. Bago pumasok ng unang baitang ang lahat ay marunong nang maglangoy. May nagtuturo ba? Wala, natututo na lamang ng kusa mula sa panggagaya sa ginagawa ng matatanda. Walang batang Saray na lumaking di marunong maglaba, magluto at maglinis ng bahay. Mapa-babae o lalaki man ay marunong ng mga gawaing bahay, marunong manguha ng kahoy na panggatong at nag-iigib ng tubig na inumin. Iyong paglalaba ay sa ilog na ginagawa kasi ang mga bahay naman ay nasa baybay ng ilog. Bata pa lang ako ay ako na ang naglalaba ng damit ko kasi walo kaming magkakapatid kaya mahihirapan daw ang aming ina kung siya lahat ang maglalaba. Kaya kahit nasa unang baitang pa lamang ay unti-unti nang tinuturuan ng mga gawaing bahay. Masipag ang nanay namin kasi di siya gumagaya sa mga kaiptbahay namin na nakikipagtismisan. Di rin siya nakikipag-inuman sa mga babaing nag-aaya sa kanya na mag-inom. Ang katuwiran niya ay marami siyang mga anak na iniintindi at mas gugustuhin niyang magtanim o maggamas sa kaingin kaysa magsayang ng oras sa tsismisan o inuman. Kaya kahit walo kaming magkakapatid ay iniintindi niya ang aming pag-aaral, tinuturuan kapag may takdang-aralin at palaging pinapangralan. Kaya lumaki kaming matitino at mahilig sa pag-aaral. Magdadasal ng barangay ang inay. Kung may patay siya ang tinatawag at sa kanya nagpapadasal. Siyempre tinuruan niya kaming magkaroon ng takot sa Diyos at palaging magsikap na makitungo nang maayos sa kapuwa.
Sa barangay Saray uso ang bigayan ng ulam. Kapag may nilutong gulay at nagustuhan ng kapitbahay ay puwede siyang manghingi. At marami ring nagkukusang mamigay kung marami silang naaaning prutas o gulay sa mga tanim nila. Kapag nakakahuli ng baboy-ramo o usa ang tatay ay andaming kapitbahay na nanghihingi ng karne. At dahil mahilig mangoryente ng isda ang tatay ay marami rin siyang nabibigyan ng dalag, hito at palos. Ang kinakain kasi namin ay tilapia at hipon kaya iyon ang madalas niyang itinitira sa amin. Noon kasi ay sagana pa ang ilog ng Saray sa mga isda kaya andaming nahuhuli sa pamamana, panlalambat, at pangungoryente ng isda.
Ngayon malaki na ang pagbabago ng Saray. May sementado nang kalsada at koryente sa barangay. Subalit nawala na ang lihitimong mga nakatira rito kasama na kami. Mas pinili kasi namin ang mag-aral kaysa magsaka. Naroon pa rin ang kaingin namin at nakakakuha pa rin kami ng mga bunga ng lansones, rambutan at durian. Ang ilang puno ng niyog ay ipinaputol na at pinalitan ng bago dahil masyado nang matataas at ang iba ay bihira nang mamunga. Bumabalik pa rin ako sa Saray dahil hanggang ngayon ay may bahay pa rin kami at lupa roon. Kamakailan lamang ay kinuha akong guest speaker sa pagtatapos ng elementarya at kinder. Bumabalik ako sa Saray at nagtatanim pa rin sa kaingin namin. Bumamabalik ako sa Saray pero may dala nang bagong kuwento ng aking buhay. Nagbibigay ako ng extension activity para turuan ang mga kababaryo ko. Nagbibigay kami ng mga gamot at gamit sa eskuwela sa mga bata sa Saray. Guro na ako sa isang unibersidad sa Laguna pero binabalik-balikan ko pa rin ang Saray para magturo sa mga bata at matatanda, para magbigay ng inspirasyon, para iparating sa kanila na ang kuwento ng Saray sa buhay ko kahit kalianman ay di ko malilimutan dahil ito ang puhunan ko para makamit ang kinalalagyan ko ngayaon. Naghirap man kami noon sa pagkakaaksidente ng aming ama na naging dahilan ng pamamasukan ng aking mga nakatatandang kapatid para makatapos ay pinilit pa rin kaming itawid ng aming mga magulang upang kung saan man kami makarating ay babalik pa rin kami sa Saray para ibahagi sa iba ang mga biyayang natamo namin sa kasalukuyan. Nasa ibang bansa man ang ilan kong mga kapatid ay bumabalik pa rin sila ng Saray para magdala ng medical at dental mission doon sa tuwing umuuwi sila. Sadyang di namin malilimot ang Saray na naging paraiso namin noong kami ay maliliit pa lamang.