Simula na naman ng isang makulay na araw sa lansangan.
Isang umaga sa Barangay Masigla, kung saan isang batang kulot, makulit pero magalang ang sumakay ng maliit na dyip kasama ang kanyang Nanay Linda. Siya ay si Dante, mahilig siyang magtanong at makipagkilala. Kinagigiliwan siya sa kanilang baryo.
Araw ng Sabado ngayon at walang pasok, kaya naman sasama siya sa palengke upang tulungan si Nanay Linda na magtinda ng mga kakanin tulad ng kutsinta, puto, pilipit, sapin-sapin, biko, sinukmani, kalamay, maha at suman.
“Nanay, ang dami pong sumasakay sa dyip!” bulong ni Dante habang hawak ang isang bilao na may iba’t- ibang uri ng kakanin.
“Piip! Piip! Piip!” busina ng maliit na dyip.
Pagpanhik ng dyip ni Dante may narinig siyang kakaiba.
“Piip! Piip! Hawakan ang inyong mga pangarap, tayo’y magbibiyahe sa kuwento ng bawat isa! Nagulat si Dante sa kanyang narinig.
“Nanay ! Yung jeep …. may boses po!” Ngumiti lang si Nanay,
“Hayaan mona, anak. Makinig ka lang”.
Sa bawat pagsakay ng pasahero, isang bagong kuwento ang bumubukas…
“Magandang umaga po!” bati ni Dante.
“Magandang umaga din sa iyo Dante,” sagot ng Manong Ben na siyang drayber ng dyip.
Sa unang kanto, sumakay ang guro na si Gng. Lani, may bitbit siyang mga lumang bag at mga kuwaderno na tila kahit Sabado ay dadalahin niya sa paaralan.
“Magandang araw.” bati ng guro
Dumungaw si Dante. “Guro po ba kayo?”
“Oo, Dante, Isa akong guro sa bundok. Limang kilometro ang nilalakad ko araw-araw para turuan ang mga batang gustong matuto kahit wlang kuryente.”
“Hindi po ba kayo napapagod?”makulit na tanong ni Dante.
“Napapagod siyempre!” Pero kapag nakikita ko silang natutong magbasa, magbilang at mangarap nawawala lahat ng aking pagod.”
Biglang lumiwanag ang loob ng dyip na parang may silid -aralan, may yeso at may mga batang nakaupo habang masayang nakikinig sa kanilang guro.
Sa ikalawang hintuan, sumakay si Manong Kardo, isang magsasakang may dalang paso at halaman.
“Magandang araw po!” bati ni Dante.
“Magandang araw naman sayo iho!”
“Ano po iyang dala-dala ninyo?” mapanuring tanong ni Dante.
“Ito ang halaman ng saging na minana ko pa sa aking lolo.”sagot ni Manong Kardo.
“May kuwento rin po ba ‘yan?”
“Aba ,oo!” sagot ni Manong Kardo
“Ang lolo ko ay nagtanim ng maraming saging noong tag-gutom. At dahil sa ani niya, napakain niya ang mga taga baryo. Kaya kahit isa lang ‘tong paso, may kasaysayan ito at kabayanihan.”
Biglang nagbago ang paligid ng dyip at nagsimula itong maging bukirin na may gintong araw at masaganang ani.
Naputol ang usapan ni Dante at ng Manong Kardo ng biglang sumakay si Aling Sita, mukhang mainit ang ulo nito.
“Ay naku , ang init-init dito! Ipod! Ipod! sigaw niya.
Tahimik lang si Dante pero bumulong siya sa kanyang Nanay.
“ Nanay,dapat po lagi tayong magalang kahit mainit.”
Napangiti si Nanay at hinaplos ang ulo ni Dante. Sumakay ang isang batang lalaki na may dalang gitara.
“ Wow, Kuya! Marunong po kayong tumugtog?”
“Oo, Dante, sa paaralan may tugtugan kami.Gusto mo rin bang tumugtog? “
“Halika, sabayan mo ako”.
Tumugtog si Kuya ng” Bahay Kubo” at sabay-sabay halos umawit ang mga nakasakay sa maliit na dyip.
“ Bahay kubo, kahit munti…ang halaman doon ay sari sari…”
Habang umaawit sila, ang loob ng dyip ay naging entblado-may ilaw, palakpakan at may mga bituin sa paligid.
Sa Huling kanto sumakay si Lola Nena, may dalang abaniko at nakangiti.
“ Kumusta kaya ang mga kabataan ngayon?” tanong niya.
“ Magaling po si Dante! Marunong na pong gumalang, umawit at makipagkuwentuhan!” sabay-sabay halos na tugon ng mga pasahero sad dyip.
“Lola, ano po ang iyang inyong dala?” tanong ni Dante.
“ Pamaypay ,Gawa ito sa abaniko ng aking ina. Tuwing mainit , ito ang ginagamit naming pantaboy ng init …..at problema”
“Paano po yun?”
“Kapag may problem, ngumiti, tapikin ang sarili ng abaniko at alalahaning di ka nag-iisa.”
Pagpikit ni Dante, nakita niyang naging parang sinehan ang jeep-mga lumang larawan, alaala at masayang tawanan ng nakaraan.
Habang bumababa ang mga pasahero, isa-isa, nagpaalam ang jeep sa bawat isa:
“Salamat sa kwento mo, Ma’am Lani. Mabuhay ka, Mang Kardo. Awit mo ay alaala, Kuya Lance. At Lola Nena paalala kang masarap pakinggan.”
Tahimik si Dante at tila malalim ang iniisip.
“Nanay, alam mo po…”akala ko basta jeep lang ito.Pero hindi po pala”
Ngumiti, si Nanay. “Anak, kahit ang simpleng jeep ay nagdadala ng dakilang kuwento. Kailangan mo lamang makinig.”
“Dante, eto na tayo!”sabi ni Nanay. Bumaba sila ng jeep at kumaway sa lahat ng pasahero.
“Salamat po sa masayang biyahe! Sa susunod ulit.” sigaw ni Dante, at ang maliit na dyip ay muling bumusina.
Piip!! Piip!! Piip!!