Return to site

LITRATO

ni: MA. MICHELLE V. VALLES

Mula noon hanggang ngayon ang paborito,

Ang pagkuha ng iba’t ibang litrato,

Iba’t ibang lugar, iba’t ibang anggulo,

Mga alaalang malapit sa ating puso.

At sa tuwing nakakadama ng kalungkutan,

Ang mga litrato ang unang babalikan,

Ang lungkot na nadarama’y agad naiibsan,

Patak ng mga luha’y biglang natitigilan.

Litratong mula sa kapanganakan mo,

Hanggang sa pagsasalita’y unti-unting natututo,

Hanggang sa makalakad at maglao’y makatakbo,

At magkaroon ng maraming kaibigan at kalaro.

Hanggang sa ang puso’y magsimulang suminta

Bawat sandaling magkasama laging nais igunita,

Hanggang sa ikasal at lumakad sa kapilya,

Hanggang sa unti-unting makabuo ng pamilya.

Kasabay nito ay ang pagsabak sa trabaho,

At pagkakaroon ng mga plake at titulo,

Pagpundar ng bahay na may magandang disenyo,

Pati sasakyan at paglalakbay saan mang sulok ng mundo.

Hanggang sa marating ang katandaan,

May puting buhok na simbolo ng kadalubhasaan,

Mga aral sa buhay at sa lahat ng naranasan,

Sa susunod na henrasyo’y ipapas’at iiwanan.

Ang mga litrato ang magsisilbing palatandaan,

Sa lahat ng ating mga pinagdaananan,

Maging gabay nawa sa mga kabataan,

Upang di maligaw sa maling daan.