Return to site

PANGUYANG: BIYAYA NG BAGONG ANI

ni: DR. LINNY J. SEGURA

Tuwing buwan ng Agosto, sa isang bulubunduking pamayanan, sa pinakaunang anihan ng mabangong palay na tinatawag na Bag’o, nagiging abala ang buong pamilya ni Lola Niknik sa paghahanda para sa isang mahalagang ritwal - ang Panguyang. Isa itong sinaunang tradisyon ng kanilang lahi, ang mga Panay Bukidnon, na ginaganap bilang pasasalamat sa mga espiritu ng kalikasan at sa kaluluwa ng mga ninuno para sa malakas na pangangatawan at masaganang ani.

“Simulan na natin ang pagbayo ng Hiraha - ito ay palay na pinausukan sa apoy ng sinibak na kahoy at niluto sa kawali,” utos ni Lola Niknik sa kanyang mga apo na sina Dakdak, Ga’Ga, Pani, Gamay, at Nono.

Pinili nila ang bagong aning bigas, yaong maliliit pa ang butil, malambot kapag naluto, at may amoy na parang bagong sibol na damo at dahon ng pandan. Binayo nila ito nang dahan-dahan, saka niluto sa koron - isang lutuan na gawa sa luwad na lupa upang mapanatili ang kakaibang amoy nito. Ang bigas na ito ay tinatawag na malido.

Habang kumakalat sa hangin ang amoy ng sinaing, sinimulan naman ni Tatay Lando ang pagkatay ng labindalawang manok. Maingat niya itong hinugasan at iniluto nang buo, walang asin at walang rekado. Tanging init ng apoy at taimtim na duruwadi - isang kakaibang panalangin at pakikipag-usap ng mga Panay Bukidnon sa mga kaluluwa at espiritu - ang nagsilbing sangkap.

Isa-isa niyang inilagay ang mga lutong manok sa ibabaw ng Bag’ong kanin, na nakalagay sa simat - isang sisidlang gawa sa dahon ng saging.

“Ang simat ang buhay ng mga manggagawa at estudyanteng Bukidnon,” paliwanag ni Lola Niknik habang inaayos ang lalagyan. “Ito ang nagsisilbing baunan ng mga magsasaka at mga estudyante noong kapanahunan namin. Dahil wala pa noon ang mga plastic na baunan - at kung meron man, hindi namin kayang bumili,” dagdag pa ng matanda.

Hindi rin nawawala sa Panguyang ang limbuk at ubas - mga hilaw na butil ng palay na isinangag at binayo hanggang sa ito’y magnipis at maging malutong. Ang ubas naman ay kabaligtaran ng limbuk. Ito’y mula rin sa hilaw na palay, ngunit isinasangag at hinahayaan munang lumamig bago bayuhin upang hindi magkadikit-dikit ang mga butil. Mayroon itong berdeng kulay at malambot na tekstura. Ipinatong ito sa paligid ng simat.

Sa gitna ng silid, sinimulan na ni Babaylan Pedik ang ritwal. Nakasuot siya ng pulang tela sa ulo, may burdang okir. Hawak niya ang agong, isang instrumentong lumilikha ng malakas at makapangyarihang tunog, habang binibigkas ang panawagan sa mga salaguron - ang mga espiritu ng kagubatan, kaluluwa ng lupa, at mga anito ng kanilang ninuno.

“Kruuuting! Magtambong kamo!”

sigaw ng babaylan habang pinaikutan ng usok mula sa kamangyan ang simat.

Hiniling nila ang masaganang ani, proteksyon sa pamilya, at kagalingan sa lahat ng may sakit.

Pagkatapos ng ritwal at dasal, nagtipon ang buong pamilya sa loob ng bahay. Tahimik. Walang kwentuhan. Isa-isang isinubo ang pagkain. Walang tira, walang ipinamahagi. Ayon sa kanilang paniniwala, lalabas ang biyaya kung ilalabas ang pagkain sa araw ng Panguyang. Ang mga handang ito ay para lamang sa mga espiritu at sa pamilya ng nagpanguyang.

Pagkatapos ng kainan, tumahimik ang buong paligid. Sa amoy ng natirang sangag at usok, alam ng lahat - tapos na ang Panguyang. Sa susunod na anihan na ulit.