Wikang Filipino, salamin ng lahi,
Hibla ng kasaysayan, bigkis ng minimithi.
Malalim na bigkas, na sa ugat ay namumutawi,
Kulturang sagana, bawat diwa'y nabibighani.
Mula Luzon hanggang sa Mindanao,
Iba't ibang tinig, iisang tugon at pananaw.
Pinagbubuklod tayo ng iisang pangarap,
Diwa ng pagkakaisa, katumbas ay paglingap
.
Sinaunang diwa, sa salita'y nabubuhay,
Alamat at epiko, yaman ng paglalakbay.
Kaugalian at aral, sa puso’t isipan ay isinasabuhay,
Gabay ng henerasyon, sa pagkakakilanlan umaagapay.
Sa bawat titik, ang sining ay umuusbong,
Awit at tula, tamis ng damdami'y umuugong.
Pintura at eskultura, kuwento'y ibinubulong,
Ang Wikang Filipino, tulay sa bawat pagsulong.
Huwag nating hayaang ito ay maparam,
Pagkat ito'y ating tatak, salamin ng pinagmulan.
Pagmamahal sa wika, isulong at ating ipaglaban,
Pamana sa bawat diwa, walang humpay na iparamdam.
Wika’y ating itanim, sa silid-aralan ay pagyabungin,
Sa puso ng kabataan, diwa'y sindihan, ating paigtingin.
Pag-ibig sa ating Inang Bayan, sa wika’y paglalimin,
Liwanag ng kinabukasan, lagi nating pairalin.
Kaya't ating ipagdiwang, wika'y dakilain,
Sa puso't isipan, palagi nating pagyamanin.
Sa bawat usal, pag-asa’t pagmamahal ay bigkasin,
Wikang Filipino, isulong at buhayin, ating palaguin.
Sining ng ating pagkatao, gintong wika’y dakilang pamana,
Wika ng mapagmahal na puso, kaluluwa ng iniirog na bansa.
Pag-ibig sa bayang Pilipinas, wikang nagbubuklod ang sandigan,
Wikang Filipino, salamin ng pag-asa’t dangal ng bayang tinubuan.