Bawat isa’y nakararanas ng pagsubok
Ang iba’y lumalaban ang ila’y marupok
‘Pag sa buhay ay dumating ang matinding dagok
Huwag hayaang ang sarili ay tuluyang malugmok.
Nakaiisip ang tao ng masasamang gawain
‘Pagkat kahirapa’y di na kayang tiisin
Problemang kinakaharap ng ilan sa atin
Dahil pagmamahal ay naiwaksi sa damdamin.
Pagmamahal ang tulay sa kapayapaan at pagkakaisa
Mangingibabaw sana sa puso ng bawat isa
Maiiwasan ang paggawa ng gawaing masasama
Tuloy ang pag-unlad ng mahal na bansa.
Kaygandang pagmasdan kapag nagkakaisa
Walang away, walang gulo, kailan matatamasa?
Taos-pusong hiling ng buong madla
Para magkaroon ng payapang bansa.
Ang pagmamahal ay lubhang kailangan
Manaig sana sa puso ng sangkatauhan
Pagmamahalan ang siyang tanging daan
Para sa ganap na kapayapaan.
Kay sarap tumira sa isang bansa
Na may kapayapaan at pagkakaisa
Iniintindi kabutihan ng Pilipinong madla
Kaunlaran ng bansa ay matatamasa.
Pagmamahal ang tanging solusyon
Palaganapin sa buong nasyon
Kaguluhan at krimen sa lipunan ay lason
Walang mabuting naidudulot ang mga iyon.
Gawing sentro ng lahat ang Poong Maykapal
Laging isapuso pag-ibig at pagmamahal
Huwag kalimutang Siya ay mapasalamatan
Sa lahat ng oras ay Siya ang nasasandalan.