Return to site

OPORTUNIDAD NA IBINIBIGAY NG GURO AT KAKAYAHAN SA PAGSASALITA NG FILIPINO NG MGA MAG-AARAL

JOHN RIDAN D. DECHUSA

· Volume III Issue I

ABSTRACT

Ang pag-aaral na ito ay may layuning matukoy ang kaugnayan ng oportunidad na ibinibigay ng guro sa kakayahan sa pasalitang pagpapahayag ng mga mag-aaral sa wikang Filipino. Ang mga kalahok sa pag-aaral na ito ay mga mag-aaral ng Pigcawayan National High School na nasa Grado 9 na tig-iisang seksyon mula sa Special Science Curriculum, Special Program in the Arts Curriculum at Revised Basic Education Curriculum na binubuo ng limamput’ isang mga mag-aaral. Ang pag-aaral na ito ay ginamitan ng disenyong descriptive-correlational.  Lumabas sa pag-aaral na ang oportunidad na ibinibigay ng guro sa pagsasalita ng mga mag-aaral batay sa oras ay may pagkakaiba. Sa kabuuan ay mayroon itong Mean na 2.01 na minuto at standard deviation na 4.06 na minuto. Napag-alaman din na ang kadalasang gawaing pangklasrum na ibinibigay ng guro sa mga mag-aaral ay ang pasalitang pagpapahayag o oral recitation na isa sa pinakagamiting estratehiya ng guro upang makakuha ng ideya o kasagutan mula sa mga mag-aaral tungkol sa paksang tinatalakay sa loob ng silid-aralan. Samantala, sa bilang ng pagkakataon naman ay limang beses lamang na  nakapagsalita ang mga mag-aaral sa gawaing pangklasrum ukol sa pasalitang pagsasanay sa loob ng silid-aralan. Natuklasan din na karamihan sa mga mag-aaral ay bihasang-bihasa sa pagsasalita dahil sa frequency count nitong 35 katao o 68.63% ng mga respondente at wala namang naitala na hindi bihasa sa aktuwal na pagsasalita. Sa kabuuan, lumabas sa pag-aaral na ang bilang ng oportunidad na ibinibigay ng guro ay may makabuluhang kaugnayan sa kakayahan sa pagasasalita sa Filipino ng mga mag-aaral. Nangangahulugan din ito na sa bawat pag-angat ng bilang ng oportunidad na ibinibigay ng guro ay umaangat din ang kakayahan sa pagsasalita ng mga mag-aaral sa Filipino.

Keywords: Oportunidad, Guro, Kakayahan sa Pagsasalita, Filipino, at Mag-aaral

KABANATA I

 Intorduksiyon / Rasyunale

Hindi maikakaila na sa loob ng paaralan nahahasa ang kakayahan ng isang mag-aaral. Nalilinang sa loob ng klasrum hindi lamang ang intelektuwal na aspeto gayundin ang ispirituwal at pisikal na aspeto ng mag-aaral. Kaya kinakailangan na maging buo ang pag-unlad (wholistic development) ng bawat mag-aaral upang maging handa sa mga hamon na kanyang susuungin sa buhay.

Dahil dito, malaki rin ang ginagampanang papel ng mga guro para hubugin ang kakayahan ng isang mag-aaral sa aspetong may kinalaman sa akademikong kakayahan. Ang bawat oportunidad na pangklasrum na ibinibigay ng guro sa mga mag-aaral ay higit na kapaki-pakinabang upang makamit ng mga mag-aaral ang tiwala sa sarili at kaalaman.

Isa sa mga oportunidad na maaaring maibigay ng isang guro sa mga mag-aaral ay ang oportunidad sa pagsasalita. Batay nga sa pahayag nina Cazden et al.,  (1995) na ang guro ay may kontrol sa nilalaman at istruktura ng komunikasyon sa loob ng silid-aralan. Dagdag pa nila, ang partisipasyon ng mga mag-aaral sa pasalitang pagpapahayag ay maaaring hubugin ng isang guro.

Kabilang sa mga oportunidad na ito ay ang oras na nailalaan sa pasalitang pagpapahayag ng mga mag-aaral sa tulong ng mga pinag-iba-ibang mga gawain (differentiated instruction) na maaaring humubog at humasa sa kakayahan ng mga mag-aaral sa pagsasalita ng wikang Filipino. Ang mga gawaing pangklasrum ukol sa pasalitang pagsasanay ay kinapapalooban ng mga pag-uulat, pagsasadula (role playing), pasalitang pagpapahayag (oral recitation), malayang talakayan, talumpati, debate, pagkukuwento at iba pa.

Sinabi ni Carpio et al., (2012), sa pagbanggit naman nina Castillion et.al, (2016) na sa pakikipagkomunikasyon ng tao sa anyong berbal o anyong di-berbal, ang kanyang kakayahan sa larangan ng pagpapahayag ay lagi nang nasasangkot. Sa kahusayan niya sa pagpapahayag nakasalalay ang linaw ng mensaheng nais iparating sa kanyang kapuwa. 

Nararapat din na magkaroon ng kasanayang komunikatibo ang mga mag-aaral (K to 12 Filipino Gabay Pangkurikulum, Disyembre 2013). Sa kasalukuyang kurikulum ito ang isa sa mga kasanayang kailangang linangin sa mga mag-aaral. Ang mga mag-aaral sa grado 9 ay inaasahang malinang ang kasanayan sa pagsasalita sa bawat modyul, at ilan sa mga kompetensi sa kasanayang ito ay ang naipahahayag ang sariling pananaw tungkol sa isang napapanahong isyu sa talumpating nagpapahayag ng matibay na paninindigan. 

Ngunit ayon sa pag-aaral ni Lazaro (2011), tahasang ipinahayag na kulang ang kasanayan sa pagsasalita ng mga mag-aaral. Kung kaya’t nais pag-aralan ng mananaliksik ang katotohanan sa likod ng problema ng mga mag-aaral sa pagsasalita at ang kaugnayan ng oportunidad na ibinibigay ng guro sa pasalitang pagpapahayag ng mga mag-aaral.

see PDF attachment for more information