Return to site

MGA NILALANG SA GUBAT

ni: MA. MICHELLE V. VALLES

Sa maliit na nayon ng Paraiso, na napapaligiran ng luntiang palayan at matatayog na puno ng niyog, nakatira ang isang masayahin ngunit makulit na batang lalaking si Mio. Si Mio ay kilala sa kanyang pagiging mausisa at mahilig sa pakikipagsapalaran, ngunit minsan ay hindi niya iniisip ang mga kahihinatnan ng kanyang mga aksyon. Minsan pumupunta siya sa gubat upang sumira ng mga pugad ng ibon o ng mga maliit na halaman.

Isang mainit na hapon, habang naglalaro ng habulan sina Mio at ang kanyang mga kaibigan, nakita niya ang isang malaking punso sa tabi ng isang matandang puno ng balete. Ang punso ay natatakpan ng mga luntiang damo. Nilapitan ni Mio ang punso at inisip kung ano ang nasa loob nito. Dahil sa kagustuhang malamang ang nasa loob nito ay sinipa niya ito ng malakas.

"Aray!" Isang maliit na tinig ang umalingawngaw mula sa loob ng punso. Isang maliit na nilalang, na may mahabang balbas at matabang tiyan, ang unti-unting lumitaw. Ito ay ang Nuno sa Punso, ang tagapangalaga ng punso. Nanlilisik ang mga mata nito dahil sa sakit at galit. "Bata! Hindi mo ba alam na may nakatira rito? Sinira mo pa ang aking tahanan!"

Natakot si Mio. Tumakbo siya papalayo, ngunit parang may kung anong pumipigil sa kanyang mga paa. Ang tungkod ng Nuno sa Punso ay nakapulupot sa kanyang mga binti! Anuman ang gawin niya, hindi siya makatakas.

"Patawad po, Nuno! Hindi ko po alam na may nakatira rito! Patawarin niyo na po ako!" pagmamakaawa ni Mio.

Naawa ang Nuno sa Punso sa pagsisisi ni Mio. Pinakawalan niya ang bata, ngunit hindi bago bigyan ng babala. "Tandaan mo ito, bata! Dapat mong igalang ang kalikasan at ang mga nilalang na naninirahan dito!"

“Opo” tugon niya sabay kumaripas ng takbo pauwi. Sa kalapit na puno ay may nakatirang Tikbalang, isang nilalang na kalahating tao at kalahating kabayo at nakita niya ang buong pangyayari. Naawa ito sa nuno kaya pinarusahan niya sa Mio. Kahit anong takbo niya ay hindi niya mahanap ang daan pauwi. Sa sobrang pagod ay naupo siya sa ilalim ng isang mayabong na puno at saka umiyak ng malakas. “Inay, Itay tulungan po ninyo ako.” Ang paulit-ulit niyang sambit ngunit walang dumating upang saklolohan siya. Malapit ng dumilim kaya lumuhod siya at nagdasal, “Panginoon, tulungan mo po akong makauwi at pagkatapos ay ipinapangako ko po na magiging mabuting bata na.”

Sa di inaasahang pagkakataon ay may napadaan na grupo na mangangahoy na bumaba galing sa bundok. Nakita nila si Mio na nakaluhod kaya nilapitan nila ito. “Mio, ano ang nangyari sayo.” Bumalahaw ng iyak si Mio nang makita si Mang Renato. “Nawawala po ako, Mang Renato. Hindi ko po mahanap ang daan pauwi.” “Naku, iho, malayo nga itong narating mo. Baka ikaw ay napaglaruan ng Tikbalang. Hala baligtarin mo ang iyong damit at ihahatid ka na namin pauwi.”

Inabot ng gabi sa gubat sina Mio at ang grupo ni Mang Renato. Sa kanilang paglalakad ay nakita nila na may usok sa di kalayuan. Nilapitan nila ito akala ay may nawawala uling mga tao ngunit pagdating nila doon ay nakaamoy sila ng isang mapanghing amoy. Natunton nila ang pinagmumulan ng usok. Mula ito sa puno ng Mangga at may parang higante na mapulang mapula ang mata na nagkukubli sa mga mayayabong na dahon nito. Nagkaroon din ng mga usok ang mga katabing puno nito. “Mga Kapre iyan mga kasama. Halina kayo bago pa natin magambala sila ng husto.”

Dali-dali silang umuwi sa kanilang nayon. Nang makita ni Mio ang kanilang barong-barong ay nagpasalamat siya sa grupo ni Mang Renato sa paghatid sa kaniya pag-uwi at pagkatapos ay tumakbo na halos maubos ang kanyang hininga. Nang makita niya ang kanyang mga magulang, niyakap niya sila ng mahigpit, nanginginig sa takot. Nang tanungin siya ng kanyang mga magulang, hindi agad siya makapagsalita. Ikinuha siya ng kaniyang ina ng isang basong tubig at nang mahimasmasan ay ikinuwento niya ang mga nangyari sa kaniya sa gubat.

Nag-alala ang kanyang mga magulang. Sinabi ng kanyang ama na pupunta siya sa gubat upang humingi ng tawad sa Nuno sa Punso, ngunit wala siyang nakita kundi isang sira-sirang punso.

Kinagabihan, nilagnat ng sobrang taas si Mio. Dahil hindi pa rin bumababa ang kanyang lagnat nang s na araw ay dinala siya ng kanyang mga magulang kay Apong Pablo na isang kilalang albularyo sa kanilang nayon.

Gamit ang isang kandila at kutsara, gumawa si Apong ng isang ritwal. Tinunaw niya ang kaunting kandila at ibinuhos ito sa isang maliit na lalagyan ng tubig. Isang nakakagulat na imahe ang nabuo – ang hugis ng isang Nuno sa Punso!

"Ang anak ninyo ay nakasakit ng isang Nuno sa Punso," paliwanag ni Apong. "Mag-alay kayo ng pagkain sa punso – isang maliit na platito ng kanin, ulam, at prutas – bilang paghingi ng tawad."

Sinunod ng mga magulang ni Mio ang payo ni Apong. Kinaumagahan, nawala na ang lagnat ni Mio at bumalik na ang kanyang sigla. Natuto si Mio sa kanyang karanasan. Mula noon, naging mas maingat at mas magalang na siya sa kalikasan at sa lahat ng nilalang, maliit man o malaki.