Return to site

BAHAY KUBO NINA LOLO

AT LOLA

MA. MICHELLE V. VALLES

Tuwang tuwa ako sa bahay kubo nina Lolo at Lola sa probinsya. Bukod sa malamig at sariwa ang simoy ng hangin ay maganda at malinis pa ang kapaligiran. Ang kubo ay nasa gitna ng isang malawak na bukirin. Matatanaw mula rito ang bundok na tila bahagi ng kalangitan sapagkat natatakpan ang tuktok nito ng mga ulap. Ayon sa mga nakatira doon ay may naninirahan doon na isang mabait na diwata na siyang tagapangalaga ng bundok.

Sa paanan ng bundok na ito kami naglalaro ng aking mga kaibigan. Naglalaro kami ng patintero, piko at tumbang preso. Kapag kami ay napagod na sa paglalaro ay umaakyat naman kami sa mga puno tulad ng bayabas, mangga at kaymito upang kumain at umiinom kami ng malinis at malamig na tubig mula sa kalapit na ilog. Minsan ay lumalangoy naman kami sa dagat. Dahil sa aking mga kalaro, natuto akong sumisid na nagbigay daan upang makita ko ang kahali-halinang mundo sa ilalim ng dagat. Mayroong magagandang mga korales at iba’t ibang mga isda na sumasabay sa aming paglangoy.

Isinakay din ako ni Lolo sa kaniyang alagang kalabaw. Mahal na mahal niya ang kaniyang kalabaw sapagkat ito ang kaniyang katuwang sa bukid. Sa bukid nagtatanim ang Lolo ng palay, pechay, mais at maraming iba pa. Habang nagtatanim ang Lolo, si Lola naman ay nag-aalaga ng mga hayop tulad ng manok, bibe at baboy. Tinuruan naman ako ng Lola magpakain ng kanyang mga alagang hayop. Tinuruan din niya akong kumuha ng itlog ng manok at bilang pabuya ay lulutuan niya ako ng nilagang itlog.

Isang araw, isinakay ako ni Lolo sa kaniyang bangka at tinuruan niya ako mamingwit ng isda. Nilagyan namin ng pain ang pamingwit, naghintay saglit at nang gumalaw na ito ay labis akong nagalak dahil tiyak na na may isda kaming mabibingwit. Nang mapuno na namin ni Lolo ang maliit na timba ay umuwi na kami. Masayang masaya naman kaming sinalubong ng aking Lola. Ang nahuli naming isda ay iniluto ni Lola. Namitas lamang siya ng mga gulay sa bakuran at ginawa niya itong tinolang isda na talaga namang napakasarap at napakalinamnam. Sabi ng Lola ay manamis-namis ang lasa dahil sariwa ang isda. Sa gabi naman bago matulog ay tinitimplahan nila ako ng mainit na gatas at pagkatapos ay sabay-sabay kaming nagdarasal sa Diyos upang magbigay papuri at pasasalamat sa lahat ng kaniyang pagpapala. Magkakatabi kaming natutulog sa papag. Noong una ay nahirapan akong matulog dahil sumasakit ang likod ko ngunit nang maglaon ay nasanay din ako. Nakakatuwa din ang tunog ng mga kuliglig na tila hinihele ako sa aking pagtulog.

Di ko napansin na lumipas na pala ang buong bakasyon. Noong una ay hinahanap-hanap ko ang aking selpon at wifi ngunit dahil walang signal sa probinsya ay hindi ko rin ito nagamit. Kailangan pang pumunta sa bayan para lamang makasagap ng signal.

Sa sandaling panahon na nanatili ako sa bahay kubo ay natutunan ko na ang mundo ay isa talagang napakasayang lugar dahil sa dami ng pwede mong gawin at matutunan kasama ang iyong pamilya at mga kaibigan. Umuwi akong baon ang masasayang ala-ala at bagong mga kaalaman na maari kong ibahagi sa aking mga kaibigan sa siyudad salamat sa aking pinakamamahal na Lolo at Lola.