Alas tres ng hapon, kauuwi ng mag-ina galing sa libing ni Lola Basyon. Nanibago sila pagpasok ng bahay, napakatahimik kasi nito, ibang-iba sa nagdaang tatlong gabi na puno ng mga kaibigan at kamag-anak na nakikiramay. Wala ng laman ang silid kung saan inilagay ang kabaong ni Lola Basyon at nakasalansan na din ang mga upuan at mesang ginamit sa lamay. Tanging ang nakangiting larawan lamang na dating nakalagay sa taas sa kabaong nito at ang krus na pilak na nasa tabi nito ang natirang ala-ala sa mga gabing iyon.
Unang pinuntahan ni Maria ang larawan na iyon at niyakap nang mahigpit. Pagkatapos ay pinagmasadan niya ang larawan at dahan-dahang tumulo na ang mga luha ng hindi niya napapansin habang sinasambit ang “Wala na talaga ang aking Lola, wala na…”
Biglang bumalik sa kaniyang ala-ala ang malabing na tinig ng kaniyang lola tuwing umaga. Pupunta ito sa kaniyang silid at sasabihing “Maria, apo, halika na at luto na ang paborito mong champorado.” At muli pa itong babalik kapag hindi agad bumangon si Maria para kumain. Naalala rin niya ang panahong siya ay may sakit. Walang sawang pinapilitan ng lola ang bimpo sa kaniyang noo at pagkatapos ay hinihilot ang kaniyang ulo hanggang siya ay makatulog. Naalala rin niya ang panonood nila ng teleserye sa gabi. Paborito nila ang “Marimar” kung saan ang bida ay si Marian Rivera at Dingdong Dantes. Dahil sa labis na kagustuhan nila sa palabas ay pinangalanan nilang Pulgoso ang tuta na ibinigay ng kapitbahay kay Lola Basyon na ibinigay naman niya kay Maria. Mahal na mahal ni Maria ang kaniyang lola at hindi niya alam kung paano magpatuloy sa buhay ng wala siya.
Nabalik si Maria sa kasalukuyan nang may humawak sa kanyang balikat. “Halika, anak, mag-meryenda na muna tayo,” sabi ng kanyang ina.
Nakita pala ni Janeta ang labis na kalungkutan ng anak kaya't naisipan niyang magluto ng champorado. Napangiti ng bahagya si Maria nang maamoy niya ang champorado. Mas espesyal na ngayon ang pagkaing ito sa kaniya. Sa bawat higop at pagkain niya nito ay parang nararamdaman niya muli ang init ng pagmamahal ng kaniyang Lola.
Natigilan sila sa pagkain nang biglang bumukas ang pinto, ngunit wala namang tao. Nang isasara na ni Maria ang pinto, nakita niya si Lola Basyon nang ilang sandali, nakasuot ng puti, papalapit sa kanya upang yakapin siya. “Lola!” ang masayang bati ni Maria ngunit pagyakap nito ay bigla itong nawala. Tanging malamig na hangin na lamang ang naramdaman niyang humaplos sa kaniyang buong katawan kaya naisip niya na guni-guni lamang niya iyon. Kinilabutan naman ang kaniyang ina ngunit hindi na nagpahalata.
Hindi masyadong malapit si Maria sa kaniyang ina palibhasa ay sanggol pa lamang ito ng iwan siya ng kaniyang ina sa kaniyang Lola. Iniwan din kasi sila ng kaniyang ama kaya ang naisip na paraan ni Aling Janeta ay mangibang bansa.
Sa litrato na lamang niya nakitang lumaki si Maria. Para sa kaniya ay mas mahalaga na lumaki ito ng maayos at nakakapag-aral kaysa ang magkasama nga sila ngunit wala naman silang makakain. Nagtrabaho bilang Overseas Filipino Worker (OFW) si Mommy Janeta doon. Mahirap ngunit kinaya niya para sa kaniyang ina at anak. Bihira siyang umuwi. Para sa kaniya kaysa ipamasahe e ipadala na lamang niya sa kaniyang ina at anak.
Maya-maya ay natigilan silang muli sa pagkain nang biglang may kumatok sa pinto. Kabadong nagtungo si Mommy Janeta sa pinto upang buksan ito ngunit nakahinga rin ng maluwag nang makita si Aling Pacing, ang matandang namumuno sa padasal sa kanilang nayon. “Pasensiya na sa abala, Janeta. Sasabihin ko lang na ang padasal para sa kaluluwa ng iyong ina ay gaganapin mamayang ala-sais ng hapon. Magsasama rin ako ng ilang kaibigan ng iyong nanay para samahan tayo sa pagdarasal.” “May padasal pa din po pala pagkatapos ng libing?” usisa ni Janeta. “Aba’y oo naman, Janeta. May paniniwala tayong mga Katoliko na ang mga kaluluwa ng mga namatay ay maaaring nasa purgatoryo, isang lugar kung saan nililinis ang kanilang mga kasalanan upang makapasok sila sa langit. Ang padasal o panalangin para sa mga namatay ay itinuturing na isang paraan ng pagtulong sa kanila sa kanilang paglalakbay patungo sa langit,” paliwanag ni Aling Pacing. Ngumiti at nagpasalamat si Janeta at inihatid si Aling Pacing sa gate.
Matapos ang padasal, nagpakain sina Janeta bilang pasasalamat sa mga dumalo. “Tatlong araw nating gagawin ito, Janeta. Hindi naman sa tinatakot ko kayo, ngunit naniniwala kami na ang kaluluwa ng mga namatay ay pumapasyal sa loob ng tatlong araw.” Natigilan ang mag-ina dahil naghalo ang tuwa at takot sa kanilang dibdib sa sinabi ni Aling Pacing.
Di nga nagkamali si Aling Pacing dahil nang tumunog ng alas-tres ng madaling araw ang malaking lumang orasan sa sala, nakarinig sila ng mga yabag ng paa na naglalakad sa labas ng kanilang kuwarto at ang tunog ng tungkod na patungo sa kuwarto ni Lola Basyon. “Narito si Lola!” sabi ni Maria at dali-daling lumabas ng kuwarto at binuksan ang ilaw, ngunit wala namang tao sa labas. Ang nakita lang ay ang magkahiwalay tsinelas ni Lola Basyon na tila may nagsuot nito at ang mabangong amoy ng pabango ng kaniyang Lola. Malungkot na bumalik si Maria sa kaniyang kama, niyakap ang kaniyang ina at sabay na natulog.
Paborito ni Aling Basyon ang kaniyang bakya, bagay sa kaniyang paboritong maluluwag na daster. May gamit ng tungkod si Lola Basyon sapagkat sa tuwing sinusumpong ito ng rayuma ay nahihirapan siyang maglakad. Marahil ito ay dal ana rin ng katandaan dahil nararamdaman din ito ng mga ibang “Senior Citizen” na kaibigan ni Lola Basyon sa kanilang lugar.
Sa pangalawang araw, sa ganap uli ng alas-tres ng umaga ay may naglilinis sa kusina. Naririnig nila ang tunog ng tubig na tila may naghuhugas ng plato. Naririnig din nila ang kalampag ng mga plato at baso patungo sa lagayan. Hindi na lumabas si Maria dahil maging siya ay nakaramdam din ng takot. Lalo pa silang kinilabutan ng biglang nangamoy kandila sa kanilang kuwarto. Nagtalukbong na lang ang mag-ina at nagdasal ng Ama Namin hanggang sa sila ay makatulog. Paggising nila ay basa nga ang lababo at maayos ang mga plato at baso sa lagayan nito.
Talagang malinis sa bahay si Lola Basyon. Lagi niyang sinasabi kay Maria na ang bahay ay repleksiyon ng mga nakatira dito kaya dapat panatilihin itong malinis. Kumukutitap din sa puti ang kanilang palikuran. Maari din magsalamin sa kintab ng sahig. Namana na ito ni Maria dahil gusto din niya na laging malinis ang kanilang bahay.
Sa pangatlong araw ay nanonood ng pelikula ang mag-ina hanggang alas dose ng gabi. Ngunit nagising muli sila nang alas-tres ng umaga nang may narinig silang tunog mula sa Singer Sewing Machine ng kaniyang Lola na tila nanahi. Hindi na nila ito pinansin, marahil sa sobrang antok at puyat na rin noong mga nakaraang gabi. Paggising nga nila kinabukasan, may nakakalat na piraso ng tela sa labas at ang punit na damit ni Maria ay nakatahi na.
Magaling na mananahi ang Lola Basyon. Naalala ni Maria na tuwing kaniyang kaarawan ay ipinagtatahi siya ng kaniyang lola ng magagandang bestida at binibilhan pa ng sapatos. Ayaw ng kaniyang Lola na nagsusuot siya ng butas na damit. Agad na itong tinatahi ng kaniyang lola kaya ang mga damit ni Maria ay mukhang bago palagi.
Niyakap ni Maria ang kaniyang damit at nagpasalamat sa kaniyang Lola. Di na muling nagparamdam si Lola Basyon sa mag-ina. Nakatitiyak sila na na nagpunta na ang kaluluwa kaniyang kaluluwa sa Langit at masaya na siya kasama ang Panginoon nating Diyos.