Return to site

IKAW AT AKO: HIRAYA NG WIKA NG FILIPINO

ni: MA. AURORA R. TUMBAGA

Kung ating lilingunin, mga tinahak at naging bakas ng ating mga paa,

masasabi ba nating ang paglalakbay na ating nagawa ay sadyang sapat na?

Ikaw at ako, sa kasaysayan ba ay nag- ukit na ng pambihirang tala?

May naiambag na ba tayo sa lipunang nababalot ng mayabong na adhika?

Subukang balikan sa gunita, maging sa puso ng mga unang sibol ng henerasyon.

Hindi ba’t ang pagsilang ng isang bayan ay nakadibuho sa kaniyang bisyon at misyon?

Ang kaniyang kinang, tatag at ganda ay pinapanday ng panahon

at ng wikang pundasyon,

maging ng pagkakakilanlang kultura at ng kasaysayang bumubuklod sa iisang layon.

Ang isang nasyon na ang layag ay ang wikang minamahal,

hindi kailanman maibubulid o matatangay ng hangin at hindi mapapagal.

Ang paglalakbay tungo sa kaunlaran ay mahahabing makulay at sakdal.

Ang natatanaw ay tagumpay na singkislap ng araw at disenyong magtatagal.

Ikaw at ako, na balot ng pagkakayumanggi at ng nagisnang wika,

ang halaga ng papel na ating gagampanan ay hindi maitatatwa.

Tayong lahat na pawang hiraya ng wika – ng Filipino na binibigkas at sinasalita,

kung sama- sama tayong magtataguyod, tagumpay ay di maikakaila.

Sa sama- sama nating pangarap at walang humpay na pagsusumikap,

kaunlaran ay abot- kamay, matatag na lipunan ay gagap at yakap.

Susi ay wikang tila sa obramestra ay isang mahalagang elemento at sangkap,

tila mapanuyong awit at melodiya, na puso ang sumasambit at nangungusap.

Kung kaya, ikaw at ako, mangarap, magalak at sa daang nakaamba

ay kapit- bisig na tumalunton.

Sandata ang wika, huwag matakot magpadala sa hangin na tulad ng mga dandelyon.

Sapagka’t sa pagdaan man ng panahon at kahit saan pa mang direksyon,

tayo ay bigkis ng wikang tila maningas na pugon.

Kimkim natin ito sa puso, na katumbas ng sanlaksang hiling at mga tugon.

Sa bisa ng wikang, noon at ngayon ay ating minamahal

at pinagyayaman,

walang puwang ang pagkakawatak- watak at pagpinid ng kaisipan.

Sabay- sabay na hahakbang, mga pangarap ang sandigan.

Sa landasin ay gabay ang magkakaisang pusong

hangad na mga hamon ay mapagtagumpayan.

Ikaw at ako na hiraya ng wikang sinisinta,

tayo ang huhulma sa mga bangang sisidlan ng sakdal na pagkakaisa.

Tayo ay sabay- sabay sa indak at padyak ng mga paa.

Mga puso natin ay lulukso sa galak bunsod ng matatag na bansang

may isang wika at may lambong ng pagkakaisa.