I
Sa lilim ng mabungang punong mangga
Magkakaibigan ay masayang nagkitakita
Noon, kapag malayo sulat ang kausap,
Ngayon, emoji’t chat lang ang katapat.
II
Noon ay Baybayin, QR na ngayon,
Hashtag ang uso sa bagong panahon.
‘Kumusta?’ sa chat ay lumilipad,
Sa pulang notif, madalas napapaigtad.
III
Petmalu, Sanaol, pati na si Marites,
Sa chika ng bayan, kultura’y bumebest.
Kahit may AI, bot, o chatbot na kasabay,
Wikang katutubo, sa puso’y buhay na buhay.
IV
Sa vlog o sa TikTok, kahit livestream man,
Patuloy ang himig at kwento ng bayan,
Kung dati harana gamit ay pluma’t gitara,
Ngayon lo-fi beats ang siyang kasama.
V
Tipa sa keys o sa cloud man itala,
Kasaysayan natin, wika ang dala.
Hinabing salita ng ating mga ninuno,
Di mawawala saan mang dako’t dulo.
VI
O Wikang mahal, tanglaw ng sinta,
Sa pixels, sa codes, ikaw ay dakila.
Habang may ‘Sanaol’ at ‘Salamat po,’
Wikang Filipino’y buhay, totoo.
VII
Si Gat. Jose Rizal kailan ma’y hindi nabigo,
Ang wikang sarili, sa puso ng Pilipino.
Sa bawat pagbabago, sa agos ng agham,
Wikang Filipino’y di kukupas kailanman.