Return to site

SI ALFREDO AT ANG PUNO

NG KAKAW

ni: FLORDELIZA R. DIGNO

Noong unang panahon, sa isang hindi kilalang nayon ay may nakatirang isang matandang binatang nagngangalang Alfredo. Siya ay nagmamay-ari ng isang malawak na taniman ng puno ng kakaw. Hitik na hitik ang mga ito sa bunga. Dahil hindi naman ito masyadong binibili sa kanilang lugar ay ipinamamahagi na lamang niya ang mga ito sa kaniyang mga kapitbahay o kaya naman ay dinadala niya ang mga ito sa kaniyang mga kakilala sa karatig-bayan. Labis naman ang kasiyahan ng mga tao sa tuwing siya ay may-ani sapagkat matamis ang bunga ng mga ito. Ngunit dahil sa dami ay hindi na malaman ni Alfredo kung saan niya dadalhin ang mga labis na bunga. Mula sa kanyang malalim na pag-iisip ay napagpasiyahan na lamang niyang putulin ang ilan sa mga puno at taniman ng ibang pananim upang kumita siya ng salapi.

Kinabukasan ay maaga siyang nagtungo sa kanyang taniman. Habang nag-aani ay napansin niya ang kakaibang hugis ng isa sa mga bunga nito. Pinagmasdan niya itong mabuti. Hindi normal ang laki sa mga katabing bunga. Mas mahaba ito ng limang pulgada at mas malapad ng isang dangkal. Napailing na lamang siya sapagkat noon lamang siya nakakita ng ganoon kalaking bunga mula sa kanyang mga tanim. Labis man ang pagtataka ay minabuti niyang bumalik na lamang sa pamimitas upang hindi siya abutin ng tanghali. Hindi pa man siya nakakalayo mula sa puno ay bigla na lamang bumagsak ang malaking bunga at lumabas ang napakaraming alitaptap. Hindi niya mawari kung bakit may alitaptap gayong umaga pa lamang. Walang anu-ano ay lumundag ang isang munting nilalang mula sa bunga. Napaiktad sa pagkabigla si Alfredo. Nanggilalas ang kanyang mga mata at hindi makagalaw mula sa kanyang kinatatayuan.

Nang mahimasmasan ay sandaling naupo at sumandal sa puno. Putlang putla pa rin ang kanyang itsura.

“Magandang Umaga Alfredo!” bati ng isang maliit na tinig.

Nais sumagot ni Alfredo ngunit walang lumalabas na anomang salita sa kanyang mga labi.

“Ako nga pala si Onso” muling bulalas ng munting nilalang habang lumulundag-lundag at paikot-ikot sa kanyang paanan.

“Nais mo bang pagkakitaan ang iyong mga tanim?” tanong ng munting nilalang.

“O-opo” impit at bahagyang tugon ni Alfredo na bakas parin ang kaba.

“Kung gayon ay pitasin mong lahat ng hinog na bunga at ituturo ko sa iyo kung paano ka kikita ng salapi mula sa mga bungang ito”.

Walang hinintay na sandali si Alfredo at dali-daling pinitas ang mga hinog na bunga ng kakaw. Nang mapitas niyang lahat ay binalikan niya ang munting nilalang. Naabutan niya itong namamahinga sa ilalim ng puno ng kakwate. Nang magising ito ay agad nitong sinabi kay Alfredo ang mga dapat gawin. Nang maibilin lahat ang dapat ibilin ay naglaho itong parang bula. Agad naming umuwi si Alfredo at sinimulang gawin ang mga iniutos sa kanya ng maliit na nilalang.

Inipon niyang mabuti ang lahat ng buto, pagkatapos ay pinatuyo, sinangag at dinikdik at hinugis na parang malalaking tabletas. Dito nagmula ang isang uri ng tsokolate. Ibinahagi ni Alfredo sa kanyang mga kapitbahay ang kanyang natuklasan at sinimulan itong gawing hanapbuhay. Binenta niya ito sa halagang dalawampung piso.

Naging masigasig si Alfredo kaya nakilala ang kanyang produkto sa ibang bayan. Tinawag itong tablea ng isang dayuhan dahilan sa hugis nito.

Lumipas ang mga taon at patuloy na naging matagumpay ang negosyo ni Alfredo. Ngunit isang araw, dumating ang isang hindi inaasahang pangyayari. Natuyot ang mga puno at wala na siyang makuhang bunga mula rito.

Muling nagpakita sa kaniya si Onso. Tinanong niya ang munting nilalang kung bakit wala na ang mga bunga ng kakaw. Nauubos na ang kaniyang mga paninda at malapit na ring maubos ang kaniyang salapi. Sumagot ang munting nilalang,

“Ang bawat puno ay may nakatagong kayamanan, Maghintay ka lamang at muling babalik ang mga ito.” Pagkawika nito ay naglaho nang muli si Onso. Umuwi namang balisa si Alfredo at matamang iniisip ang sinabi ng kanyang kaibigan.

Naghintay ng ilang araw si Alfredo ngunit wala paring bunga ang mga kakaw. Kailangan niyang gumawa ng paraan. Dali dali niyang tinungo ang taniman at hinukay ang bawat puno sa pag-aakalang makakahukay siya ng ginto tulad ng tinuran ni Onso. Nahukay na niya hanggang ugat ngunit wala siyang makitang bakas ng anomang kayamanan. Nilinlang siya ni Onso naisaloob niya. Sa labis na galit at pagod ay pinutol niya ang mga puno. Laking gulat niya nang makita ang mga ginto at salapi sa gitna ng mga ito. Pinaghahampas niya ang mga puno at lalong dumami ang lumabas na kayamanan mula rito.

Maya maya ay nakaramdam ng kakaiba si Alfredo. Unti unting umangat ang lupa at lumabas muli ang maraming alitaptap na may pulang mga ilaw. Nagulat si Alfredo sa kanyang nasaksihan. Dumami ang mga kauri ni onso ngunit hindi nalamang ito lumulundag mayroon ding mga lumilipad.

Nabingi si Alfredo sa labis na takot. Habang niyayanig ng lindol ang kanyang paligid unti unting ibinalik ng mga munting nilalang ang mga punong pinutol ni Alfredo. Hindi niya malaman ang gagawin. Natabunan siya ng lupa kasama ang kaniyang salapi. Nagwika ang langit.

"Binigyan kita ng pagkakataon Alfredo ngunit nagpalinlang ka sa iyong mga kagustuhan hindi mo inisip kung hanggang saan ka lamang." Mula roon ay tuluyan nang nalibing si Alfredo.

Lumipas pa ang mga taon muling bumunga ang mga kakaw. Sa gitna ng taniman ay may tumubong malaking tumpok ng lupa na parang isang punso. Sa loob nito ay naroon ang maliit na mga nilalang. Ang mga maliliit na nilalang na ito ay mga taong nagpalinlang sa kanilang mga luho at kagustuhan kasama na rito si Alfredo.

Dahil sa biglaang pagkawala ni Alfredo, inisip ng marami na si Alfredo ay nasa loob ng punso. Sa tuwing may mapapadaan ay napapasabi sila ng “Ay! Punso”. Ito na rin marahil ang pinagmulan ng pangalan ng kanilang bayan na “Aypunso” na sa kalaunan ay tinawag na “Alfonso”.