Dalawang libo't limang daang piso
Katumbas ng dalawang linggong kayod at siphayo
Sa bawat likod na maghapong nakayuko
At patak ng pawis na dumidilig sa tubo
Habang ang asukal ay pumuputi sa pamilihan
Nangingitim naman ang aming kinabukasan
Ito ang tanong na nakabaon sa lalamunan:
Kailan diringgin ang daing na katarungan?
Ang bulong sa bukid, naging sigaw sa bayan
May mga kamay nang kumakalinga
May mga tinig nang nakikiisa
Dala ang wika ng pag-asang tatapos sa pait ng sakada
Sa pagkakabuklod ng lahat at paninindigan
Wawakasan ang sistemang gahaman
Boses natin ang magpapalaya
Sa tanang nagtiis sa hirap at dusa
Sa paglubog ng araw sa malawak na asyenda
Hindi na luha ang babagsak sa lupa
Kundi ngiti, ginhawa, at bagong simula
Para sa ani at bukas na hindi mapait sa dila