“Uy Ahkhleng! Babae ka ba o lalaki?” sigaw ng kapitbahay na si Marco isang umaga. “O baka bakla ka?”
Napahinto si Ahkhleng.
Sa isang maliit at simpleng bahay na yari pagmamahal at pag-asa, nakatira ang pamilya nina Mang Baksi at Aling Banel kasama ang kanilang apat na anak. Ang pangalawa sa magkakapatid ay si Ahkhleng.
Si Ahkhleng ay mabait, masayahin, matalino, at masipag mag-aral. Bata pa lamang ay alam na niyang kakaiba ang kilos niya mas malambing, mas malikhain, mahusay sumayaw at mas pusong babae. Subalit may pagkakataon siyang nagiging mayabang dahil sa panunukso sa kanya ng iba. Siya din ay sumasagot sa matatanda. At iyon ay tinanggap ng kanyang ama.
Isang araw habang sumasayaw siya sa sala, nakangiting sinabi ng kanyang ama,
“Anak, kung saan ka masaya… doon ka. Ikaw si Ahkhleng ko.”
Parang kumislap ang mundo ni Ahkhleng.
“Talaga po, Tay? Mahal na mahal ko po kayo!”
Mula noon, ang pangalang “Ahkhleng” ay naging simbolo ng pagtanggap.
Hindi perpekto si Mang Baksi. Hindi siya nakapagtapos ng pag-aaral at madalas nakatuon siya sa paghujeuteng. Ang kinikita niya ay inilalaan niya sa pamilya. Minsan ay nadidistino pa sa malalayong lugar Pangasinan, Baguio, Calamba. Ngunit sa kabila ng lahat, mahal na mahal niya ang kanyang pamilya.
“Hindi ako perpekto, Ahkhleng, pero mahal kita, kayong magkakapatid,” madalas niyang sambit.
Si Aling Banel naman ay masayahin, mapagmahal na ina, at tahimik ngunit matatag. Isang nagtapos ng Commerce na piniling magtinda ng inihaw at ulam upang maalagaan ang pamilya. Hindi alam ng marami, may sakit siya sa puso at may diabetes. Madalas siyang hinihingal, ngunit itinatago niya ito sa likod ng ngiti.
Habang lumalaki si Ahkhleng, natuto siyang lumaban.
Isang umaga, sa eskinita papasok ng paaralan…
“Uy Ahkhleng! Babae ka ba o lalaki?” sigaw ng kapitbahay na si Marco. “O baka bakla ka?”
Tumaas ang noo ni Ahkhleng.
“Mas mabuti na ang totoo kaysa mapagpanggap.”
Nagngitngit si Marco.
“Bastos ka!”
“Kung hindi ninyo po ako tinutukso, hindi po ako sasagot,” mahinahon ngunit matatag niyang tugon.
Hindi alam ni Ahkhleng na sa tuwing inaasar siya ni Marco, may kakaibang ningning ang mga mata nito. At sa tuwing umaalis si Ahkhleng, matagal siyang pinagmamasdan ng binata.
Sa paaralan, lalo pang umusbong ang talento ni Ahkhleng. Sa tulong ni Bb. Ambasa, ipinakita niya ang husay sa pag-awit, pagtula, at maging sa isang science demonstration na may maliit na rocket na nagpa-ilaw sa entablado.
Ngunit hindi lahat ay natuwa.
Si Rico, isang kaklase, ay tila laging iritable.
“Bakit lagi na lang ikaw ang napapansin?”
Nagalit si Ahkhleng at nakapagsalita ng hindi maganda. Pinagsabihan siya ni Bb. Ambasa.
“Ang tunay na galing ay may kasamang kabutihan,” sabi ng guro.
Doon nagsimulang matuto si Ahkhleng na hindi lahat ng laban ay sinasagot ng galit.
Pag-uwi, muli na namang narinig ang pang-aasar ni Marco.
“Hoy! Bakla! San ka galing?”
Ngunit bago pa makasagot si Ahkhleng, narinig niya ang isa pang boses.
“Marco, tama na.”
Ito’y ang kanyang ama, na kanina pa nakikinig.
Sa bahay, kinausap siya ni Mang Baksi.
“Anak, hindi lahat ng laban ay kailangang sagutin. Minsan, ang katahimikan ang mas malakas.”
Nang gabing iyon, narinig ni Ahkhleng ang doktor sa telepono. Kailangan ng matinding pag-iingat ni Aling Banel. Mahina ang kanyang puso.
Doon niya nalaman ang isa pang lihim: matagal nang tumigil sa pag-inom ang kanyang ama. Ang perang inaakala niyang napupunta sa bisyo ay para pala sa gamot ng kanyang ina.
Nayanig ang mundo ni Ahkhleng.
Ilang araw ang lumipas, bumagsak si Aling Banel habang nagtitinda. Dahil sa pagod, stress dulot ng pakikipag-away ni Ahkhleng at init ng panahon isnugod sa ospital si Aling Banel.
Sa ospital, sinabi ng doktor na ang stress at pagod ay delikado sa kanya.
“Anak,” mahinang sabi ni Mang Baksi, “ang galit mo ay parang apoy. Hindi lang iba ang nasusunog… pati tayo.”
Sa tabi ng kama ng ina, napaluha si Ahkhleng.
“Nay… paano po ako magiging matatag?”
“Matutong rumespeto kahit hindi ka nirerespeto,” sagot ni Aling Banel.
Kinabukasan, muling nagkita sina Ahkhleng at Marco sa eskinita.
“Hoy, ayan na naman si…”
Ngunit hindi na siya pinatapos ni Ahkhleng.
“Magandang araw po. Tao po ako. At karapat-dapat sa respeto. Gaya ninyo.”
Napatahimik si Marco.
Ilang sandali ang lumipas bago siya nagsalita iba na ang tono.
“Ahkhleng… hindi kita inaasar dahil galit ako.”
Napayuko siya.
“Hindi ko lang alam kung paano ka lalapitan.”
Napakunot ang noo ni Ahkhleng.
“Ha?”
“Matagal na kitang hinahangaan,” amin ni Marco. “Ang tapang mo. Ang talino mo. Naiinggit ako… at natatakot din.”
Parang biglang tumahimik ang buong eskinita.
Sa unang pagkakataon, nakita ni Ahkhleng ang tunay na dahilan sa likod ng panunukso hindi galit, kundi pagkalito at paghanga.
Ngumiti siya.
“Kung may gusto kang sabihin, pwede namang hindi pang-aasar.”
Napangiti rin si Marco, nahihiya ngunit gumaan ang loob.
Doon naunawaan ni Ahkhleng ang isang mahalagang aral: hindi lahat ng nananakit ay galit. Minsan, sila ay takot.
Minsan, sila ay naguguluhan.
At minsan, sa likod ng panunukso ay may lihim na paghanga.
Sa tahanang puno ng pagtanggap, natutunan niya na ang tunay na lakas ay hindi nasusukat sa pagsagot ng galit sa galit o sa lakas ng boses, kundi sa pagpili ng respeto kaysa paghihiganti, pag-unawa kaysa pagmamataas, at pagmamahal sa sarili sa kabila ng lahat.
Sa araw na iyon, may nagbago hindi dahil tumigil ang mundo sa panunukso, kundi dahil pinili ni Ahkhleng ang kapayapaan ng puso. Sapagkat ang tahanang may pagtanggap ay maaaring hindi perpekto, ngunit ito ang lugar kung saan natututong magmahal, umunawa, at tumanggap ang puso sa sarili at sa iba.
At doon nagsimula ang mas matatag, mas maliwanag, at mas makabuluhang kuwento ni Ahkhleng.