Return to site

DAKILANG MISYON SA

DIYOS AT SARILI

ni: JENNIFER R. RANCES

Ang Ama, anila'y haligi ng tahanan,

At ang Ina naman, ay tinagurian ding Ilaw;

Tunay ngang sila ang nagsisilbing gabay,

Sa kanilang mga supling upang wag maligaw.

Ngunit kapag isa sa dalawang nilalang na ito'y sumuko‘t bumitaw,

Tiyak maglalaho anumang pangarap sa buhay;

Ngunit hindi sa mga Inang matatag at malakas ang patnubay,

Tanging ang Diyos Ama ang gabay nilang tunay.

Ang buhay dito sa mundo ay di na natin matanto,

Lalo na sa panahon ngayon, lahat ginagawang biro;

Ang pagiging magulang ay di na gaya ng dati,

Takot sa responsibilidad, kadalasa’y walang silbi.

Mga magulang ngayon kadalasa'y bulag,

Pikit sa katotohanan at sa mahahalagang bagay, payak.

Mga mata nila'y mulat ngunit mga bibig ay tikom,

Di sila nabubuhay ayon sa kanilang layon at misyon.

Sa kapangyarihan ng pera't kasakiman, buhay nila'y nakakulong.

Tunay ngang ang Ama, kapag matino at responsable;

Walang Inang iiyak, laging tuliro't nagrerebelde,

Mga anak payapa, kontento sa buhay na simple.

Walang hindi kayang gawin, lahat nagagawa at napapadali,

Ngunit datapwa't puso’y nababalot ng hinagpis at pagsisisi;

Titiisin ang sakit; gagawin ang makakaya anuman ang mangyari,

Lahat kakayanin, upang pamilya’y maisalba; mga anak ay mapabuti.

Sa kabila ng mga suliraning bitbit sa balikat na di maikubli,

Mga anak ay itataguyod, hanggang sa huling sandali;

Pasan man ang mundo, kakayanin at tatayo hanggang sa huli,

Tunay ngang ang pagiging magulang ay dakilang misyon sa Diyos at sarili!