“Siyak sa metten iti agipunpon kinyada aminen.” Napahagulgol na lamang si Aling Luwalhati habang sinasabi ang mga ito habang tinatanaw ang anak niyang ngayon ay nakaratay sa ICU at sinusubukang buhayin ng doktor.
Kasalukuyang nasa ICU ang ikalawa niyang anak at nag-aagaw buhay matapos madapuan ng isang hindi pangkaraniwang sakit. Matapos ang isang buwang operasyon nito ay itinakbo si Kardo sa ospital matapos mahirapang huminga noong nakaraang gabi. Kaninang umaga lang ay maayos pa ito at sinabihan ng kaniyang doktor na baka makauwi na ito sa loob ng tatlong araw. Ngunit bigla na lamang lumaki ang kaniyang tiyan kaninang hapon dahilan upang mabahala si Aling Luwalhati na agad na tinawag ang mga nars. Dahil nakaluwas na sa Maynila ang doktor ng kaniyang anak ay tinawagan na lamang ito ng nakatalagang residenteng doktor.
“Nay, kailangan lang pong maglakad-lakad ni sir upang mailabas ang hangin sa kaniyang tiyan.” Matapos marinig ito sa residente, ay inalalayan ni Aling Luwalhati si Kardo upang makatayo, at magsimula sa paglalakad. Habang naglalakad si Kardo na naka-walker ay nakaalalay naman ito sa likod niya habang itinutulak ang suwero nito.
“Ma, sana makalabas na ako dito sa ospital. Ayaw ko na dito, gusto ko ng pumasok sa paaralan. Nananabik na akong makita ang aking mga estudyante at mga kaibigan.” Bigla na lamang itong nasabi ni Kardo ng makalahati ang pasilyo mula sa kaniyang kuwarto.
“Kaya magpagaling ka na anak. Di ba’t ngayong buwan din ay matatapos na ang sick leave mo. Makakapasok ka nang muli.” Pagpapalakas ng loob ni Aling Luwalhati sa kaniyang anak. Hindi umimik si Kardo at nagpatuloy sa paglalakad. Nang malapit na nilang marating ang dulo ay isang malakas at mahabang utot ang inilabas ni Kardo.
Nagalak si Aling Luwalhati sa kaniyang narinig. “Naibsan ba ang bigat ng iyong tiyan?” tanong nito sa kaniyang anak. Tumango si Kardo. Nagpatuloy sila sa paglalakad hanggang sa maka-tatlong beses silang pabalik-balik sa pasilyo bago bumalik sa kanilang inookopang kuwarto.
Malayo ang tingin ni Kardo nang pumasok si Aling Luwalhati dala ang kanilang pananghalian. Gusto daw kasi ni Kardo na kumain ng Jollibee spaghetti at chicken joy. Kaya lumabas ito upang bumili ng gustong kainin ng kaniyang anak.
“Addatoy akon. Mangan kan nakkong.” Pagpukaw ni Aling Luwalhati. Tumingin sa kaniya si Kardo at ngumiti.
Nagsimula na nilang pagsaluhan ang pagkaing binili ni Aling Luwalhati kasabay ng hindi matapos tapos na kuwento ng kaniyang anak. Walang ginawa si Aling Luwalhati sa buong pagkain nila kung hindi humagalpak sa tawa sa mga kuwento ni Kardo.
“Ma, nakasindi ba ang aircon?” tanong ng kaniyang anak.
Tinitigan ni Aling Luwalhati ang kaniyang anak ng marinig ang tinuran nito. Nakita niya ang mga butil ng pawis na namumuo sa kaniyang noo. “Oo, nakasindi.” Sagot nito habang pinupunasan ang pawis sa noo ng kaniyang anak.
“Bakit ang init?” Kinuha ni Aling Luwalhati ang remote control at ibinigay sa kaniyang anak dahil hindi niya alam kung paano palakasan ito.
Nakita niya ang pagkabalisa sa galaw ng kaniyang anak dahil sa init na nararamdaman nito habang siya ay nangangatog na sa lamig matapos babaan ni Kardo ang temperatura ng aircon.
“Ma, may pamaypay ba tayo o karton?” tanong nito.
Dali-daling naghanap ang kaniyang ina sa mga dala nilang gamit at ng may mahanap na karton ay agad niyang pinaypayan ang kaniyang anak. Sinipat nito ang ulo niya at naramdaman nitong may sinat ito. Kaya pinindot nito ang interkom sa may ulunan nito sapagkat bilin sa kaniya ng doktor at ng nars kanina na kapag nilagnat si Kardo ay agad niya silang tawagin.
Wala pang dalawang minuto ay dumating na ang babaeng nars. “Ano pong nangyari?” tanong nito sa kaniya.
“May sinat kasi ang anak ko.” Agad namang sagot ni Aling Luwalhati.
Iniipit ng nars ang thermometer sa may kili-kili ni Kardo, inilagay ang pulse oximeter sa kaniyang daliri, at kinuhanan ng blood pressure. Biglang umismid ang nars ng makita ang resulta ng mga vital signs nito na ikinabahala ni Aling Luwalhati.
“May lagnat po si sir 39.3°C, at sobrang taas ng tibok ng puso niya, 160 bpm at ang kaniyang presyon naman ay 150/90. Tatawagin ko lang po si dok.” Mas lalong kinabahan si Aling Luwalhati sa narinig nito sa nars.
“Ma, nagpudot. Paypayan mo ako.”
Nangingilid ang mga luha ni Aling Luwalhati ng marinig ang daing ng kaniyang anak. Hiniwakan nito ang kaniyang kamay habang ang isa ay pinapaypayan ito. Ganitong tagpo sila nadatnan ng residente.
“Itutusok lang po namin itong pangpakalma dahil hindi po normal ang bilis ng kaniyang puso. Sir, kaya niyo bang umupo upang inumin itong Paracetamol?” tanong ng residente. Tumango si Kardo at dahang-dahang umupo.
“Nay, lagyan niyo po muna siya ng basang tuwalya sa kaniyang noo upang makatulong sa pagbaba ng kaniyang lagnat. Huwag po kayong mag-alala mahigpit po naming babantayan ang kaniyang kalagayan.” Paninigurado sa kaniya ng residente.
Matapos lumabas ng residente ay kinuha nito ang isang malinis na tuwalya at binasa. Nilagay niya ito sa noo ng kaniyang anak na hanggang ngayon ay balisa pa din at dumadaing ng sobrang init. Hindi naglaon ay dumating ang bunsong anak ni Aling Luwalhati dala ang ibang gamit.
“Kumusta si Manong, Ma?” tanong ng kaniyang bunsong anak na si Martin.
“Mataas ang lagnat at sobrang taas ng pulso at presyon.” Pagkasabi nito ay nakita ni Aling Luwalhati ang pagkabahala sa mga mata nito. Nilapitan ni Martin ang kama ng kaniyang manong na ngayon ay nakaidlip na ngunit makikita sa mukha nito ang paghihirap.
Nang matuon ang mata ni Martin sa tiyan ng kaniyang manong ay napakunot siya ng noo. “Ma, bakit parang ang laki ng tiyan ni manong?” tanong nito sa kaniyang ina. Itinaas ni Aling Luwalhati ang damit ng kaniyang anak at lumantad ang malaki nitong tiyan na kumikinang na sa laki. Wala ng sinayang pang sandali si Martin. Pinindot na nito ang interkom at muling dumating ang isang nars.
“Parang hindi na pangkaraniwan ang laki ng tiyan ng manong ko,” agad na turan ni Martin.
Sinipat ng nars ang tiyan ni Kardo at agad na tinawagan ang residente. Nang dumating ang residente ay tinawagan niya ang doktor ni Kardo upang tanungin kung anong gamot ang ibibigay dito. Itinusok na muli sa swero ni Kardo ang iniresetang gamot at ibinilin ng residente sa mga nars na masusi nilang babantayan ang kalagayan ng binata.
Ngunit isang oras na ang nagdaan ay hindi pa din umeepekto ang gamot na itinurok kay Kardo. Mas nabahala si Aling Luwalhati ng mas tumaas pa lalo ang pulso ng kaniyang anak. Kaya naman ay kinausap na siya ng doktor nito na si Dok Jimenez sa pamamagitan ng residente.
“Nay, mas mainam kung dadalhin na natin sa ICU ang inyong anak upang mas mabantayan ang kaniyang mga vital signs at masusi siyang maalagaan.” Payo ni Dok Jimenez.
Matapos maputol ang tawag ay nagdesisyon na silang ilipat si Kardo sa ICU. Alas nuwebe na ng gabi ng magising si Kardo. “Nak,” masayang turan ni Aling Luwalhati.
“Nauuhaw ako, ma.” Daing nito.
Agad na kinuhanan ng tubig ni Aling Luwalhati ang anak nito.
“Alam mo ba ma napanaginipan ko si papa, sina lolo at lola. Inilalahad ni papa ung kamay niya sa akin parang sinasabi niya sa akin na sumama ako sa kanila kasi may pupuntahan daw kami.” Kuwento nito matapos sumipsip ng tubig.
Parang may kuryenteng pumasok sa katawan ni Aling Luwalhati na nagpataas ng lahat ng balahibo nito nang marinig ang kuwento ng anak. “Kinuha mo ba ang kaniyang kamay?” tanong nito.
“Oo, pero binitiwan ko din kasi hindi kita makita. Wala ka doon kaya sabi ko na maghintay na muna siya at hahanapin kita. Tapos ayon, naputol na kasi nagising na ako.” Paliwanag ni Kardo.
Napayakap si Aling Luwalhati sa anak nito kasabay ng pagpatak ng mga nag-uunahang luha. “Huwag na huwag kang sasama sa kanila anak. Hindi ko kakayanin kung sumama ka sa kanila.” Nagtataka man ay yumakap na din sa Kardo sa kaniyang ina.
Nang matiyak na ni Aling Luwalhati na maayos na ang vital signs ng anak at mahimbing na itong natutulog ay tinawag niya ang anak nitong si Martin na nasal abas ng ICU upang pumasok at maging bantay ng kaniyang manong. Matapos non ay bumaba na ito sa unang palapag kung saan matatagpuan ang maliit na kapilya ng ospital.
Hindi na siya umabot pa sa luhuran dahil pagkapasok nito sa loob ay bumagsak na siya sa sahig at humagulgol.
“Panginoon, parang awa mo na, huwag niyo po munang kunin ang aking anak. Bigyan mo pa po siya ng panahon upang ipagpatuloy ang kaniyang buhay. Diyos ko! Dinggin mo naman po ang aming mga dasal… Kailangan ko pa po ang aking anak.” Ito ang paulit-ulit na binibigkas ni Aling Luwalhati habang humahagulgol sa iyak.
Ayaw niya sanang isipin ang mga ayaw niyang mangyari, pero hindi maalis sa kaniyang isipan ang panaginip ni Kardon a kung saan siya ay inaaya ng kaniyang ama na sumama sa kanila dahil may pupuntahan sila. Isa lang kasi ang ibig sabihin nito- sinusundo na ang kaniyang anak. Mas lalong lumakas ang iyak ni Aling Luwalhati ng sumagi ito sa kaniyang isipan.
“Diyos ko… babawiin mo din ba ang pangalawa kong anak? Kulang pa ba ang isa? Ano po bang ginawa kong kasalanan na tila ba ako ay inyong pinaparusahan ng ganito.” Alam niyang maling kwestyunin ang Panginoon sa mga plano nito sa ating buhay. Ngunit hindi na mapigilan pa ni Aling Luwalhati ang bugso ng kaniyang damdamin.
Kinaumagahan ay mas lumaki pa ang tiyan ng kaniyang anak at dahil dito ay nahihirapan na siyang makaupo ng maayos at hindi na din ito makabawas. Wala na itong lagnat, at kung kahapon ay sobrang taas ng kaniyang pulso ngayon naman ay medjo bumaba kaysa sa normal.
“Ma’am, may mga bisita po si sir sa labas pero sobrang dami po kasi nila. Hindi po sila puwedeng pumasok lahat.” Nang marinig ito ni Kardo ay napangiti ito. Umaasang ang mga kabaro at kaibigan niya ang mga dadalaw.
Nilabas ni Aling Luwalhati ang mga bisita ng kaniyang anak. Napayakap siya sa mga kaibigan ng kaniyang anak at maging sa punong guro nito ng makitang sila pala ang bisita. Tama nga ang nars na sobrang dami nila dahil halos maokopahan nila ang pasilyo sa labas ng ICU. Dahil limitado lamang ang puwedeng pumasok sa loob ay pinapasok na muna ni Aling Luwalhati ang punong guro ng kaniyang anak.
Nagkamustahan sina Kardo at ang kaniyang punong guro na si Gng. Flores. Mababakas ang tuwa sa mga mata ni Kardo samantalang pag-aalala naman ang makikita sa mga mat ani Gng. Flores. Nakiusap si Kardo sa kaniyang ina na kung maaari ay papasukin din ang dalawa niyang matalik na kaibigan na sina Dyosa at Marieta kung sila ay nasa labas. Agad na tumalima si Aling Luwalhati at ilang sandal pa ang kasabay niyang pumasok ang dalawa.
Iyakan at tawanan ang namutawi sa loob ng ICU, at dahil hindi na maaari pang pumasok ang iba ay nag bidyo call na lamang upang makita ni Kardo ang iba niyang kasamahan sa trabaho na nasa labas. Napangiti si Aling Luwalhati ng makitang abot tenga ang ngiti ng kaniyang anak na kahit na alam nitong nahihirapan ito sa iniindang sakit ay hindi pa din nagmaliw ang pagiging masayahing tao nito.
Lumipas ang maghapon na walang ibang namumutawi sa kalooban ni Aling Luwalhati kung hindi takot. Dahil matapos umalis ang mga kasamahan sa trabaho ng kaniyang anak ay nagsimula ng bumababa ang pulso at presyon nito dahilan upang mahirapan itong huminga. Kaya naman ng mawala ang tibok ng puso nito at na-revive ay napagdesisyunan ng doktor na lagyan na siya ng tubo.
“Magpakatatag ka anak. Huwag mong iiwan ang mama.” Bulong nito sa kaniyang anak habang hawak ang kaniyang kamay. Marahang pinisil ng kaniyang anak ang kamay ng kaniyang anak bilang tugon.
Halos ayaw umalis ni Aling Luwalhati sa tabi ng kaniyang anak. Hindi niya maramdaman ang gutom maski na ilang beses na siyang inalok ng pagkain ng kaniyang bunsong anak. Maski na ang ihi nito ay pinipigilan niya dahil natatakot siya na baka kapag nabaling ang atensyon niya sa iba ay iwanan na siyang tuluyan ng kaniyang anak. Isang butil ng luha ang muling tumolo sa kaniyang mata ng muling sumagi ito sa kaniyang isipan.
Alas dos ng madaling araw ng napabalikwas ng gising si Aling Luwalhati sapagkat nakarinig ito ng tunog. Agad niyang ibinaling ang paningin sa monitor at laking gulat niya ng makita na ang tunog na kaniyang naririnig ay mula dito na nagging dahilan ng pagtigil ng kaniyang mundo. Ilang sandali pa ay nagsidatingan na ang mga nars at ang residenteng doktor at siya ngayon ay hinahatak palabas palayo sa kaniyang anak. Sa pagsara ng pinto ng ICU at ng maramdaman nito ang yakap ni Martin ay doon niya lamang naunawaan kung ano ang nangyayari.
Pumunta siya sa may bintana ng ICU at nakita niya kung paano irevive ng doktor ang kaniyang anak na ngayon ay nag-aagaw buhay. Napatutop siya sa kaniyang bibig at ang mga luha nito ay naging malaya sa pagtulo sa kaniyang mukha.
“Anak ko,” ito na lamang ang nasabi ni Aling Luwalhati.
“Diyos ko! Apay kastoy? Apay kasla siyak met sa metten iti agipunpon kinyada aminen.” Panaghoy ni Aling Luwalhati. Niyakap siya ng mahigpit ni Martin na umalalay sa kaniyang umupo sa malapit na upuan.
Hindi mapakali si Aling Luwalhati sa labas ng ICU. Maging ang anak nito ay nahihilo na sa pagpapalakad-lakad nito sa harap niya.
“Bakit ang tagal namang lumabas ng doktor.” Inip na tanong niya kay Martin. Hindi umimik si Martin sa tanong ng kaniyang ina sapagkat maging siya ay hindi naman alam ang sagot.
Matapos ang dalawampung minuto ay lumabas na ang residenteng doktor at kababakasan sa itsura nito ang kalungkutan. “Nay, sorry po, pero hindi na po naming na-revive si sir Kardo. Tuluyan na pong bumigay ang kaniyang katawan.” Paliwanag ng doktor.
Wala ng sinayang pa sina Aling Luwalhati at Martin at patakbo silang nagtungo sa loob ng ICU kung saan nakaratay si Kardo.
“Anak! Anak! Bakit mo ako iniwan, anak ko…” Niyakap ng Aling Luwalhati ang walang buhay niyang anak. “Diyos ko, bakit naman po ganito? Lahat na lang ba ng mahal ko sa buhay ay babawiin ninyo ng ganito kasakit. Apo! Apay met kastoy! Ang sakit. Ang sakit, sakit.” Sigaw nito habang parang gripo ang pag-agos ng mga luha nito.
Hindi inakala ni Aling Luwalhati na sa ikatlong pagkakataon ay susuutin niyang muli ang itim na damit nito na ginamit din niya dalawang taon na ang nakakaraan. Isinuot na din niya ang itim nitong kuwintas na gawa sa beads na huli niyang naisuot noong mamatay ang panganay niyang anak.
Ilang sandali na lamang mula ngayon ay dadarating na ang kaniyang anak. Maya-maya pa ay tumigil na ang sasakyan ng funeraria na naglalaman ng mga ilaw at iba pang palamuti sa burol. Isang oras pa at mahigit ang kanilang hinintay ng tumigil muli ang puting sasakyan na naglalaman ng bangkay ni Kardo.
“Ingatan ninyo hindi magandang tumama ang kabaong sa pinto ng bahay.” Paalala ng matandang kapatid ni Aling Luwalhati na si Aling Joyce.
Akala ni Aling Luwalhati ay naubos na ang mga luha nito sa kakaiyak, Ngunit ng makita niya ang kaniyang anak na nasa loob ng kabaong ay humalgulgol na naman siyang muli. Dali-dali namang kumuha si Martin ng inumin dahil muntik ng mahimatay ang kaniyang ina sa sobrang pag-iyak.
Walang buhay na nakaupo si Aling Luwalhati sa tabi ng labi ng kaniyang anak. Habang tuloy-tuloy ang pagdating ng mga bulaklak at mga taong nakikiramay. Samantala ang mga kapatid namang lalaki ni Aling Luwalhati ay isinalansan na ang dalawang kahoy sa harap ng kanilang bahay upang sindihan.
“Nakikiramay po kami, auntie. Mauuna na po kami.” Tumango si Aling Luwalhati bilang tugon sa mga estudyante ng kaniyang anak na dumalaw.
“Mag-iingat kayo sa pag-uwi mga nakkong. Hindi ko na kayo mahahatid sa labas dahil bawal maghatid.” Paliwanag ni Aling Luwalhati. Naintindihan naman ito ng mga bata na nagsimula ng umalis.
Kinaumagahan ay inasikaso naman ni Martin ang mga papeles ng pagkamatay ni Kardo dahil kailangan iyon sa pagpapalibing sa kaniya siyam na araw matapos ang kaniyang kamatayan. Naiwan sa kanilang tahanan ang kaniyang ina at ang iba nilang kamag-anak.
Bago pa man ang pagkain ng tanghalian ay nagtabi na si Aling Luwalhati ng pagkain na iaalay niya sa mga yumao sa kanilang altar. Sakto, at ang ulam ng tanghaling iyon ay ang paborito ng kaniyang anak na bopis.
“May kayon apo, para kinyayo amin attoy. Anak ko, nagluto ako ng paborito mo. Alam kong gusting-gusto mo ng kumain nito.” Masayang wika nito habang tinatawag ang mga kaluluwang hindi naman nakikita.
Walang oras na hindi kinausap ni Aling Luwalhati ang kaniyang anak. Dahil pakiramdam nito ay natutulog lamang ito sa ataol. Walang humpay din ang pagdating ng mga taong nagmamahal dito mula sa kaniyang mga estudyante, mga magulang, kaibigan, kaklase, at mga kasamahan sa trabaho. Kaya naman noong huling gabi niya ay inalayan siya ng isang programa kung saan nagbalik tanaw sa masayang buhay ni Kardo. Nang dahil doon ay umapaw ang mga luha sapagkat namuhay si Kardo ng masaya kaya naman napakahirap tanggapin na ang isang tulad niya ay tapos na ang misyon sa mundo.
Madaling araw pa lamang ay nagsimula ng tumugtog ang musiko biilang paghahanda sa pagpunta kay Kardo sa kaniyang huling hantungan. Naihanda n ani Aling Luwalhati ang mga gamit na dadalhin nito, maging ang perang ibibigay nito dito ay nakahanda na rin. Itinaas ng mga nagtratrabaho sa funeraria ang salamin ng kabaong upang ilagay ang rosary sa kamay nito. Winisikan din ni Martin ng pabango ang kaniyang Manong upang sag anon ay maramdaman daw nila ang presensya niya kapag ito ay dumalaw sa kanila.
Nang mailabas na ang kabaong ay ginilitan ng isang biyuda ang leeg ng isang manok at pinalakad ito sa balkonahe. Nagsaboy din siya ng tubig upang sa ganong ay wala ng sumunod pang mamatay.
Hindi magkamayaw ang mga taong nakilibing. Punong-puno ang simbahan na maging ang pari ang nagulat sa dami ng tao. Biro pa nito na mas madami pa ang nakipaglibing kay Kardo kaysa sa mga taong nagpupunta sa simbahan upang makimisa tuwing Linggo.
Pabigat ng pabigat ang mga hakbang ni Aling Luwalhati habang palapit sila ng palapit sa magiging huling hantungan ni Kardo. Bago pa ibaba ang kabaong nito ay binuksan muna ang salamin nito upang bigyan ng huling pasinayam ang pamilya niya. Tinanggal ni Aling Luwalhati ang sapatos nito upang pagdating nito sa langit ay hindi siya madulas. Ang isang biyuda naman ay pinigtas ang rosaryong hawak niya upang maiwasan ang sunod-sunod na pagkamatay ng pamilya. Ganon din ay inilagay ni Aling Luwalhati ang pera sa malamig na kamay ng kaniyang anak.
Hindi na nito napigilan pa ang paghagulgol.
“Anak ko. Bakit moa ko iniwan anak… Anak ko…”
Halos mapa-upo si Aling Luwalhati ng makitang binababa na sa hukay ang kabaong ng kaniyang anak. Para siyang pinagsakluban ng langit at lupa at hanggang ngayon ay hindi pa din nito matanggap na wala na ang kaniyang anak.
“Diyos ko, hindi ba dapat ang anak ang naglilibing sa magulang? Bakit naman ganito? Bakit ako na naman ang maglilibing sa aking anak? Ano po bang nagawa kong kasalanan at laging ganito kasakit ang ipinararamdam ninyo sa akin? Kardo… Anak…”
“Ma, tama na po. Nasa Mabuti ng kalagayan ang manong. Wala na po siyang mararamdamang sakit doon.” Napayakap na lamang si Aling Luwalhati kay Martin. Pilit na kumukuha ng lakas dito.
Ngayong araw ang ika-40 na araw ng pagkamatay ni Kardo, maaga pa lang ay nagluluto na si Aling Luwalhati ng iaalay at ipapakain sa mga bisita katuwang ang nag-iisa na lang niyang anak na si Martin at ang iba pa nilang mga kamag-anak. Bago sila magtungo sa sementeryo ay magpapadasal na muna sila alay sa kaluluwa ng kaniyang yumaong anak. Sinindihan na niya ang tatlong kandila na sumisimbolo sa Santisima Trinidad. Makikita din sa altar ang mga pagkaing alay gaya ng itlog sa itaas ng inyugan, manok, gin, softdrinks, sigarilyo at iba pang mga alay na pagkain.
Matapos ang rosaryo na pinangunahan ng dalawang matandang babae ay nagpakain na sila. Nang wala na ang mga bisita ay nagtungo na sina Aling Luwalhati at Martin sa sementeryo at nag-alay ng dasal at kandila kay Kardo.
“Anak, kung nasaan ka man ngayon ipanalangin mo kami na iyong naiwan na maging matatag. Patnubayan mo kami lagi ng adding mo. Namimiss ka na naming. Hindi na tulad ng dati ang bahay… Hindi na maingay, at hinding hindi na naming maririnig muli ang mga halakhak mo.”
Bumagsak ang mga nag-uunahang mga luha ni Aling Luwalhati.
“Ma, ayaw ni kuyang nakikita kang umiiyak. Tahan na. Malalagpasan din natin ang lahat ng ito.”
Tumingin silang dalawa sa langit habang pinagmamasdan ang pagsayaw ng mga ulap dala ng ihip hangin.