Ako ay nagmula sa lahing kayumanggi
Sa isang malayong bayan ako ay isinilang at lumaki
Ito ay binansagang Perlas ng Silangan
Dahil ito ay hitik sa makukulay na kwentong bayan.
Ang yamang lupa ay biniyayaan ng Poong Maykapal
Mula sa kabundukan, talampas, at sa kapatagan
Iyong makikita mga punong mayayabong na kayganda
Isama pa ang ginto, pilak, at iba pang angking yaman.
Pagtingin sa kalawakan iyong mga mata ay masisilayan
Araw na nagniningning, nagbibigay sigla at buhay
Ibat-ibang ibong nagkakasiyahan at nagliliparan
Mula sa himpapawid tungo sa kanyang paroroonan.
Ang yamang tubig ay saganang-sagana
Mula sa isang batis hanggang sa baybayin
At ito ay nagsisilbing kanlungan ng mga isdang tumatahan
Kasama ng lamang-dagat at iba pang kayamanan.
Tunay ngang pinagpala ang aking bayang sinilangan
Di kailanman ay ipagpapalit sa anumang karangyaan.
Sapagkat sa aking bayang sinilangan ako ay pinagyaman
Ibat-ibang kayamanan kailanman ay aking pagyayamanin.